Human Rights

Balon ng pag-asa ni Edita Burgos

Natawa si Edita Burgos. Ngayon kasi ang pangalawang pagkakataong nakaharap niya ang isang sundalong Abadilla. Unang pagkakataon nang arestuhin ng isang kinakakatakutang Abadilla ang asawa niyang peryodista. Pangalawa, isang Abadilla na naman ang humaharang sa hangad niyang mailabas at mapalaya ng militar ang kanyang anak.

“Noong panahon ni (dating pangulong Ferdinand) Marcos, muntik na akong suntukin ni Maj. Rolando Abadilla,” kuwento niya. Disyembre 7, 1982 noon, at sinalakay ng mga tropa ng Metrocom (Metropolitan Command) ni Abadilla ang opisina ng We Forum. Hinarap ni Edita ang opisyal at nagmatigas na isuko ang asawang patnugot ng pahayagan. Namula sa galit si Abadilla at itinaas ang braso, naghahandang bigwasan si Edita. Sa eksaktong pagkakataong iyon, pumasok sa eksena ang abogado ni Joe Burgos na si Joker Arroyo. Dingding na lang sa likod ni Edita ang sinuntok ng opisyal. “Ang lakas ng suntok, bagsak ang dingding,” alala ni Edita.

Noong nakaraang biyernes, Agosto 3, isang Lt. Col. Arthur Abadilla naman ang nakaharap niya sa pagdinig ng Court of Appeals sa kasong writ of habeas corpus na inihain niya para ilabas ng militar ang pinaniniwalaang dinukot nito na si Jonas Joseph Burgos, aktibista at miyembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

“Di ko alam kung kamag-anak nitong Abadilla ’yung dating Abadilla,” sabi ni JL Burgos, kapatid ni Jonas.
Ang bagong Abadilla ang kasalukuyang provost marshal ng AFP (Armed Forces of the Philippines). Trabaho niya ang pagsasagawa ng mga internal na imbestigasyon sa mga tiwaling opisyal. Noong Mayo 9 – o 11 araw matapos dukutin si Jonas sa Ever Commonwealth Mall sa Quezon City – inutusan ni AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon si Abadilla na imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga sundalo sa pagdukot kay Jonas. Sa korte, inilahad ng security guard na si Larry Marquez, 22, na nakita niya si Jonas na sapilitang isinasakay sa isang Revo na kulay maroon na may plakang TAV 194. Napag-alamang pag-aari ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Norzagaray, Bulacan ang naturang sasakyan.

Sa Court of Appeals, inamin ni Abadilla na nagpatawag siya ng 16 opisyal at sundalo ng 56th IB para imbestigahan ang mga ito. Sa husay ng direktang eksaminasyon ng abogado ng pamilyang Burgos na si Dean Pacifico Agabin, nahikayat pa si Abadilla na banggitin ang pangalan ng ilang opisyal tulad nina Lt. Col. Noel Clement at Lt. Col. Melquiades Feliciano.

Pero tumanggi si Abadilla na ilabas sa korte at kay Edita ang kanyang ulat sa imbestigasyon. “Isinumite ko na ang ulat ko sa aking boss. Wala akong karapatang magdala ng anumang dokumento sa korte nang walang permiso ng Chief of Staff,” giit ni Abadilla. Humingi ang korte ng deklarasyon mula kay Abadilla na masisiguro niyang mailalabas ang dokumento matapos magpaalam kay Esperon, pero matigas na tumanggi ito. Kasintigas, ani Edita, ng suntok ng nakatatandang Abadilla.

Walang duda
Walang duda sa isip ni Edita na militar ang dumukot kay Jonas. Maging ang Court of Appeals ay kumbinsido. Patunay nito ang utos ng korte sa Philippine Army na ilabas na ng huli si Jonas. Tulad ng inaasahan, tumanggi ang Army na nasa kanila si Jonas. Sabay deklara naman ni Army Chief Gen. Romeo Tolentino na batay sa kanilang imbestigasyon ay miyembro ng NPA (New People’s Army) si Jonas.

Pero sa kabila ng gabundok na ebidensiya, nangangamba si Edita na hindi na ilalabas ng military si Jonas. “Hindi nila inilalabas si Jonas dahil kapag nilabas nila ang anak ko, parang inamin na nila na ang pagdukot sa iba pa,” sabi ni Edita. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, 185 na ang aktibista at sibilyang dinukot diumano ng militar dahil sa kanilang pampulitikang paniniwala. Sa 185, isa ang kaso ni Jonas sa iilan lamang na maituturing na may direktang ebidensiya na militar ang maysangkot. Sa halos lahat ng kaso, malakas ang ebidensiyang sirkunstansiyal. Pero direktang ebidensiya, iilan lamang.

Dahil dito, ipinaghahandaan na ni Edita ang posibilidad na hindi na ilalabas nang buhay ng militar si Jonas. Ipinalakas pa ito ng pag text sa kanya ng isang opisyal ng militar na huwag na raw hanapin si Jonas dahil patay na raw. “Marami naman kaming kaibigang opisyal na nakakausap naming. Ang sabi nila, maghanda na raw ako kasi malamang na pinatay na siya,” ani Edita.

Malabo na nga, pero may mga indikasyong nagsasabing maaaring buhay pa siya. Isa na rito ang mga sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa kanya.

“Kaibigan ng pamilya si Ermita. Katunayan, ninong pa siya ni JL (Burgos),” kuwento pa ni Edita. “Kinausap namin si Ermita. Sabi ko sa kanya, ‘Sige naman o, ilabas niyo na ang anak ko’. Ang sagot ni Ermita, gagawin niya ang lahat sa saklaw ng kanyang kapangyarihan. E di parang inamin na rin nila. Hindi niya itinanggi na nasa kanila si Jonas. Ang sabi niya, gagawin niya ang lahat.”

Relihiyoso, saradong Katoliko at mapamahiin si Edita. “Hindi pa siguro pinapatay si Jonas kasi mararamdaman ko iyon kapag patay na siya,” aniya. Pero palagi siyang sinasabihan ng mg anak tulad ni JL na “wala naman daw magagawa ang pagsimba-simba” para mahanap si Jonas. Pero siyempre, ina siya. Wala siyang magagawa kundi magdasal at hanapin ang anak. Hanggang matiyak ang naging kapalaran ni Jonas.

Panganib
Sa paghahanap, maging ang buhay ni Edita ay nailalagay sa panganib. Noong mga nakaraang lingo, tuwing umuuwi siya sa New Manila ay nakararamdam siya na sinusundan siya. Isang beses, habang nag-iikot sa Shopping Center sa UP Diliman, naramdaman niyang sinusundan siya ng isang babae. Pumasok siya sa isang stall at sinundan din. Nagpanggap ang espiya na nagbebenta ng siniguwelas. Binili niya, pero bago iabot ang pera, binulungan niya ito ng: “Masama iyang ginagawa mo. Mananalangin akong hindi ka mapupunta sa impiyerna.” Namutla ang babae at kumaripas ng takbo, hindi man lang kinuha ang bayad. “May libreng siniguwelas tuloy ako,” patawang kuwento ni Edita.

Sa isa pang pagkakataon, sinundan siya sa isang kumbento sa New Manila. Isang lalaki ang nakaupo sa harap ng kumbento. Nilapitan niya at sinabihang kung gusto niyang maghintay ay pumasok na lamang sa simbahan. Umalis ang lalaki at sumakay sa isang nakaparadang sasakyan.

“Kailangan talaga hinaharap mo (ang mga sumusunod). Kausapin mo nang maayos. Kasi gusto lang nilang takutin ka. Imbes na matakot, hinaharap ko,” sabi niya.

Ito umano ang naging aktitud niya sa pagharap sa paghahanap kay Jonas. Alam niyang ang layunin ng pandarahas ng estado ay para takutin ang mga mamamayan, para hindi na magreklamo. Pero sa halip na matakot, dapat ay lalong harapin ang estado. Dapat singilin at igiit ang nararapat. Tulad ng matapang na pagharap niya sa mga Abadilla.

Batid niyang sa susunod, maaaring higit pa sa bigwas ng suntok ang matanggap niya, pero handa si Edita na harapin ang mga ito.

Unang inilathala sa Pinoy Weekly

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s