Elections

Paglilingkod na walang katapat na halaga

P4,450. Ito ang kabuuang halagang natanggap ko sa paglilingkod bilang isang miyembro ng Board of Election Inspectors o BEI sa isang presinto sa isang paaralang elementarya sa Maynila. Para sa halos tatlong araw na trabaho, masasabing sulit na. Pero hindi simpleng “raket” ito. Kapalit ng naturang halaga ang pagod, puyat at kunsumisyon na walang kaparis. Iniisip ko tuloy kung may katapat nga bang pera ang a paglilingkod ng mga guro at volunteer tuwing halalan.

Ang totoo, P3,000 lang dapat ang honorarium ng Commission on Elections. Pero galante si Meyor Lito Atienza. Nagdagdag siya ng sanlibo. Hindi ko alam kung may kinalaman ito sa pagtakbo ng kanyang anak sa pagka-meyor na si Ali Atienza. Nagpatak din ng P300 ang kasalukuyang kongresista ng ikaanim na distrito na si Rep. Benny Abante. Hindi ko rin alam kung may kinalaman ito sa pagtakbo niya ngayong halalan.

Nanganganib ang kanyang posisyon dahil napapabalitang malakas sa distrito ang tumatakbong sikat na dating piskal na si Cassy Sison. Siyempre, tuwang tuwa ang mga titser. Salamat ng marami, anila, malaking dagdag sa maliit na sahod.

Sa araw mismo ng halalan, maagang nagdagsaan kaming mga BEI sa eskuwela. Alas sais, nagmamadali kaming naglinis ng kuwarto. Inihanda ang mga Ballot Secrecy Folder. Maaga rin siyempre ang mga watcher. Halos singhirap din ang trabaho nila, pero di hamak na mas mababa ang bayad. May ibang kandidato na P1,000 ang bigay sa watcher. Pero meron ding P200 lang.

Sa barangay na pinagsilbihan ko, maagang bumoto ang mga residente. Mga kalahati ng kabuuang botante, bumoto sa pagitan ng alas siyete at alas onse ng umaga. Maraming kinakabahan, nakakalimutan kung ano ang address at kaarawan nila kapag tinatanong namin. Pagdating ng bilangan, napag-alaman naming marami ang nagkakamali ng ispeling sa pagsulat ng mga pangalan ng kandidato. Si Cayetano ay naging Kaytano, si Chavit ay naging Chabit Sison. Sa Maynila na ito. Laluna sigurong hirap ang mga botante sa mga probinsiya.

Kawawa ang ilang guro, laluna iyong mga may edad na. Di na sanay magpuyat. Sobrang komplikado ang proseso ng pagbibilang at pag-uulat ng bilang. Nangalay ang kamay ko sa kapipirma, kakalagay ng inisyal at kata-thumbmark sa bawat item ng tally sheet, envelop, election returns o ER, minutes, statistics, at maraming maraming iba pa na nakalimutan ko na ang tawag. Pagkatapos ng bilangan, guro pa mismo ang magdadala ng ER sa Comelec. Sa Maynila, dinala namin ang mga ito mula sa eskuwela patungong Ninoy Aquino Stadium, kung saan gagawin ang canvassing ng lungsod. Kami ang bahalang mamasahe. Buti na lamang at may PPCRV.

Di maeskortan ng pulis, kaya nagkasya na lamang sa tropang nakamotorsiklo ni Danny Lacuna.

Samantala, kuwento ng nanay ko, maraming guro sa probinsiya namin sa Albay ang umiwas na maglingkod ngayong halalan. Inireklamo kasi sila ni Michael Imperial, kandidato noong 2004 sa pagka-meyor ng Legazpi City, na nandaya para sa kalaban niyang si Noel Rosal. Nang ipakita ng Comelec sa mga guro ang mga ER na ebidensiya raw na nandaya si Rosal, nakita ng mga guro na pineke ang pirma nila sa ER. Lumalabas na ginawa ang pekeng ER para lumabas na dinaya si Imperial.

Galit na galit ang mga guro. Sila na nga raw ang naghihirap tuwing eleksiyon, kakasangkapin pa sa dayaan. Tapos aakusahan pang nandaraya. Sa ibang lugar, mga guro’t volunteer pa ang nadadahas. Di nga ba’t marami na ang namatay na guro sa kasaysayan ng paglilingkod niya sa halalan?

Hindi matatapatan ng anumang halaga ang paglilingkod ng mga guro’t volunteer.

Unang inilathala sa Pinoy Weekly

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s