Culture

Para sa Masa?

Rebyu ng Ultraelectromagneticjam
Iba’t ibang artista
Produksiyon ng Jam 88.3 at Sony BMG

WALA PANG namamatay na miyembro ang Eraserheads.

Dalawang taon pa lamang mula nang humiwalay si Ely Buendia kina Marcus Adoro, Raymund Marasigan at Buddy Zabala. Aktibo pa sa music scene ang lahat ng dating miyembro ng banda. At nabibili pa rin sa mga tindahan ng CD at tape ang kanilang mga dating album.

Ano, kung gayon, ang halaga ng Ultraelectromagneticjam, ang bagong labas na tribute album para sa ‘Heads?

Napapanahon ba?

Ipinrodyus ng istasyon sa radyo na Jam 88.3 at Sony BMG, ang Ultraelectromagneticjam ay koleksiyon ng 17 mga kanta ng ‘Heads na tinugtog ng karamiha’y mga nakababatang musikero at banda.

Ayon sa mga musikero at bandang ito, isa sa mga pangunahing impluwensiya nila ang ‘Heads. Para kay Eric Perpetua, associate program director ng Jam 88.3 at pasimuno ng proyekto, panahon na upang bigyang-pugay ang itinuturing niyang pinakamatagumpay at mahalagang banda sa kasaysayan ng musikang Pinoy.

Di maikakaila ang halaga ng ‘Heads sa musikang Pinoy. Ngunit, marami ang nagsasabing di pa ito napapanahon. Sinabi pa diumano ni Ely, na marahil ay di pa napapanahon ang isang tribute album dahil nananatili pa rin sa eksena ng musika ang mga dating kasapi ng grupo. Kumbaga, di pa tapos husgahan ng kasaysayan ang apat na musikerong tinaguriang “Fab Four” ng Pilipinas.

Ihambing ito sa mga inilabas na tribute album sa Kanluran, tulad ng sa Beatles, Carpenters, Queen, The Doors, The Police, Ramones at sina John Lennon at Bob Marley – karamihan sa kanila’y tapos na ang karera nang parangalan ng isang tribute album ng mga kapwa musikero.

Di maaalis sa isip ng mga nagmamasid sa eksena ng musika na magduda sa intensiyon ng mga prodyuser.

Bagong interpretasyon

Sa Ultraelectromagneticjam, may mga awiting masasabing nagpapakita ng seryosong pagrespeto sa musika ng ‘Heads.

Pangunahin dito ang “reinterpretasyong” ginawa ng rapper na si FrancisM at amg Hardware Syndrome sa “Superproxy,” ang panimulang awit ng ‘Heads sa pangatlong album nito na Cutterpillow. (Naging bahagi din si FrancisM sa rap na bahagi ng orihinal na bersiyon.)

Sa bagong bersiyon na pinamagatang “Superproxy 2K6”, mas maingay ang gitara at drums at pinahaba ang bahagi ng rap. Bahagi marahil ng pag-angkop sa kasalukuyan – 2K6 na nga naman – ang pagpalit ni FrancisM ng mga salitang “i-dial lang ang telepono” ng “isaksak lang ang modem n’yo” sa lyrics.

Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, nanatili ang sarkastikong mensahe at pagpuna sa lipunang nabibili ang lahat ng bagay pati kaligayahan. Sa puntong ito, masasabing tunay na tribute ang interpretasyon ni FrancisM sa uri ng humor ng ‘Heads. Ito marahil ang dahilan kung bakit, sa lahat ng mga kanta sa Ultraelectromagneticjam, ito lamang ang kantang tila “binasbasan” ni Ely: tumulong diumano siya sa backup vocals ng kanta.

Humor pa rin ng ‘Heads ang lumulutang sa “Alkohol” ng Radioactive Sago Project at “Maling Akala” ng Brownman Revival. Gamit ang sariling estilo – “spoken word” sa Radioactive Sago Project at reggae sa Brownman Revival – binigyan ng dalawang banda ng sariwang tunog ang mga lumang kanta ng ‘Heads na ni hindi sumikat o naging hit.

Kung parang lasing na kumakanta ang ‘Heads, laluna si Raymund, sa orihinal ng “Alkohol”, lalong parang lasing na binigkas ni Lourd de Veyra ang bagong bersiyon. Angkop na angkop ang pagkakaroon ng horns section ng Radioactive Sago Project sa halip na simpleng gitara at baho ng ‘Heads para iparamdam ang sensasyon ng pagiging lango sa alak.

Angkop naman ang bersiyong reggae ng Brownman Revival sa “Maling Akala” dahil sa tonong magaan at madaling masakyan at masabayan ng sayaw, sa kabila ng nakapailalim na mabigat na mensahe: “Bago maniwala, mag-isip-isip ka muna / marami ang namamatay sa maling akala.” Di kataka-takang unang sinulat diumano ni Ely ang kanta bilang reggae.

Samantala, iba naman ang lapit ng Imago sa kantang “Spoliarium”, na unang lumabas sa Natin99 na album ng ‘Heads. Mas madilim at mabigat sa pandinig ang orihinal na bersiyon, ngunit lungkot at kawalan ng katiyakan ang mararamdaman sa boses ng babaing bokalista ng Imago. Ito marahil ang mas angkop na interpretasyon sa awiting mahirap matanto ang kahulugan ng lyrics: “Madilim ang paligid / May tumawag sa pangalan ko / Labing-isang palapag / Tinanong kung okey lang / ako sabay abot ng baso…”

Di bagay

Iba rin ang lapit ni Isha sa kantang “Torpedo” na mula sa Cutterpillow. Ngunit tila di masyado nagtagumpay si Isha na iparating ang mensahe ng pagiging torpe. Mas kapani-paniwalang di marunong dumiskarte sa pag-ibig ang persona ng orihinal dahil marahil sa manipis at mahinang boses ni Ely, kumpara sa buo at siguradong boses ng jazz singer na si Isha.

Lalo namang hindi bumagay sa mga mang-aawit ang mga napiling kanta nina Kitchie Nadal (“Ligaya”), Paolo Santos (“Magasin”), at Cueshe (“Hard to Believe”).

Walang dating ang pag-awit sa kantang “Magasin” ni Paolo Santos, na tila napilitan lang kumanta sa koleksiyon. Di rin umangkop ang tila walang emosyong pagkakanta ng Cueshe sa awit na puno ng optimismo sa kabila ng masasamang nagaganap sa mundo. Di rin kapani-paniwalang lesbiyana ang persona ni Kitchie Nadal na nanliligaw sa isang babaing nagngangalang “Ligaya.”

Inaasahan namang magiging malapit sa orihinal – at walang masyadong inobasyon – ang ambag ng 6CycleMind (“Alapaap”), Sugarfree (“Tikman”), Spongcola (“Pare Ko”), Barbie Almalbis (“Overdrive”) at Orange and Lemons (“Huwag Kang Matakot”).

Samantala, katangi-tangi ang pagpasok sa koleksiyon ng South Border (“With A Smile”), MYMP (“Huwag Mo Nang Itanong”) at si Rico J. Puno (“Ang Huling El Bimbo”). Dahil kilalang pop at di rock ang mga musikerong nabanggit, sariwa sa pandinig ang kanilang mga bersiyon. Sa kabilang banda, tunog ordinaryong pop song na lamang na maririnig sa radyo ang kanilang bersiyon.

‘Pag-ahon’ sa masa

Isang malaking trahedya naman ang pag-awit ng “Para Sa Masa” ng mga musikerong kalahok sa Ultraelectromagneticjam. Tila di naintindihan ng mga prodyuser ang mensahe ng kanta: “Pinilit kong iahon ka / Ngunit ayaw mo namang sumama.”

Sa awit na ito mahihinuha ang pilosopiya ng ‘Heads kaugnay ng “masang” tagapakinig nila: naniwala silang “maiaahon” nila ang masa mula sa pagtangkilik ng “mabababang klase ng awitin.” Pilosopiyang kung tutuusin ay elitista, pagkat walang ibang makaaangat sa kalagayan at panlasa ng masa kundi ang sarili niya.

Sa pagpili ng mga prodyuser sa “Para Sa Masa” bilang huling awitin, mababatid ang intensiyon nilang pagkakitaan lamang ang pagiging popular sa masa ng musika ng ‘Heads. Pinapalabas nilang para sa masang tumatangkilik sa ‘Heads ang Ultraelectromagneticjam – tulad ng karaniwang kapitalistang sa harap ng masa’y bukambibig ang linyang “para sa inyo ang lahat ng ito”, ngunit sa huli’y siya at siya lamang ang nakikinabang.

Unang inilathala sa Pinoy Weekly (11-17 Enero 2006)

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s