Terrorism

‘Milagro’ sa Kalsada Anahaw

4afe9dfce97b271dfab80d56ae1982c3.jpg4afe9dfce97b271dfab80d56ae1982c3.jpg4afe9dfce97b271dfab80d56ae1982c3.jpgHulog ng langit para sa PNP ang reyd nito sa Violago Homes kung saan tatlong suspek sa pagbomba sa Batasan ang napatay, tatlo ang nahuli at may sandamakmak na ebidensiya na nakuha. Pero marami ang nag-iisip na rubout na naman ang nangyari.

KUNG walang dilaw na tape na nakapulupot sa gate, di mapagkakamalang karima-rimarim ang naganap kamakailan sa bahay na ito. Bukas pa nga ang ilaw sa kusina’t kuwarto. Bahagyang bukas ang pinto. Mula sa labas, kitang kakaunti lamang ang gamit ng mga nanirahan. Sa tapat ng bintana ng pangalawang palapag, nakasampay pa ang mga nilabhan.

Ito ang bahay sa Block 4 Lot 23 Anahaw Street sa Violago Homes sa Payatas, Quezon City. Kaiba sa mga inihayag sa midya, hindi barung-barong ang bahay. Normal na kabahayang middle class ang Violago Homes. Tahimik ang mga kalsada. Halos walang kakaibang pangyayari. Hanggang noong Huwebes, Nobyembre 15.

“Sinasabi ko sa kanila (mga nakatira sa bahay), ‘Ang tahimik dito, ano?’ kuwento ni Letizia Kagalawan, may-ari ng tindahang sari-sari sa tapat ng nasabing bahay. Madalas niyang kinakausap ang dalawang lalaking nakatira sa Block 4 Lot 23 tuwing nagpapa-load ang mga ito. Iba-ibang numero umano ang pinapakargahan ng e-load, pero di niya gawaing magtaka o maghinala.

“Mabait naman sila. Mukhang disente. Hindi mo mapagkakamalang gagawa ng masama,” sabi ni Letizia.

Wala sa bahay si Letizia noong Huwebes, alas-4:30 ng hapon, nang mabasag ang katahimikan sa Violago sa pagsalakay sa Block 4 Lot 23 ng pinagsamang puwersa ng PNP (Philippine National Police) Special Action Force, PNP-CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) sa NCR at Quezon City Police District Explosive and Ordnance Division. Nagputukan sa loob ng bahay. Pagkaraan ng limang minuto, patay ang tatlong residente ng bahay, at sakote ang tatlong iba pa.

Sa telebisyon na lang nalaman ni Letizia na iyong dalawang suki niya ang napatay sa reyd ng pulis. Ang pangalan nila: sina Pakir Said at Redwan Indama. Ayon sa PNP, sila ay mga miyembro ng bandidong Abu Sayyaf. Namatay rin ang asawa ni Redwan na si Saing Indama. Ang kaso nila: pambobomba sa Batasan Pambansa noong Martes, Nobyembre 13, na ikinamatay ng apat na katao, kasama si Basilan Rep. Wahab Akbar.

Kapitbahay na ‘terorista’?

Ayon kay Nilda (di tunay na pangalan), may-ari ng bahay na karatig ng Block 4 Lot 23, noong Nobyembre 5 lamang lumipat ang apat na taong nakatira sa katabing bahay nila. Tahimik ang kanilang bagong kapitbahay: hindi umiinom at di nila nakitang manigarilyo.

Pagkalipat na pagkalipat pa lamang – o isang linggo bago ang pagbomba sa Batasan – nakakapansin na ang mga residente ng kakaibang mga eksena sa Kalsada Anahaw. “Biglang maraming lalaking parang nagmamanman sa bungad (ng Violago). May nagbebenta lagi ng balut,” ani Nilda.

Napansin din ni Nilda na may isang babaing parang baliw na palaging namumulot ng bulaklak sa tapat ng bagong kapitbahay. “Hindi naman siya mukhang baliw. Disente naman ang hitsura,” aniya. Ayon kay Letizia, nanghingi pa ng plastik sa kanya para paglagyan daw ng bulaklak.

Noong araw ng reyd, may kakaibang istambay si Letizia. Matagal na nakatayo sa kanyang tindahan at nagpakilalang tauhan ng Maynilad. Nagduda na siya. Matapos ang reyd, nakita uli ng mga residente ang mga istambay, ang magbabalot at ang babaing baliw – nakadamit-pulis.

Natunghayan ni Nilda ang biglaang pagdating ng armadong mga pulis. “Nakakatakot, parang isang batalyon ng pulis ang nagmartsa sa kalsada,” sabi ni Nilda. Sa ingay pa lamang ng bota sa semento, itinakbo na ni Nilda ang mga anak sa kuwarto at doon nagtago. Di nagtagal, nakarinig na rin siya ng mga putok.

Ayon sa nakasaksing mga residente, hinintay ng raiding team ang sasakyan na pumasok sa garahe ng bahay, bago pinasok ito. “Nakapasok ang pulis noong buksan ang gate,” sabi ni Nilda. Sigurado umano siyang hindi inakyat ng mga pulis ang gate. Pumasok umano sila nang maalwan.

Lahat ng residenteng nakausap ng PINOY WEEKLY ay nagsabing sa loob na ng bahay nagkaputukan. Walang marka ng anumang tama ng bala ang labas ng bahay at katapat na kalsada. “Parang nasa loob kami ng drum, tapos pinupukpok mula sa labas” ang pagkakalarawan ni Nilda sa tunog ng putukan.

Alas-otso na ng gabi nang ihilera ng pulis ang mga bangkay nina Pakir, Redwan at Saing. Kinabukasan, sa press conference ng PNP sa Kampo Crame, inisa-isa ni Hen. Avelino Razon, hepe ng PNP ang nakuhang mga kagamitan sa bahay: kabilang ang isang jacket ng House of Representatives, plaka ng sasakyan na may numerong “8”, ID na pang-Batasan ni Ikram Indama (dating drayber ni dating Basilan Rep. Gerry Salapuddin, karibal sa pulitika ni Akbar), at mga dokumento para sa motorsiklong Honda XRM (na ayon sa pulis ay tumugma sa ginamit na motorsiklo sa Batasan).

Para sa PNP, “nalutas” na ang kaso dahil napatay at nahuli na umano ang mga salarin. Sigurado silang si Akbar ang target ng pagsabog. Ang tanging hahanapin na lamang ay kung sino ang utak sa pagbomba. At ang itinuturo ng iprinisintang ebidensiya ng PNP ay ang kalaban sa pulitika na si Salapuddin.

Rubout?

Dahil sa sirkumstansiya ng reyd sa Payatas, marami ang nagdududa kung ang mga nahuli at napatay doon ay may kinalaman nga sa pagbomba sa Batasan. Duda rin ang marami sa tila “milagrong” pagkakatagpo ng mga pulis ng lahat ng ebidensiya sa iisang lugar, taliwas sa “natural” umanong gawain ng mga kriminal na itago o itapon ang mga ebidensiyang magpapakita ng kanilang pagkakasangkot.

Noong gabi ng Nob. 15, matapos ang reyd, sinabi ni Razon sa midya na nakatanggap sila ng tip matapos ideklara ng Malakanyang ang P5 Milyong pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa utak ng pagbomba sa Batasan.

Pero taliwas ito sa sinasabi ng mga residente na isang linggo pa bago ang pagbomba ay minamanmanan na ang bahay sa Violago Homes.

Taliwas din ito sa sumunod na pahayag ng PNP noong Nob. 16 na nireyd nila ang bahay sa bisa ng mandamyento de aresto kay Pakir Said sa kasong pagkidnap at ilegal na detensiyon.

Kaduda-duda rin ang kawalan ng pagtutol nina Pakir Said sa pagpasok ng mga pulis sa kanilang gate. “Kung talagang ayaw nilang magpaaresto, sana sa gate pa lamang, binaril na nila ang mga pulis,” sabi naman ng isang residente na tumangging magpakilala.

Samantala, maging ang mga residente ng Basilan ay nagdududang totoong mga miyembro ng Abu Sayyaf ang mga nahuli at napatay sa reyd.

Isa si Dr. Manar Saliddin, residente ng Basilan at tagapangulo ng Jaga, isang grupong pangkarapatang pantao sa lugar, sa mga nagdududa. Noong 2001, napagkamalang Abu Sayyaf ang ama niyang si Munap at kapatid niyang si Moner. Mahigit limang taong nakulong si Munap sa Kampo Bagong Diwa sa Bicutan bago napatunayang walang koneksiyon sa bandidong grupo. Nakakulong pa rin hanggang ngayon ang dating estudyanteng si Moner.

“Ang alam ko, may nakakulong na sa Bicutan na ang sinasabing alyas ay ‘Abu Jandal’,” sabi ni Manar. Noon pang 2001 ikinulong ang sinasabi ng militar na Abu Jandal. Nagtataka si Manar kung sinong “Abu Jandal” ang napatay sa Payatas. Maraming nakakulong ngayon sa Bicutan ang pinagbibintangan na gumagamit ng kung anu-anong “alyas”.

Ang usap-usap umano sa Basilan, nasa bundok pa rin ang “tunay” na Abu Jandal na miyembro ng Abu Sayyaf.

Ibang anggulo

Maging ang mga biktima ng pagsabog sa Batasan ay duda sa resulta ng imbestigasyon ng PNP.

“Bakit isinasara agad ang imbestigasyon?” tanong ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, sa panayam ng PINOY WEEKLY sa St. Luke’s Medical Center habang nagpapagaling mula sa mga sugat na tinamo sa pagsabog. Sinabi pa ni Ilagan na hanggang sa ginawa ang panayam ay hindi pa rin sila kinakausap ng PNP para kunan ng testimonya sa naganap.

Isa pang indikasyon na may mali sa imbestigasyon ng PNP: mali ang inilabas nito sa midya na sketch ng South Wing nang maganap ang pagsabog. Mali ang posisyon ni Ilagan, ang kanyang istap na si Lorraine Gallegos at ang drayber ni Rep. Liza Maza na si Ismael Lim. At, pinakamasahol, sa sketch nito, inilagay ng PNP ang nasawing drayber ni Ilagan na si Marcial Taldo sa labas ng sasakyan, gayong sinasabi ng lahat ng saksi na nasa loob na ng sasakyan si Taldo nang maganap ang pagsabog.

“Hinihiling namin na tingnan man lang ang posibilidad na hindi lang si Akbar ang target,” ani Ilagan. Nais niyang tingnan ng PNP ang lahat ng posilibidad. Isang araw bago ang pagbomba, pinangunahan ni Ilagan ang pagsumite ng ikatlo at “pinakamatapang” na reklamong impeachment laban kay Pangulong Arroyo.

“May mensahe iyon, kung bakit doon mismo sa House ginawa,” sabi pa ni Ilagan. Kung si Akbar lamang ang target, puwede naman umanong bombahin si Akbar sa bahay niya, o sa lugar niya sa Basilan. Pero sa Batasan pa ito napatay. Ang palagay ni Ilagan, maaaring nakadirekta ang atake sa mismong Kamara kung saan may nakasalang na reklamong impeachment laban sa Pangulo. O nakadirekta mismo sa kanya, sa Gabriela, at sa militanteng mga party-list.

Sang-ayon si Ilagan sa panukala nina Espiker Jose de Venecia at Parañaque Rep. Roilo Golez na magsagawa ang Kamara ng independiyenteng imbestigasyon sa insidente. Sa paraang ito lamang umano mabibigyang-katarungan ang mga biktima sa pagbomba sa Batasan.

Gayundin – kung sakaling rubout nga – ang mga napatay na residente sa kalsada Anahaw.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s