Culture, Human Rights

Pagbawi sa Mendiola

Rebyu ng Mendiola
Dinirehe, Sinulat at Pinrodyus ng Sine Patriyotiko (Sipat), 2006

Kung tutuusin, may kalayuan pa ang tulay ng Mendiola sa mismong sentro ng kapangyarihang panggobyerno sa Malakanyang. Kung ilang pader, hilera ng barbed wire at tsekpoint pa ang kailangang daanan patungo sa Palasyo ng nakaupong pangulo. Hindi rin naman ito lang ang tanging daan papasok at palabas ng Malakanyang.

Pero kahit pa, naging simbolo na ang tulay na ito ng mahabang kasaysayan ng pagpupunyagi. Sa di-mabilang na pagkakataon, Mendiola ang nagsilbing entablado sa teatro ng pakikibaka laban sa mga nagdaang tiraniya. Minsan pang dumanak dito ang dugo ng mga magsasaka.

Ang kapirasong kongkretong ito na humihiwalay sa Pangulo sa masikip at masalimuot na trapiko ng taumbayan sa Kamaynilaan ang sentro ng bagong dokumentaryo ng Sipat o Sine Patriyotiko. Hindi ang Mendiola bilang lugar, kundi lahat ng emosyong naikabit na sa salitang “Mendiola”: ang “Mendiola” na kumakatawan sa kolektibong hangarin ng taumbayan para sa makabuluhang panlipunang pagbabago.

Sa mahigit 30 minutong dokumentaryo, sinipat ng Sipat ang imahen ng Mendiola sa kasaysayan.

Binisita nito ang Mendiola noong panahon ng Sigwa ng Unang Kuwarto (First Quarter Storm). Naganap ito noong unang kuwarto ng 1970, nang sumiklab ang malalakihang kilos-protesta ng kabataan at estudyante. Daan-daang libong kabataa’t estudyante ang humugos sa mga lansangang karatig ng Malakanyang, kabilang ang Mendiola, laban sa umiigting na pasismo ni Pangulong Ferdinand Marcos. Wala mang aktuwal na banta ng pag-agaw ng kapangyarihan, kinatakutan ni Marcos ang pagpapakita ng lakas ng kabataan at ng kilusang progresibo. Pandarahas ang itinapat ng pamahalaan sa mga protesta, na lalo lamang lumakas nang lumakas hanggang nagdeklara si Marcos ng Batas Militar.

Panahon ng diktadura ni Marcos nang ipagbawal ang protesta sa lansangan, lalung lalo na sa Mendiola. Ngunit lalong umigting ang pagpupumilit ng mga progresibo na maglunsad ng mga mabilisang pagkilos sa Mendiola.

Napabagsak si Marcos ng malakihang pag-aalsa sa isa pang kalye sa Maynila, ang EDSA, na naging simbolo naman ng isa pang uri ng pag-aalsa (mapayapa ngunit limitado). Nang maluklok si Corazon Aquino sa Malakanyang, di pa rin nakakamit ang mga hangaring ipinaglaban sa Mendiola, kung kaya’t nagpatuloy pa rin ang mga protesta. Umigting ang mga protesta hanggang maganap ang masaker ng mga magsasakang nagpoprotesta sa Mendiola noong taong 1987.

Gamit ang mabilis at makabagong mga pamamaraan ng video editing, pakuwentong narration at paggamit ng musikang rock sa Mendiola, magaang naihayag ng Sipat ang makulay at mapulang kasaysayan ng lugar. Bagaman may kasalatan sa video footage ng mga kilos-protesta noong dekada ’70 at laluna noong dekada ’80, sinikap ng mga may-likha na makabawi sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga naging saksi at kalahok sa mga digmaan sa Mendiola noong mga panahong iyon.

Malaki rin ang tulong ng pakikipanayam sa mga dati at kasalukuyang lider-kabataan, gayundin kina Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan, at Dr. Bienvenido Lumbera, makabayang iskolar, makata at manunulat (siya rin ang nagsulat ng titik sa Awit ng Mendiola, na ginamit sa dokumentaryo). Ipinaliwanag nina Reyes at Lumbera ang halaga ng simbolo ng Mendiola sa kasaysayan.

Malinaw ang layunin ng Sipat na ipaliwanag sa mga manonood kung bakit kinakailangang sikaping muling mapasakamay ng taumbayan ang simbolo ng Mendiola. Sa kasalukuyan, ayon sa dokumentaryo, bawal muling magprotesta sa Mendiola. Hindi man direktang nabanggit, tinutukoy ng Mendiola ang polisiyang Calibrated Preemptive Response o CPR ni Pangulong Arroyo laban sa mga raliyista. Bilang pagpapatuloy ng kasaysayan sa Mendiola, nagtuon ang mga may-likha ng mahabang panahon sa pagpapakita ng mga dispersal sa lugar kamakailan. Kabilang na dito ang mga tangkang “pagbawi sa Mendiola” ng mga militanteng kabataan noong mga buwan ng Setyembre at Oktubre 2005.

(Sa bahaging ito, maganda sanang naisama sa dokumentaryo ang pahayag ng alkalde ng Maynila na si Lito Atienza na hinding hindi siya magbibigay ng permiso sa sinumang grupo na magprotesta sa Mendiola. Aniya, anumang emosyong dinadala ng mga raliyista sa kanilang mga martsa ay tumitindi o lumalakas kapag nakakatapak sila sa Mendiola.)

Malinaw ang hangarin ng Sipat na ipaliwanag sa mga manonood ang halaga ng pagbawi sa “Mendiola”. Sa pamamagitan ng pagsuway sa CPR at “no permit, no rally” anumang panganib ng dispersal ang kapalit, ipinapamalas ng mga militanteng organisasyon na nasa taumbayan ang tunay na kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagbawi sa Mendiola, nabibigyang lakas ng loob ang iba pang igiit ang kanilang mga karapatan sa asembliya, sa malayang pagpapahayag, at sa pagsuway sa tiraniya.

Pahabol: Bagaman ginawa bago pa ang Proklamasyong 1017 ni Arroyo, patuloy na napapanahon ang mensahe ng Mendiola. Kamakailan, nagpamudmod ang Sipat ng mga kopya ng Mendiola sa Kongreso para kontrahin ang paglaganap ng mga bidyong pampropaganda ni Arroyo para bigyang katuwiran ang 1017.

Kamakailan, kinilala ang dokumentaryong Mula Sa Third Avenue Hanggang Dulo ng Sipat bilang Pinakamahusay na Dokumentaryong Bidyo ng Cultural Center of the Philippines, ang pangunahing kultural na institusyon ng gobyerno.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s