Culture

Ang bagong papel ni Angel Locsin

Pinoy Weekly cover with Angel Locsin

ANO ang pinakamagandang regalo sa kaarawan ng pinakasikat na babaing artista ngayon sa bansa? Para kay Angel Locsin, simple lang: papuri at parangal mula sa mga tulad niyang lumalabang babae.

Abril 23 ang kaarawan ni Locsin, bida sa ilan sa pinakatanyag na serye sa telebisyon ngayon (Mulawin, Darna, Majika, at ang kasalukuyang Asian Treasures ng GMA 7). Pero dahil sa siksik na iskedyul, nagawa lamang niyang ipagdiwang ang kaarawan nitong Linggo, Abril 29.

Sa hapon, kapwa mga artista ang nagparangal sa kanya, nang maglaan ng panahon ang programang SOP. para ipagdiwang ang kaarawan niya sa telebisyon. Doon pa lamang, ipinakita na niya kung gaano kahalaga ang kanyang kaarawan — sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa napakalaking impluwensiya ng nakakatandang kapatid na “nagturo sa aking lumaban.”
Inilaan niya ang gabi para sa pinakamakabuluhang yugto ng selebrasyon.

Sa tanggapan ng kanyang manager na si Becky Aguila, ipinagdiwang ni Locsin ang kaarawan, kasama ang mga taga-Gabriela, alyansa ng militanteng kababaihan sa bansa. “Suwerte ko nga, isang linggo ang birthday ko. At ito ang highlight ng araw ko,” sabi niya. “Siyempre, napapagod ako. Pero kapag nakita ko na itong mga kasama ko, nawawala ang pagod.”

May maikling programang inihanda ang Gabriela. Matapos ang paghahandog ng mga kanta, nagbigay ng testimonya ang ilan sa mga babaing biktima ng karahasan. Ang isa, si Grace, na namatayan ng sanggol dahil sa kapabayaan ng isang ospital na walang pagpapahalaga sa mga maralitang pasyenteng tulad niya, ay napaiyak pa. Halos maluha rin ang artista sa testimonya, at nag-abot pa ang isang basong tubig kay Grace.

Ngunit sa kabuuan, masaya at parang pista ang okasyon. Napapalibutan ng banderitas ang lugar. Bumaha ang pagkain na handa ni Aguila at ng isponsor na fastfood chain. Namigay ang mga kompanyang iniindorso ni Angel ng regalo sa mga panauhing kababaihan. Nagawa pang isama ni Locsin ang ilang kaibigang artista tulad nina Marvin Agustin, Valerie Concepcion at Paolo Paraiso, na nagsisuot ng buttons ng Gabriela bilang suporta sa grupo at kay Angel. Pumunta rin ang dalawang anak ng kandidatong si Manny Villar. Pati si Charming, tumulong sa paggawad ng regalo sa raffle.

Ngunit ang pinakamasaya ay si Locsin sa kanyang panimulang hakbang ng pakikisangkot sa mga isyu ng kababaihan, pati na rin ng kabataan. Kalalabas lamang ng patalastas ng Gabriela Women’s Party-list (dinirihe ni Carlitos Siguion-Reyna at inedit ng Kodao), at sino pa nga ba ang tampok, kundi ang endorser na si Locsin?

“May Gabriela sa bawat isa sa atin. Nagmamahal, naghihirap, dinadahas, hinahangaan, ginigipit — ngunit lumalaban. Gabriela ka, lumaban ka. Iboto ang Gabriela Women’s Party,” sabi niya sa patalastas.

Nauna na niyang inindorso ang Kabataan Party-list, kung saan miyembro at nominado ang kapatid niyang si Ella.

“Si Ate (Ella), nahihiya pa siya dating lumapit sa akin,” kuwento ni Locsin sa PINOY WEEKLY. “Natatakot siyang akalain kong gagamitin lamang ako. Pero bilang responsableng tao, kailangang maging involved. Kailangan, pumili ako ng stand ko. Hindi naman puwedeng niyutral tayo palagi.”

Hindi siya pinilit ng kapatid, bagkus, kusang-loob niyang inindorso ang naturang mga grupo. “Simula pa noong hayskul ako, masyado na akong interesado sa mga kababaihang agrabyado, hindi ko (naman) alam ang gagawin ko. Tapos ngayon, natutuwa ako na mayroong grupo na sumusuporta sa kababaihan na, alam mo ‘yun, kimi. Na hindi alam kung paano lalaban. Kung paano ipaglaban iyung mga karapatan nila. Siyempre susuportahan ko sila. “At bilang isang babae, obligasyon kong tumulong sa kapwa ko babae,” sabi ni Locsin.

Tinototoo ng artista ang nais niyang gampanang papel sa bagong yugto ng kanyang karera – ang maging role model para sa kababaihan at kabataan. Nababalita, halimbawa, sa set ng mga project niya, ang kanyang pagtanggi na gumawa ng mga eksena na maglalako sa kanyang katawan. Nababalita rin ang pagdadalawang-isip niya ngayon na mag-pose sa mga publikasyong nakatuon lamang sa pagpapamalas ng katawan ng babae. Unti-unti, nahuhubog ang kaisipan ni Locsin sa makabuluhang gamit ng kanyang kasikatan.

“Ang mensahe ko sa kababaihan, puwedeng lumaban, pag alam mo nasa tama ka, gawin mo ang tama,” aniya.

Nababago rin ang pagtingin niya sa papel ng kabataan sa lipunan. “Happy ako dahil nagiging involved ang kabataan. Kasi dati, parang ang alam lang, gimik. At least, if ever, kapag nakapasok ang Kabataan (Party-list) sa Kongreso, mayroon nang kakatawan sa atin para ipaglaban kung anuman ang dapat. Halimbawa, edukasyon.”

Bitbit din ni Locsin ang ganitong kamalayan sa kanyang mga kapwa artista sa show biz. Sa mga artistang walang pakialam, sabi niya: “I’m not against them, pero sana lang maging aware sila sa mga nagaganap sa bansa natin. Dapat, bayan muna.”

Kuwento pa ni Angel, bata pa lamang siya ay may nararamdaman na siyang pangangailangang makilahok sa mga isyung panlipunan. Nitong kaarawan niya – at sa edad na 23, bata pa rin naman siya – pinakamagandang regalo na nga marahil ang bagong tangang kamalayan at bagong papel bilang hinahangaang babae at kabataan sa ating lipunang salat sa mga totoong inspirasyon at huwaran.

Unang inilathala sa Pinoy Weekly

Standard

One thought on “Ang bagong papel ni Angel Locsin

  1. Pingback: On surreal mornings and political education « Reportage, etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s