Human Rights, Political Crisis

Sumpa sa Edsa

Bago marahas na binuwag ng mga pulis at sundalo ang pagtitipon ng humigit-kumulang 30,000 katao sa Edsa Shrine kahapon, Pebrero 24, walang duda sa isipan kong bilang na ang oras ni Gloria Arroyo sa Malakanyang.

Nandoon ako sa lugar nang umagang iyon, at tinanaw ang dami ng tao mula sa entablado ng Edsa Shrine. Sinubukan kong isipin ang imahe ng “Edsa Dos, Day One.” Kung matatandaan, mas maliit pa nga dito ang unang nagtipon sa Edsa Shrine gabi matapos ibasura ng Senado ang reklamong impeachment noong Enero 17, 2001. Tulad ng mga Atenista at relihiyosong pumunta sa lugar noong 2001, nagmisa at nanalangin din ang mga tao kahapon. May nakita rin akong mga nakasutana. At siyempre, nandoon din ang mga pulang bandila.

May balita pang may mga opisyal-militar na naghahandang magbawi ng suporta kay Gloria. Lahat ng sangkap halos, nandoon na sana.

May dagdag pang halaga ang pagtitipon kahapon dahil linggo ngayon ng pagdiriwang ng unang pag-aalsang Edsa. Kung mayroon pa mang maaring asahan kay Gloria matapos ang Hello Garci, ito sana ay ang pagrespeto sa ideya at simbolo ng Edsa. Tutal, naluklok naman siya dahil pinili ng humigit-kumulang 100,000 katao na pumunta sa kanto ng Edsa at Ortigas sa pagitan ng Enero 17 at 20 noong 2001 sa halip na maglakwatsa, matulog, magtrabaho, o manahimik na lang.

Pinili ng mga tao na itaya ang oras, pagod at sariling seguridad sa pag-asang may kahihinatnang maganda ang munting sakripisyong ito. Kung di man magbago at mapabuti ang kanilang buhay, kahit di na lang muling mapasailalim sa tiraniya ang bansa.

Masaya ang alaala ko sa Edsa Dos – parang isang extended na piknik, o mala-Woodstock na pagtitipon, at siyempre, pagkakataong maranasang matulog sa semento ng Edsa – pero ngayong inaalala ko ito, may totoong panganib pala ang paglahok sa ganoong pagtitipon.

Kung kasingdesperado rin ni Gloria ngayon si Erap noon, di sana nagkaroon ng Edsa Dos. Noong gabi ng Enero 17 mismo, marahas na dinispers na niya ang mga Atenista na nagtipon. Binuhusan na sana niya ng sundalo ang paligid ng Edsa Shrine at Malacañang. Pagkaumaga, pinahuli na sana niya ang mga lider ng oposisyon at organisasyong progresibo. Nilusob na sana ang Inquirer at iba pang dyaryong panay ang bira sa kanya. At pinasok ang mga himpilan ng GMA-7 at ABS-CBN-2.

Maaring sabihing naging mas mabait si Erap sa mga lumahok sa kilos-protesta kaysa kay Gloria, pero baka mas tuso lang talaga ang huli. At mas ambisyoso. Anu’t anuman, pasalamat ang mga Atenista at di bumira si Erap nang gabing iyon. Siyempre, pasalamat din dapat si Arroyo. Pero asa pa nga.

Sino ba’ng mag-aakalang kayang gawin ni Gloria ang Proclamation 1017? O, kahit ang Calibrated Preemptive Response? O, kung babalikan natin ang nakaraang limang taon, ang pagpatay sa daan-daang aktibista, taong simbahan, at abogado? Hindi naman tayo umasa na magbabago na ang sistema matapos ang Edsa Dos, pero hindi rin tayo umasa na hahantong sa pagluklok sa isa na namang diktadura (at ano pa nga ba ang Proclamation 1017 kundi deklarasyon ng diktadura?) sa kapangyarihan.

Paano ba humantong sa ganito ang pangako ng Edsa Dos? Tinatanong ko ito sa sarili habang minamasdan ang pagbabatuta ng mga pulis sa mga raliyistang nagtipon sa Edsa Shrine noong Pebrero 24, bago binomba ng malapot at maruming tubig ng bombero at saka tinaboy sa bandang Greenhills sa Ortigas Ave. Iniisip ko ang hitsura ng nakangising Gloria na pinoproklama habang tinatanaw ito mula sa mismong puwesto kung saan iprinoklama si Gloria sa entablado ng Edsa Shrine.

Iniisip kong ako si Gloria, nagsusumpang magiging matapat sa Konstitusyon, sa mandato ng sambayanan, isang palad nakataas, isa nakalapat sa bibliya – habang nagaganap ang pagwalis ng kapulisan sa mga tao na minsan na ring napadpad ng Edsa noong 2001.

Matapos itaboy sa Edsa, nagmartsa ang mga tao sa Ortigas, sa parehong kalye na dinaanan nila noong madaling araw ng Enero 20, 2001 para makapunta sa Mendiola at masigurong babakantehin ni Erap ang Malacañang. Mula sa kalyeng ito, nagmartsa naman ngayon ang mga tao patungong Makati kung saan isa pang rali ang nagaganap. Apat na oras na tinahak nila ang daan, tiniis ang init at pagod. Parang noong 2001 din.

Alas-kuwatro na nang makarating ang mga raliyista sa Ayala Ave. Dito muli silang hinarang ng mga pulis. Bandang 7:30 nang gabi nang muli silang marahas na idispers. Siniguro ng mga pulis at ng Malacañang na walang magaganap na People Power sa araw na iyon, Edsa man o Ayala.

Sa mismong gabing iyon, kinumpiska ng mga pulis ang mga kopya ng Tribune sa opisina ng dyaryo. Balita ko, pinasok din ang opisina ng Abante at Malaya. Pati dyaryo namin nangangambang pasukin. Umaga na nang arestuhin si Anakpawis Rep. Crispin Beltran. Tanghali naman nang tangkain ng mga pulis na damputin sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, kasama sina Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, Gabriela Rep. Liza Maza at Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Gusto ni Gloria na hindi na masundan ang nakaraang dambuhalang rali. Na hindi magkaroon ng “Day Two” ang inaasam sanang isa pang pag-aalsang People Power.

“Secured” na daw ngayon ang Edsa Shrine. Tahimik na ang Mendiola, Edsa, pati Ayala. Mistulang ghost town naman ang kampus ng UP Diliman, na pinagpugaran ng mga SWAT. Kapayapaan naman daw talaga ang pakay ng deklarasyong state of emergency, sabi ni Mike Defensor.

Ito naman daw talaga ang gusto ng mayorya ng taumbayan – maliban na lamang sa mga komunista, mga miyembro at lider ng mga militanteng grupo, mga lider-oposisyon, mga kritikal mag-isip na taong simbahan, mga radikal na sundalo’t opisyal, mga makabayang abogado, doktor, siyentista at iba pang propesyonal, mga migranteng aktibista, mga kabataang pinagkaitan ng edukasyon, mga nagtataguyod ng karapatang pantao, mga mamamahayag, mga progresibong artista’t manunulat, mga maralitang tagalungsod na pinagkaitan ng bahay at kabuhayan, mga manggagawa na pinagkakaitan ng disenteng trabaho, mga magsasakang inaagawan ng lupa at iba pang Pilipinong naniniwala sa diwa ng makatarungang pag-aalsa.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s