Culture

Hindi Basta Gudtaym

Rebyu ng Steady Lang, album ng Brownman Revival
Sony Music 2005
(Unang lumabas sa Pinoy Weekly)

DAYUHAN man ang pinanggalingan, iginigiit ni Dino Concepcion, bokalista ng bandang Brownman Revival (BMR), na bagay rin ang musikang reggae sa mga Pinoy.

Mahilig diumano tayong sumayaw, at ebidensiya nito ang pagkakauso ng ballroom at mga sayawan sa gitna ng kalsada sa probinsiya. Ngunit higit pa sa hilig na ito, bagay umano ang reggae dahil sa mensahe nito ng pag-ibig at pagtutol sa opresyon. Musikang mula sa mahirap na bansa para sa isang mahirap na bansa.

“When we formed the band, I couldn’t see the point of playing grunge or metal. That’s First World culture and angst,” minsan nang sinabi ni Dennis Concepcion, drummer ng BMR. Naniniwala ang mga miyembro ng BMR na higit sa iba pang porma ng popular na musika, pinakabagay ang reggae sa Pilipinas dahil sa pagiging masiyahin at hilig ng mga Pinoy sa “gudtaym” habang kinakaharap ang maraming problemang panlipunan.

Kaya sinadya man o hindi, tila maganda ang timing ng paglabas ng bagong (at kauna-unahang full length) album ng BMR. Sa kabila ng kasalukuyang krisis pampulitika sa bansa, ang payo ng BMR sa mga Pinoy – Steady Lang.

Sa unang pagdinig, puro “gudtaym” lang ang ipinapahayag ng Steady Lang. Mula sa revival ng mga dati nang kinahihiligang musika ng VST & Co. (“Binibini” at “Ikaw ang Aking Mahal”) hanggang sa mga orihinal na “Jeggae”, tila walang ibang nais ang BMR kundi himukin kang umindak at mag-enjoy. At natural lamang, dahil kilala ang reggae sa pagiging musika na may positibong mensahe sa buhay.

Natural din sa reggae ang mga tono at linyang tila nakatuon sa pagkiliti sa ating popular na romantikong sensibilidad, tulad ng “Under the Reggae Moon” (na parang sinadyang maging malapit sa tono ng “Under the Sea” mula sa “Little Mermaid” na pelikula ng Disney), “Ikaw Forever” at “Ngayong Gabi.”

Sadyang palasak at korni ang linya, halimbawa, ng “Ikaw Forever”: “Ikaw ang aking pag-ibig / Kahit na ako ay hindi ibig / Ikaw ang aking forever / Kahit tayo ay hindi together.” Gayundin ang sa “Under the Reggae Moon”: “Ating gabi ang hatinggabi / Init ng ating damdamin huwag na nating palampasin / Ating gabi ay ang hatinggabi / Halina’t maglambingan tayo sa dilim.”

Sa mga kantang tulad nito madalas na pinupuna ang BMR. Ayon sa ilan, panghatak lamang ng “chicks” ang mga kantang ito. Kumpara sa iba pang nagdaang bandang reggae sa Pilipinas (mula Cocojam hanggang Tropical Depression), tila mas malakas ang hatak ng BMR sa kababaihan. Ebidensiya nito ang pagdagsa ng yuppie crowd na karamiha’y kababaihan sa Xaymaca, isang reggae club sa Timog Avenue na tinutugtugan ng BMR tuwing Biyernes. Hindi rin nakasamâ sa ganitong reputasyon ng BMR ang batang edad ng mga miyembro ng banda. Lalong hindi nakasamâ ang mala-boy next door na imahe ni Dino.

Ngunit hindi kasalanan ng banda kung dumadagsa ang yuppies sa Xaymaca sa mabababaw na dahilan. Sa live performances nito, ilang beses nang ipinamalas ng banda na higit pa sa pagpapakilig ang hilig nito. Sa kabila ng mabababaw na love songs at popular na covers (mga awitin/revivals ng Big Mountain at UB40), ipinakita ng BMR na para sa kaninumang tagapakinig nakatuon ang pagpapaligaya nito, hindi lamang sa “chicks.”

(Naaalala ng manunulat na ito ang pagtugtog ng BMR sa isang konsiyerto sa UP Fair, kung saan regular na nakikigulo ang mga totoy na “pank” mula sa iba’t ibang komunidad ng maralita sa Quezon City, dalawang taon na ang nakakaraan. Isang gabi sa Fair nang magkagulo at pagbabatuhin ng mga “pank” ang isang bandang “hindi punk.” Sumunod na tutugtog ang BMR, na binati ng “boo” ng mga naturang “pank.” Para pakalmahin ang odyens, nagsalita si Dino at ipinaliwanag na ang reggae ay para sa lahat at kahit mga punk ay nagkakahilig dito. Nanahimik ang mga “pank” at kalauna’y nagsipag-indakan rin sa saliw ng tugtog ng banda.)

Pinatunayan ito ng BMR sa mga kantang “Salarin”, “Dahan Dahan”, “Gusto Mo Pa” at ang cover nito sa kantang “Maling Akala” ng Eraserheads.

Tulad ng ilang naunang binanggit na awit sa album, love song din ang “Salarin.” Ngunit puno ito ng damdamin ng isang taong pinagtaksilan ng kanyang pag-ibig – isang damdaming pamilyar sa mga Pinoy na pinagtaksilan ng kanilang presidente, este kasintahan: “Puwede ba ’wag mo naman akong gawing tanga…Puwede ba sinta / Huwag nang ipagkaila / Kitang kita sa leeg mo / Ang mga marka.”

Sinasadya man o hindi, halos makikita natin ang imahen ng Pangulong humihingi ng patawad matapos mabuking ang panloloko sa persona ng kantang “Gusto Mo Pa”: “Pagkatapos ng nangyari / At lahat ng nasabi / Gusto mo pa rin / Ba sa akin?…Lahat ng lihim na damdamin / Ano ngayon at nabuking / Gusto mo pa ba sa akin?”

Bagaman wala namang masyadong pagbabago sa orihinal ng bersiyon ng BMR ang “Maling Akala” ng E’heads (pati ang boses ni Dino ay mala-Ely Buendia sa kantang ito), swak pa rin sa kasalukuyang klima ng bansa ang mga babala ng Pinoy Fab Four: “May mga kumakalat na balita / Na ang kaligtasa’y madaling makuha / Bago maniwala mag-isip-isip ka muna / Marami ang namatay sa maling akala.” Parang propetang nagbababala sa atin na huwag paniwalaan ang mga inilalakong mga “biglaang solusyon” (tulad ng Cha-cha?) sa ating mga problema.

Sa lahat ng awit sa Steady Lang, “Dahan Dahan” naman ang pinakadirektang nakikipag-usap sa tagapakinig. Tila kinakausap ng BMR ang mga tagatangkilik nito na makialam din paminsan-minsan sa mga problema ng lipunan: “Puwede bang maabala ka nang sandali / Sa lahat ng mga nangyayari / Hindi mo man pinapansin nararamdaman mo pa rin…”

Kahit sa pinaka-“matapag” na bahagi ng album, hindi pa rin bumibitaw ang BMR sa layunin nitong pasayahin at mag-“gudtaym” ang tagapakinig. Kaya naman madalas na napapagkamalan itong “malabnaw” o “mababaw” na banda, kahit sa hanay ng mga Rasta sa Pilipinas. Ngunit ang totoo, ipinapakita lamang ng BMR na malày ito sa uri at lebel ng kamalayan ng tagapakinig nito, yuppie man o simpleng mahilig sa reggae, na kadalasang walang pakialam sa mundo kundi ang pana-panahong pag-“gudtaym.” Malày ang BMR sa katotohanang hindi madaling imulat ang tagapakinig nito, kaya nga payo ng banda na “Dahan dahan tayong bumitaw / Dahan dahan tayong gumalaw / Dahan dahan tayong sumakay / Dahan dahan tayong mamumulat.”

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s