Environment

Lason sa Dalampasigan ng Rapu-rapu

“DATI, asul na asul ang dagat. Ngayon, berde na.”

Para kay Aling Juanita Ayo, signos ng papalapit na masamang kalamidad ang pagbago ng kulay ng karagatan. Sanay ang mga mamamayan ng Brgy. Lupi, Prieto Diaz, Sorsogon sa madalas na pagbisita ng bagyo. Ngunit ang hindi nila inaasahan, kakaibang kalamidad ang paparating.

Unang araw ng Nobyembre noong nakaraang taon nang ibalita sa radyo ang kontaminasyon sa karagatan ng mga nakalalasong kemikal mula sa isang dambuhalang minahan sa karatig na islang bayan ng Rapu-rapu, Albay.

Tanaw mula sa dalampasigan ng Prieto Diaz ang minahan ng Lafayette Philippines sa Rapu-rapu. 45 minuto ang layo nito sa isla sa pamamagitan ng bangkang de motor. Tuwing gabi, nakikita nina Aling Juanita ang liwanag ng piyer ng minahan na pag-aari ng mga negosyanteng Australyano. Aniya, natuwa sa tanawin ang mga bata, na di pa nakakita ng ganoong karaming ilaw, katulad ng liwanag ng lungsod.

Noong araw na iyon ng Nobyembre, naghandang pumalaot ang asawa ni Aling Juanita, gayundin ang iba pang mga mangingisda ng Prieto Diaz. Ngunit sa dalampasigan, sinalubong sila ng masangsang na amoy at nakakalat na patay na isda sa baybayin.

Hindi lamang nangyari ito sa Prieto Diaz. Sa mga baybayin ng Rapu-rapu, Donsol, Gubat at Lungsod ng Sorsogon tumambad ang nakakalat na patay na isda. Nagreklamo naman ang ilang residente ng kakaibang kati sa kanilang balat matapos kumain ng isda o pumalaot sa dagat. Di nagtagal, kumalat ang balitang nalason na nga ang karagatan.

Ngunit ang totoo, Oktubre 2005 pa naganap ang sadyang pagtapon ng Lafayette ng kemikal sa dagat. Sa Brgy. Pagcolbon sa isla ng Rapu-rapu, unang naiulat ang fish kill noong Oktubre 11. Sa Brgy. Binosawan naman noong Oktubre 31, iniulat ng mga residente ang natagpuang 15 kilo ng patay na lamang dagat sa dalampasigan.

Sa isang fact-finding mission na isinagawa ng Sagip-Isla, lokal na organisasyon sa Rapu-rapu, kasama ang Center for Enviornmental Concerns, Agham, at mga representante ng Rural Missionaries of the Philippines, St. Agnes Academy, at Aquinas University noong Nobyembre 12-13, 2005, napag-alaman ang “pagkamatay ng mga puno at iba pang halaman sa lugar kung saan dumaloy ang mine tailings.”

Ayon sa ulat ng misyon, unti-unting namamatay ang ilog ng mga komunidad sa Rapu-rapu na pinagkukunan ng mga mamamayan dito ng malinis na tubig. “Ito’y palatandaang epekto ng paggamit ng minahan ng pambihirang dami ng tubig para sa operasyon,” ayon sa ulat ng misyon.

Inamin mismo ng Lafayette na sadya nilang pinakawalan ang mine tailings noong Oktubre sa Brgy. Binosawan para maiwasan ang pagkasira ng dam na puno na ng tailings na naglalaman ng mga nakalalasong kemikal.

Dahil dito, iniutos ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) ang pansamantalang pagtigil ng pagtapon ng Lafayette ng nakalalasong kemikal sa Rapu-rapu. Iniutos din ng DENR sa Lafayette na magbayad ng P300,000 na danyos dahil sa paglabag sa Environmental Compliance Certificate.

Matapos ang limang buwan, naglabas naman ang NSRI (Natural Sciences Research Institute) ng Unibersidad ng Pilipinas ng ulat na “tolerable” na muli ang lebel ng mga kemikal na arsenic at mercury sa karagatan ng Albay at Sorsogon.

“Nagpilit na kaming mangisda, anghirap kasi ng hindi nakakakain ng isda. Parang tuyung-tuyo ang kalooban namin at parang nanghihina kami ’pag di nakakakain ng isda,” ani Aling Juanita.

Hinikayat ng mga lokal na opisyal ang pagbalik ng mga mangingisda sa pamamalaot. Bahagyang bumalik din ang mga mamimili sa palengke. Agaran namang inanunsiyo ng mga alkalde ng mga apektadong bayan na bukas na muli ang kanilang mga magagarang dalampasigan at mga resort sa mga turista.

Sa bahagi ng Lafayette, siniguro ng manedsment sa mga residente na di na muling mangyayari ang spillage sa dagat mula sa dam nito na pinag-iimbakan ng nakalalasong mga kemikal. Katunayan, nagpatawag pa ito noong Pebrero ng konsultasyon sa mga lokal na opisyal, residente, lider-simbahan, at sosyo-sibikong organisasyon upang kumbinsihin silang hindi na mauulit ang pagkalason sa dagat.

Sa naturang konsultasyon, inanunsiyo ng mga opisyal ng Lafayette ang konstruksiyon ng mas malaki at mas mataas na dam para tambakan ng mga kemikal na siyang by-product ng pagpoproseso ng mga nakukuhang yaman sa lupa tulad ng ginto, copper at zinc.

Mapanganib Pa Rin

Ngunit tila hindi pa rin lubos na napanatag ang loob ng mga mamamayan ng Prieto Diaz. Berde pa rin ang dagat. Di na rin naibalik ang sigla ng pangingisda. Lalong lumala lamang ang paghihirap ng mga mamamayan.

Pana-panahon pa ring inaanod sa dalampasigan ang mga patay na isda, dugong, balyena, at iba pang hayop ng karagatan. May mga ulat din ng pag-anod ng patay na butanding at dolphin.

Noong Enero 26, 2006, natagpuan sa dalampasigan ng mga residente ng Gogon, Poblacion sa Rapu-rapu ang isang sperm whale (pygmy) na may pitong pulgada ang haba at 150 kilo ang bigat.

“Isang balyena ang natagpuan dito noon lamang huling linggo ng Marso,” ayon kay Fr. Ino Bugawisan, katuwang na kura-paruko sa Brgy. Poblacion, Rapu-Rapu. Aniya, madalas rin siyang makatanggap ng balita mula sa mga mangingisda ng natatagpuang patay na malalaking isda.

Sa Prieto Diaz, may mga ulat pa rin ng mga mangingisda at residente na nagkakasakit matapos pumalaot sa dagat o kumain ng isda. Tulad ng ilang residente sa Prieto Diaz na nakausap ng PINOY WEEKLY na tumangging magpakilala. Anila, bumalik ang kati sa kanilang mga katawan matapos kumain ng isda, sa kabila ng deklarasyong di na mapanganib ang dagat.

Kasalukuyang pinasusuri ng mga residente sa mga espesyalista ang mga nangamamatay na isda, para masiguro na lason ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito. Depensa naman ng DENR, maaring isolated incident lamang ang pagkamatay ng mga lamang dagat na ito. Itinatanggi rin ng manedsment ng Lafayette na may kinalaman ang kanilang pagmimina sa pagkamatay ng mga isda at lamang dagat.

Gayunman, sinabi ni Bugawisan na sa tagal ng pangingisda ng mga taga-Rapu-rapu, ngayon lamang sila nakakita ng ganito karaming bilang ng namamatay na lamang dagat.

Maaring Maganap Muli

“May doubts ako sa NSRI report,” sabi pa ni Benito Doma, alkalde ng Prieto Diaz. Unang una, sabi niya, ginawa ng mga siyentista sa NSRI ang sampling maraming buwan na ang nakakaraan matapos ang pagkalason ng dagat at pansamantalang pagpasara sa minahan. Naging “tolerable” lamang diumano ang mercury at cyanide content ng tubig dahil sa pansamantalang napatigil ang pagtapon ng lason.

Sinabi pa ni Doma na patuloy ang takot na nadarama ng mga residente sa Prieto Diaz hangga’t nananatili ang minahan sa Rapu-rapu. “Dito sa Prieto Diaz, gabi-gabi natatanaw namin ang liwanag sa Lafayette. Kapag umaga naman, ’yung mga mangingisda, natatanaw naman ang bundok ng isla ng Rapu-rapu na nakakalbo na,” ani Doma.

May dahilan ang mga mamamayan para mangamba. Sa pag-aaral ni Dr. Emelina G. Regis, direktor ng INECAR (Institute for Environmental Conservation and Research) sa Ateneo de Naga University, hindi paborable ang Rapu-rapu sa pagmimina.

Mistulan ding walang panahon ng tagtuyot ang Rapu-rapu, ayon kay Regis. Aniya, maulan sa lugar, hindi lamang mula Nobyembre hanggang Enero, kundi halos bawat buwan ng taon, kung kaya gaano man kataas at kalaki ang dam ay madali itong mapupuno. At dahil sa kalagayan nito bilang maliit na isla na may bundok na matitirik na slopes, diretsong aagos ang anumang spillage patungo sa karagatan.

Nangangamba rin ang mga mamamayan ng Rapu-rapu sa posibilidad ng landslide dahil sa pagtambak ng tailings sa kanilang kabundukan. Sa Brgy. Binosawan, na matatagpuan sa mismong ibaba ng mga itinatayong dams, lubos na kinakatakutan ang pagguho ng dam.

“Natatakot kaming isang araw ay bigla na lang gumuho ang mga dam at tabunan ang barangay namin tulad ng nangyari sa Leyte,” sabi ni Salvador Echague, residente ng Binosawan.

Kinumpirma ni Regis na malaki ang posibilidad na mangyari ang pagguho ng bundok dahil sa katangian ng lupa at bato sa Rapu-rapu.

Lalo pang pinalala nito ang pagkakaroon ng AMD o Acid Mine Drainage sa mga barangay na Sta. Barbara at Pagcolbon sa Rapu-rapu. Sa mga lugar na ito unang nagsagawa ng open pit mining ang Hixbar Mining Co. noong dekada ’80. AMD ang kontaminasyon sa tubig ng Lead at Cadmium. Dahil dito, tatlo sa apat na ilog sa lugar ang kontaminado na at di na maaring pagkunan ng malinis na tubig.

Pinapatay din diumano ng AMD ang iba’t ibang lamang dagat sa Rapu-rapu. Kapag sumabay ang AMD sa mga kemikal mula sa pagmimina ng Lafayette, halos siguradong maaapektuhan ang agrikultura at isdaan, paliwanag ni Regis.

“Hangga’t nananatili ang Lafayette sa Rapu-rapu, nariyan ang panganib sa aming mga mangingisda at sa kapaligiran. Kung kaya ipinapanawagan namin ang pagpapaalis sa Lafayette,” sabi ni Doma, na kumakatawan sa sentimiyento ng mayorya ng mga mamamayan sa Sorsogon.

Maging ang mga mamamayan ng Rapu-rapu ay mariing tumututol na sa pagmimina sa kanilang isla. Kung dati napaniwala sila sa pangako ng kaunlaran dala ng Lafayette, ayon kay Eric dela Cruz, kagawad ng Brgy. Poblacion sa Rapu-rapu, masasabing mayorya na sa mga tao sa lugar ang naghahangad na paalisin ang dayuhang kompanya ng mina sa lugar.

Ayon kay Dela Cruz, maliban sa pagkasira sa kapaligiran, di rin tinupad ng kompanya ang pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan ng Rapu-rapu, tulad ng ipinangako nito. Batay sa pakikipanayam niya sa mga opisyal ng Lafayette, lumalabas na 90 porsiyento ng mga empleyado ng minahan ay mula pa sa ibang lugar.

“Dati ring nasilaw ako sa mga pangako ng Lafayette ng kaunlaran,” sabi ni Dela Cruz. Ngunit nang maganap ang spillage, nakita ng mga mamamayan ng Rapu-rapu ang napakasamang epekto ng pagmimina sa kanilang kapaligiran.

Pinangangambahan lamang ni Dela Cruz at mga kapanalig niya sa isla ng Rapu-rapu tulad ni Fr. Bugawisan ang mga balitang tinatangkang panunuhol ng Lafayette sa mga lokal na opisyal. Bahagi rin ng panunuyo ng Lafayette ang pagpapatayo ng mga simbahan at iba pang imprastraktura sa mga barangay para mapaniwala ang mga tao na kaunlaran ang dala ng pagmimina.

Kinumpirma rin mismo ni Bugawisan ang tangkang pagsuhol sa mga dating kura paruko sa Brgy. Poblacion ng P20-Milyon noong nagsasagawa pa lamang ng eksplorasyon ang Lafayette.

May ilan ding mga opisyal ng barangay na todo-suporta sa pagmimina dahil sa benepisyong nito sa kanila. “Buti na lang nagkaroon ng minahan kasi nagkaroon ng trabaho ang mga tao dito,” sabi ni Reynold Asuncion, barangay kapitan ng Brgy. Malubago, Rapu-rapu.

Sinabi pa ni Asuncion na mabuti para sa kanilang komunidad ang pagmimina dahil sa malaking buwis na maaring makukuha ng lokal na gobyerno. Ngunit di marahil batid ni Asuncion na wala pang binabayad na buwis ang Lafayette dahil sa sampung taong tax holiday na iginagawad ng gobyerno sa kompanya sa bisa ng Mining Act of 1995.

Samantala, mistulang hawak ni Asuncion sa leeg ang mga mamamayan ng kanyang barangay. Sa pagpunta ng PINOY WEEKLY sa lugar, napag-alamang pinagbabawalan ni Asuncion ang mga tao dito na makipanayam sa mga tagalabas nang walang paalam sa kanya o sa munisipyo ng Rapu-rapu.

Mapapansin din ang mistulang mansiyong bahay ni Asuncion na katagi ng mga dampang bahay ng mga kabarangay sa Malubago. Ayon sa ilang residente na tumangging magpakilala, malaki ang kinita ni Asuncion sa pagsusuplay ng isdang kinain ng mga empleyado habang ginagawa pa lamang ang minahan.

Malawakang Pagtutol

Ngunit, ayon kay Dela Cruz, kakaunti lamang ang mga tulad ni Asuncion na pabor sa pagmimina. Sa kasalukuyan, nagpasa na ng resolusyon ang mga lokal na gobyerno ng Rapu-rapu sa Albay, gayundin ng Gubat, Donsol at Prieto Diaz sa Sorsogon, na naghihiling sa pambansang gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo na agarang kanselahin ang permiso ng Lafayette na magmina.

Todo-suporta rin ang iba’t ibang institusyon ng simbahang Katoliko, tulad ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines), mga paruko sa Albay at Sorsogon at mga Redemptorist, sa pangangampanya laban sa Lafayette at sa malawakang komersiyal na pagmimina sa Pilipinas.

Sa isang pastoral letter, inihayag pa ng CBCP ang pagtutol ng simbahan sa Mining Act of 1995 na anito’y mistulang nagbebenta ng malalawak na yamang lupa ng bansa sa mga dayuhang kapitalista. Sa Rapu-rapu lamang, mahigit 4,486 ektarya sa kabuuang 5,589 ektaryang lupain ng isla, o 80.27 porsiyento, ang inilalaan ng gobyerno Arroyo para sa pagmimina ng Lafayette at iba pang dayuhan at lokal na kompanya.

Umaasa sina Dela Cruz, Doma, Bugawisan, gayundin ang mga ordinaryong mamamayan ng Albay at Sorsogon katulad nina Aling Juanita at Mang Salvador na makikinig din ang gobyerno sa panawagang pagpapatalsik sa Lafayette at pagbabasura sa Mining Act.

“Pero mahirap siguro, kung totoo ang balitang isa si First Gentleman Mike Arroyo sa mga investor (ng Lafayette),” pangwakas ni Bugawisan.

Unang inilathala sa Pinoy Weekly

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s