Culture, Migration

Pantasya at Pangingibang-Bansa sa Pelikula

Madalas nating marinig na bahagi na ito ng buhay-Pinoy. Ngunit mas gusto kong isiping higit pa sa pagiging bahagi ng buhay natin ang pelikula: sa pamamagitan ng mismong mga imaheng lumalabas sa puting tabing malalaman natin kung nasaan na tayo at saan tayo patungo bilang isang bansa.

Mahirap isipin, totoo, na sa pagmasid lamang sa mga imahe ng mga paborito nating artista mahihinuha na natin ang kasalukuyan at hinaharap ng bansa. Mahirap isiping sa pamamagitan lamang ng pagsubaybay sa kuwento ng pinakahuling kakornihang pakulo ni Vic Sotto o romansang palabas nina Juday at Piolo mababatid na natin ang sagot sa mga katanungang kung ilang dekada nang tinatanong ng mga dalubhasa’t pantas sa mga pamantasan.

Mahirap isiping may katotohanan at kabuluhan din palang nilalaman ang mga pantasyang tila dinesenyo para kalimutan natin ang katotohanan at kabuluhan.

Isang matandang hangal ang nagsabing hindi lamang hinuhugot mula sa kalangitan ang mga ideya hinggil sa mundo. Gayundin siguro sa pelikula: walang kuwento’t pakulong nabuo at nilikha mula sa kawalan. Gaano man sila kamalikhain, hindi diyos si Ricky Lee, o si Pete Lacaba, o sinumang sikat na manunulat ng iskrip ngayon. Tao lamang sila at nilalang ng lipunang huhubog at huhubog sa kanilang pananaw sa mundo at mga likha.

Gaano man kayaman ang pamilyang Lopez o si Mother Lily, hindi nila kakayaning lumikha ng alternatibong uniberso para sa pelikula lamang. Kahit si Peter Jackson ngang utak sa likod ng The Lord of the Rings ay hindi nakawala sa kasalukuyan (itinuturing ng ilan ang kanyang trilohiya bilang komento sa kasalukuyang giyera kontra terorismo ng US). O maging ang hari ng pantasyang pelikula na si Steven Spielberg sa kanyang likhang War of the Worlds, na nabahiran ng namamayaning pagkatakot o paranoia sa lipunang US ngayon matapos ang teroristang atake noong Setyembre 11, 2001.

Hindi maaring makawala ang mga pelikulang lumalabas ngayon, mula Dubai hanggang Enteng Kabisote hanggang I Will Always Love You.Lalong halata sa nauna at huling nabanggit na pelikula – mga pelikulang pinondohan ng dalawang magkaribal na istasyon ng telebisyon (ABS-CBN para sa Dubai at GMA para sa I Will Always Love You).

Sa pagprodyus sa mga ito ng dalawang gahiganteng network pantelebisyon, mababatid na natin kung sino sa pagitan ng pelikula at telebisyon ang mas impluwensiyal ngayon (dati pelikula, pero ngayon telebisyon). At kadikit ng impluwensiyang nakukuha ay ang kitang nakakamal. Kitang napapatotoo dahil sa matalas na pang-amoy ng mga ehekutibo sa mga network.

At ano ang naaamoy nila ngayon? Walang iba kundi ang masangsang na baho ng kahirapang palala nang palala sa bansa ngayon. Sangsang na naghihikayat sa milyun-milyon sa ating mga kababayan na maghanap ng ibang lugar na paghihingahan at pagtitirhan.

Wala na nga bang “romantikong” lugar sa Pilipinas na maari pang gawing tagpuan sa mga “romantikong” pelikula? Kailangan na ba talagang lumabas pa ng bansa para maikuwento ang mga romansa ng ating panahon? Kung sa bagay, sa pagtindi ng krisis ng bansa, lalong humihirap din isiping ang pag-uulayaw na naganap sa pagitan nina Aga, Claudine at John Lloyd ay magaganap sa Pilipinas. Kailangan ng isang ideal setting, isang tagpuang hindi na makukumplika pa ng mga panlipunang problema tulad ng polusyon, trapik, basura, iskuwater, kudeta, giyera.

Isipin, halimbawa, kung naganap ang kuwento ng Dubai hindi sa Dubai kundi sa…Cubao. Kargador si Aga ng mga gulay sa palengke ng Q-Mart, habang nagtatrabaho naman bilang saleslady ng SM si Claudine. Babaero si Aga. Kalandian niya ang mga babaing nagbebenta ng laman na tumatambay sa madilim na MMDA footbridge sa kanto ng EDSA at Aurora. Samantala, kontraktuwal na manggagawa sa paborito nating mall si Claudine, na minsang nakasabay ni Aga sa pagsakay sa bus sa EDSA isang maulan na madaling-araw at naka-one night stand niya. Darating mula sa probinsiya si John Lloyd, kapatid ni Aga na noong bata pa’y pinangakuan ni Aga na balang araw ay magtatrabaho sila sa…Makati.

Kasingganda ba ng Dubai ang Cubao? Kikiligin kaya tayo tuwing magtatagpo ang mga karakter nina Claudine at John Lloyd sa Nice o Sugo Motel? O kung magpapakita sa ating pelikula na namamasyal sila sa magagandang tanawin ng Cubao (Kung sa bagay, mayroon naman lamang New York, Seattle, at Washington ang Cubao, kahit sa pangalan ng kalye lamang)?

Malamang hindi. Malamang hindi rin tayo masyado kikiligin kung sa halip na San Francisco ang tagpuan nina Angel at Richard sa I Will Always Love You ay gawing Santa Elena, Bulacan o Santa Filomena o kung saan mang lokal na probinsiyang pinangalanan sa kung sinumang santo/a.

Sa hirap ng buhay kung bakit may pelikulang Dubai at I Will Always Love You. At inaasahan nating dadami pa ang mga pelikulang tulad nito, mga pelikulang gagawing tagpuan ay mga dayuhang bansa kung saan totoo namang marami talagang Pilipinong nagtatrabaho at nakikipagsapalaran. Ngunit mas malamang kaysa hindi, walang kinalaman ang mga pelikulang ito sa buhay ng mga OFW doon – mga pelikula itong dati na nating napapanood, nasusubaybayan at nahuhulaan ang katapusan.

(Ibahin ko lang nang kaunti ang pelikulang Milan, na siya namang nagpasimuno sa mga pelikulang ganito. Bagaman kuwentong pampalikig din, natatangi ang Milan sa hindi paglarawan sa tagpuan bilang ideyal na lugar. Ordinaryong TNT na OFW ang mga karakter. Dinanas nila ang kahirapang araw-araw naririnig natin sa mga kuwento-kuwento ng mga dating OFW.)

Bagaman palasak at di kapani-paniwala ang mga plot ng mga pelikulang tulad nito, masasabi pa ring may mga mensahe ito na makatotohanan. Sinasabi nitong pahirap na nang pahirap ang buhay, at wala pang natatanaw na kaalwan sa malapit na hinaharap. Sinasabi nitong huwag na tayong umasa sa gobyerno dahil wala naman itong layuning talagang pagandahin ang buhay natin, mas mabuti pang mangibang-bansa. Sinasabi nitong bulok na bulok na ang sarili nating lipunan at kailangan na tayong tumingin sa labas ng ating bakod para maghanap-hanap ng mga alternatibong paraan ng pamumuhay. Mas maganda ba kung tularan na lang natin ang kapitalismo ng United Arab Emirates o Estados Unidos? O mas gugustuhin ba nating mabuhay na lamang sa isang mundong katha ng malilikot na imahinasyon nina Vic Sotto at Michael V.?

Nasa atin, siyempre, ang desisyon. Maari ding lumabas tayo sa inihahaing mundo ng pelikula at lumikha ng sariling mundo batay sa imahinasyon, na siyang nakabatay naman sa limitasyon ng kasalukuyang lipunan. Mula sa abo ng nabubulok na lipunan malilikha ang bago, sabi nga ng isa pang matandang hangal. Anuman ang mangyari, tiyak na magpapatuloy ang paglikha ng pelikula. Tiyak ring magpapatuloy ang paglikha ng pelikulang hinuhubog at binabahiran ng reyalidad.

Pagkalipas ng daan-daang taon, artipakto na ang mga pelikula ngayon. Huhukayin mula sa mga nakabaong baul at pag-aaralan ng mga tao ng hinaharap. At mababatid nila ang ating mga barbarikong paraan. Maihahantad sa kanila ang mga sinauang lipunang napakaraming bilang ng tao’y lugmok sa sangsang ng karalitaan, napipilitang magpantasya, mangibang-bansa o masiraan ng bait.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s