Culture

Lino Brocka would be turning in his grave

Orapronobis is one of my favorite films of all time, and not just because of it’s theme. It is one of the rare films that truly angered me. Brocka’s disillusionment with post-Edsa 1 “democratic space” was so felt throughout the film — the story was a loud wail of indignation coming from a man who deeply and truly believed in the promise of Edsa but was betrayed.

Here is an article in Pinoy Weekly that tackles one “film” that is an affront to the memory of Lino Brocka and everything that he stood for:

‘Pelikulang’ yumuyurak sa alaala ni Brocka

mula sa Pinoy Weekly
Hunyo 6-12, 2007, vol. 6 no. 21
Michelangelo Buenaobra

NOONG Mayo Uno, sa kilos protesta ng mga manggagawa sa ilalim ng KMU (Kilusang Mayo Uno), isang di-kilalang grupo ang nagpamudmod ng VCD. Ang laman nito, isang “pelikula”. Ang bida, si Bembol Roco. Tampok rin si Hero Bautista, ilang mga pamilyar na mukha na character actors sa showbiz, at ilang mga artista sa teatro. Ang tema, ang KMU at ang koneksiyon diumano nito sa Partido Komunista.

Hindi na bago ang mga alegasyon ng pelikula. Kasama sa alegasyong madalas na nating naririnig – kadalasan na nagmumula sa gobyerno – ay ang bintang na prente ng komunista ang KMU at iba pang mga militanteng organisasyon, na itinutulak ng KMU ang mga manggagawa sa kapahamakan, na nakasasama sa ekonomiya ang mga adhikain ng militanteng alyansang ito. Pero ang bago sa pelikula ay ang paglahok ng ilang mga artista sa paninira sa KMU.

Sa totoo lang, malinis ang pagkakagawa ng pelikula. Ala-indie film ito. Bukod sa magaling na pagkakaganap ng mga propesyunal na artista, mukhang di naging problema ang pondo. Kumpleto ang disenyo ng set. Maraming ekstra. Mahusay ang lighting. May sapat na kaalaman ang scriptwriter sa pagpapaigting ng drama ng eksena. Propesyunal ang pagkakadirihe. May akses ang mga maylikha sa pagsu-shoot sa isang pabrika. May akses din sila sa kagamitan at sasakyan ng Southern Police District ng Philippine National Police.

Sinumang nakakapanood ng pelikula ay mahihiwagaan sa kawalan ng credits o kahit pamagat nito. Kung lehitimong pelikula ito, bakit ayaw magpakilala ng mga gumawa nito? Bakit ayaw magpa-credit ng mga artista sa kanilang pinaghirapang trabaho? Bakit hindi nagpapakilala ang prodyuser, manunulat, direktor?

Sa tema ng pelikula ang kasagutan sa lahat ng ito. Lantarang black propaganda sa KMU at sa kilusang progresibo. Nagsimula ang kuwento sa isang manggagawa sa pabrika na nagreklamo sa kanyang amo hinggil sa planong pagbabawas ng oras ng kanilang trabaho. Nakita ng ilang kapwa manggagawa (na di malao’y pinakilalang miyembro ng Partido Komunista) ang potensiyal niya na mamuno sa unyon. Samantala, isang nangungunang kadre ng Partido Komunista ang bumaba mula sa kabundukan para tumulong sa pagtatag ng unyon.

Sa kuwento ng pelikula, bihasa sa manipulasyon ang mga komunista: sa pag-uudyok sa lider-unyonista na magwelga, sa pagpapaalab sa damdamin ng mga ordinaryong unyonista, at maging sa pagmamanipula ng “datos ng pagsasamantala” ng kapitalista para galitin ang mga manggagawa.

At dahil nga sa mga komunista kung kaya sumiklab ang welga sa pabrika. Sa piketlayn, ipinasiklab ng isang manggagawang komunista ang karahasan nang agawan niya ng baril ang guwardiya ng pabrika at binaril ang guwardiya. Sa isa ring eksena, binato ng isa pang komunista ang sasakyang papasok sana sa pabrika, na ikinamatay ng drayber nito. Sa isa pang eksena, pinasabog pa ang sasakyan ng kompanya. Tunay na marahas at malupit ang mga komunista, para lamang masunod ang adyenda nila.

Sa huli, nagbigo ang welga. Nagsibalikan ang mga manggagawa sa trabaho. Naiwan ang iilang ahitador, kasama ang lider-unyonista. Nang huling sumiklab ang karahasan sa piketlayn, namatay sa stampede ang naturang lider-unyonista. Wala ni isang kasamahan sa mga komunista ang nakiramay sa burol niya. Samantala, ang ilang ahitador at nareklutang manggagawa mula sa unyon at sumama na sa kadre ng Partido Komunista para umanib sa New People’s Army.

Sa pagtingin ng pelikula, tanga at napakadaling maloko ang mga manggagawa. Sentimental at emosyonal sila, at madaling madala ng mga propaganda ng mga komunistang mahuhusay magsalita. Siyempre, hindi na natin kailangang sabihing napakalayo nito sa katotohanan. Hindi madaling lokohin ang manggagawa. Kung nadadala man sila ng argumento (ng “propaganda”), ito ay dahil nakikita nila ang katotohanan sa mga ito.

Walang pinalampas na sitwasyon ang pelikula para direktang ikonekta ang NPA sa KMU: ang kadreng nagpapasumpa ng mga rebelde ay siya ring nagtatatag ng unyon. Sa isang eksena, ipinapaliwanag pa ng kadre kung paano kumikilos ang KMU at iba pang militanteng grupo para suportahan ang armadong rebolusyon ng NPA. Kung sinuman ang nagsulat ng pelikula, siniguro niyang walang maiiwang duda sa isip ng manonood na prente ng komunista ang KMU.

Si Bembol Roco ang gumanap na kadre. Kilala nating napakahusay na artista ni Bembol, at mahihinuha ito sa pelikula. Pero nakapagtataka kung bakit niya papatulan ang isang pelikulang tulad nito. Kamag-anak ng dating senador na si Raul Roco si Bembol. Pero maaga sa kanyang karera ay namulat na siya sa progresibong pelikula, salamat sa pagkadiskubre sa kanyang talento ni Lino Brocka.

Dati na ring napagbintangang komunista si Brocka. Progresibo mag-isip si Brocka, at gumawa ng ilang sa pinakamahuhusay at probokatibong pelikula sa bansa. Pinag-initan siya ng diktadurang Marcos, at pinigilan ang mga pelikula na ipalabas.

Kabilang sa mga pelikula ni Brocka ang Orapronobis at Kapit sa Patalim. Marapat lamang na muling balikan ni Bembol at mga kasamahang artista ang mga pelikulang ito. Tinalakay kasi sa Orapronobis ang tunay na ugat ng patuloy na pagrerebelde ng NPA. Hindi simpleng pag-uudyok ng mga komunista kung kaya may mga nagrerebelde. Kawalan ng hustisya sa lipunan, lantarang kahirapan at panunupil, at patuloy na pagsasamantala ng iilan sa malawak na bilang ng mga mamamayan ang itinuturo ng pelikula bilang ugat ng rebelyon. Sa Kapit sa Patalim, ipinakita ni Brocka ang pagsasamantala sa mga manggagawa. At kung papaano, sa desperasyon ng obrerong ginigipit, ay napipilitan siyang gumamit ng karahasan.

Sa dulo ng pelikula ni Bembol, nakalagay ang salitang “WAKAS” pero sinundan ng question mark. Marahil ay may balak pa silang sundan ng Part 2. Huwag naman sana. Huwag na sanang pumayag ang mga artistang tulad ni Bembol na lalo pang yurakan ang alaala at adhikain ni Brocka.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s