Satire

Bilog ang pera, bilog ang mundo ng palasyo

Bilog ang mundo, sabi nga ng isang patalastas ng alak. Dito sa Pilipinas, may ibang kahulugan ito maliban sa gustong pakahulugan ni Galileo.

Sa nasabing patalastas, kahit pangit, aksidenteng babagsak ka sa paa ng pulutong ng mga dalagang naka-two piece. Suwerte mo lang mapadpad sa isang islang puno ng magagandang dalaga; hindi mo ito kasalanan. Sa gobyerno, bilog ang mundo dahil kahit halatang mali, ginagawang tama. Ang pamamaslang sa aktibista ay makabubuti sa masa; ang demolisyon ng mga kabahayan ay magpapayaman sa mahihirap. At ang panunuhol ay makabubuti sa ekonomiya.
Ito, sa esensiya, ang sinasabi ng Malakanyang: bilog ang mundo, walang tama o mali. Para sa Malakanyang, tama lamang na magpamudmod ng milyun-milyong piso sa mga kongresista at lokal na opisyal noong unang linggo ng Oktubre. Wika nga ng Sekretaryo ng Environment and Natural Resources Lito Atienza, normal na lamang ang pamimigay ng mga regalo sa mga bisita ng Malakanyang. Sa madaling salita, ang pulitika, sa wika naman ng anak ni Lito na si Kuya Kim, ay “weder-weder lang.”

Walang kasinghirap maging gobernador o alkalde sa Pilipinas. Buti na lang, mayroon pa ring may mga dalisay na pusong handang tumulong sa mga lokal na opisyal na lublob sa karalitaan at paghihirap. Buti na lamang, nariyan ang LPP (League of Provinces of the Philippines), ang Ulap (Union of Local Authorities of the Philippines) at siyempre pa, ang kapita-pitagang Malakanyang.

“Nang ako’y baguhang gobernador, nahirapan akong tugunan ang hiling ng gawain at ang pangangailangan ng mga nasasaklawan ko, kaya kailangan ng suportang pampinansiya para makatugon ako at maging epektibong lider.” Ito ang paliwanag ni Salvacion “Sally” Zaldivar Perez, gobernador ng Antique at tagapangulo ng LPP sa Kanlurang Bisaya. Sagot ito ni Perez sa mga alegasyong “sinuhulan” ng Malakanyang ang ilang lokal na opisyal at kongresista para suportahan ang isang “mahinang” reklamong impeachment laban kay Pangulong Arroyo.

Sa Kongreso noong nakaraang buwan, isiniwalat ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran na tinangka siyang suhulan ng P2-Milyon para suportahan ang reklamong impeachment ni Atty. Roel Pulido. Sinegundahan siya ng iba pang kongresista, na tila nilapitan din ng mga alyado ng Palasyo at inalok ng malaking halaga. Hindi nagtagal, lumantad naman sina Gob. Ed Panlilio ng Pampanga at Gob. Joselito “Jonjon” Mendoza ng Bulacan na nagsabing sila rin ay binigyan ng tig-P500,000 sa mismong Palasyo.

Pero nagkakamali sina Panlilio at Mendoza, paliwanag ni Perez. Ang totoo, naawa lang ang LPP at Ulap sa mga tulad nilang baguhan sa puwesto. Marahil, sanay na sa abuloy si Panlilio na dating pari. Mensahe ng Simbahan na tumingin lampas sa pisikal na anyo, pero iba na ang mundo kapag gobernador ka na. Haharap ka sa madla. Sa totoo lang, kulang ang kalahating milyon sa pagpaparetoke ng kutis. Tanungin ang sinumang artista na dumaan sa dapat-sana’y pambansang alagad ng sining na si Dr. Vicky Belo.

Kawawa rin ang mga kongresista. Mahirap ‘atang maging kongresista, nakaupo maghapon sa malamig na opisina o sa session hall. Nakakataba ang maghapong nakaupo. Kung kaya marahil nakatulong ang “pabaon” para sa pagpapa-liposuction ng mga kongresista.

Paliwanag ni Sek. Ronaldo Puno ng Interior and Local Government, ang binigay na pera ay “pabaon” lamang para sa mga kongresista na bumisita sa Malakanyang. Mabait lang talaga sila. Kahit sa mga oposisyonista at maingay na kritiko ng Malakanyang na tulad ni Beltran, malambot din naman ang puso ni Pangulong Arroyo. Sabihin na nilang pakonsuwelo de bobo na lamang ito kay Beltran na mahigit isang taong ikinulong sa ibinasurang kasong rebelyon. Pero kung gagamitin lamang ni Beltran ang dalawang milyon na pambayad sa mga utang niya sa Heart Center, siguradong may sukli pa siyang maibubulsa.

Pero para lang walang kuwestiyon, minabuti na ni Pangulong Arroyo na paimbestigahan sa Presidential Anti-Graft Commission ang mga alegasyon ng panunuhol. Hanggang ngayon, wala pa ring inilalabas na resulta ang imbestigasyon. Pero hindi na ito kailangan, dahil sa sumunod na mga pangyayari na tila idinisenyo para ibaling ang atensiyon ng madla palayo sa panunuhol.

Sumabog ang isang bahagi ng Glorietta Mall noong Oktubre 19 sa mismong araw na tumetestigo sa Senado si Jose “Joey” de Venecia III sa pagkakasangkot ni Pangulong Arroyo sa tangkang panunuhol naman ni dating Komisyoner Benjamin Abalos ng Comelec kay Romulo Neri na dating tagapangulo ng Neda (National Economic Development Authority).

Napakaganda ng timing. Agad na idineklara ng Malakanyang na akto ng terorismo ang pagsabog na ikinamatay ng 11 katao at ikinasugat ng mahigit 100. Nauna nang sinabi ng PNP (Philippine National Police) na nakakuha ito sa lugar ng pagsabog ng mga bahid ng mga kemikal para sa C-4, isang pasabog na eksklusibong ginagamit ng AFP (Armed Forces of the Philippines).

Samantala, habang tulog ang lahat isang gabi matapos ang pagsabog, tinangka naman ng dalawang nagpakilalang miyembro ng AFP na maglagay ng “ebidensiya” sa Glorietta. Nabuking sila. Kinabukasan, iba na ang istorya ng PNP: “aksidente” na ang pagsabog sa Glorietta.

Pero di kumbinsido ang Ayala Land Inc., may-ari ng Glorietta. Kumuha ito ng dayuhang eksperto mula sa Science Council ng United Kingdom na si Stephen Etheridge, na nagsabing imposibleng magkombina ang diesel at methane gas sa kondisyon ng basement sa Glorietta 2 para sumabog. Ito rin ang sinabi ng dalawang propesor ng Chemistry mula sa Unibersidad ng Pilipinas.

Anuman ang totoo, nagawa ng trahedya sa Glorietta – at ng sumunod na isyung pagpapalaya kay dating Pangulong Joseph Estrada – na bahagyang tabunan ang isyu ng diumano’y panunuhol. Sa pagsumite naman ng Oposisyon ng bagong reklamong impeachment, tila hindi kinakabahan si Arroyo: sa huling sandali’y sinasabi niyang nakipagbati na siya kay Espiker de Venecia. Ani Rep. Prospero Nograles Jr., lider-mayorya ng Kamara, walang tsansa ang impeachment dahil sa dami ng alyado ng Pangulo sa Kamara.

Bilog nga ang mundo, isip marahil ng Palasyo. Anumang hugis ng pera ngayon, madali nitong nabibilog ang ulo ng mga kongresista.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s