Human Rights

Pagpigil sa amparo

MAHALAGA ang mga susunod na araw para sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.

Hindi lamang ito dahil papalapit na ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Ayon kay Atty. Rex Fernandez ng Karapatan, nanganganib na sumiklab ang isang krisis konstitusyonal (constitutional crisis). Iniutos kasi ng CA (Court of Appeals) kamakailan sa AFP (Armed Forces of the Philippines) na ibukas ang mga kampo ng Army sa Gitnang Luzon para inspeksiyunin ng mga kaanak ng nawawalang sina Romulos Robiños at Ryan Supan.

Malamang na tatanggi ang AFP, ani Fernandez. Kung mangyayari ito, maghahain ng petisyon ang Karapatan sa Korte Suprema para utusan ang AFP na sumunod. Isang constitutional crisis ang magaganap dahil ayaw sundin ng militar ang utos ng korte. Nakasaad sa Saligang Batas na nakapailalim ang militar sa kapangyarihan ng mga sibilyang awtoridad.

“Pagsubok sa writ of amparo ang kasong Robiños,” paliwanag ni Fernandez. Ikinatuwa ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ang implementasyon ng writ of amparo, pero hindi pa ito ganap na naipapatupad para masabing mabisang sandata na ito laban sa mga abuso ng Estado.

“Sa pagkakasulat, maganda ang amparo,” ani Fernandez. Pero nakadepende pa rin sa hudikatura ang implementasyon. Nakadepende rin ang tagumpay nito sa kung rerespetuhin o hindi ito ng iba pang institusyon ng Estado tulad ng militar, pulisya at ng burukrasya.

Kasong Robiños

Isang halimbawa ang kasong Robiños kung paano maaaring makatulong ang writ of amparo sa pangangalaga ng karapatang pantao.

Noong Nobyembre 17, 2006, dinukot ng mga pinaghihinalaang militar si Romulos, kasama si Ryan Supan, sa kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga. Di aktibista si Romulos, pero organisador sa hanay ng kababaihang magsasaka ang kapatid niyang si Leny. Bago lumapit sa Karapatan ang kanyang inang si Lolit, sinabi umano sa kanya ng militar na isuko sa kanila si Leny kapalit ni Romulos.

Mag-iisang taon matapos nito, nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema para sa writ of amparo sina Lolit at Leny. Humingi sila ng proteksiyon sa korte dahil sa banta sa kanila ng militar. Hiniling din nilang busisiin ang mga kampo ng 69th IB (Infantry Battalion) sa Mexico, Pampanga; Bamban, Tarlac at Fort Magsaysay sa laur, Nueva Ecija; gayundin ang kampo ng 24th IB sa Limay, Bataan.

Sinang-ayunan sila ng Court of Appeals sa ilalim ni Associate Justice Martin Villarama nitong nakaraang Huwebes, Nob. 29. Bukod dito, binantaan ng korte si Hen. Hermogenes Esperon Jr., hepe ng AFP, na kakasuhan ng contempt of court kung hindi tutupad ang huli sa naturang utos.

Nang isinusulat ang artikulong ito, naghahanda pa lamang ang pamilya Robiños sa pag-ikot sa mga kampo ng Army.

Iba pang tagumpay

Tagumpay rin ang writ of amparo sa pangangalaga sa karapatang pantao nina Ruel Muñasque, lider-kabataan sa Zamboanga del Sur, at Luicito Bustamante sa Davao City. Dinukot si Ruel noong Okt. 24 ng mga elemento ng 53rd IB, samantalang dinukot naman si Luicito noong Okt. 29.

Sa utos ng magkaibang korte, napalaya sina Ruel at Luicito matapos magsampa ng petisyon para sa writ of amparo ang kanilang mga kaanak.

Pero, paliwanag ni Fernandez, malaking bahagi pa rin sa tagumpay ng writ of amparo ang kagustuhan ng nakaupong mga hukom sa korte na proteksiyunan ang mga biktima ng abuso.

Sa kaso ng lider-maralita sa Dasmariñas, Cavite na si Lourdes “Nanay Ude” Rubrico, halimbawa, halos isang buwan nang nakabitin ang hiling niyang utusan ng korte ang militar na itigil ang panghaharas sa kanya. Dinukot noong Abril 3 si Nanay Ude at dinala sa PAF Field Station Fernando Air Base, Lipa City, Batangas. Doon siya nakaranas ng sikolohikal na tortyur, hanggang sa makatakas matapos ang walong araw.

Sa pagdinig ng korte sa ilalim ng presiding justice na si Edgardo Cruz, itinanggi ni Atty. Amparo Tang, abogado ng AFP, na may kinalaman ang militar sa pagdukot sa lider-maralita. Iniutos naman ni Cruz ang pagtanggal kay Pang. Arroyo bilang isa sa mga respondent ng kaso gayong Commander-in-Chief siya ng AFP na siyang pinaparatangan ni Nanay Ude na dumukot sa kanya.

Sinabi rin ni Cruz na wala namang direktang ebidensiya na may kinalaman si Arroyo sa pagdukot kay Nanay Ude.
Sa usapin ng ebidensiya nagkakaiba ng pagtingin ang humahawak na mga hukom sa CA. Sa kasong Robiños, madaling kinatigan ni Villarama ang testimonya ng mga biktima kung kaya iniutos agad ang inspeksiyon sa mg kampo. Sa kasong Muñasque at Bustamante rin, kinatigan agad ng hukom ang apela ng mga kaanak kung kaya madaling napalaya sina Ruel at Luicito. Pero sa kasong Rubrico, hindi nasapatan ang hukom sa testimonya ni Nanay Ude.

Paliwanag ni Fernandez, substantial evidence lamang ang hinihingi ng writ of amparo. Ibig sabihin, basta’t may ebidensiyang nagpapatunay sa alegasyon ng biktima, dapat kilalanin na ito ng korte. Sa kaso ni Nanay Ude, halimbawa, sapat na ang testimonya ng biktima. Sa kaso naman ng dinukot na mga estudyanteng sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, sapat na ang testimonya ng mga saksi na nasa kustodiya ng militar ang dalawa.

Kumpiyansa sa batas

Samantala, sa pagtitipon ng mga hukom ng iba’t ibang Regional Trial Court sa bansa, ipinagmalaki ni Chief Justice Reynato Puno ang writ of amparo bilang “pinakadakilang sandatang legal para protektahan ang mga karapatan ng taumbayan.”
Pero batay sa mga kasong may writ of amparo ngayon, masasabing nakadepende pa rin ang tagumpay nito sa interpretasyon ng mga hukom. At siyempre, nakadepende rin kung susundin ng AFP ang utos ng mga korte.

Isa pang kahinaan ng writ of amparo, ayon kay Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na nakatuon lamang ito sa pagremedyo ng naganap nang mga paglabag. “Remedial lamang ang writ at hindi preventive,” ani Enriquez.Hindi umano nito mapipigilan ang pamamaslang at pagdukot.

Sinabi rin ni Enriquez na masyadong mahina ang parusang contempt na ipinapataw ng writ of amparo sa mga elemento ng militar na lalabag sa utos ng korte. Hindi rin matutugunan ng writ ang posibilidad na itago ng militar ang mga dinukot nito sa labas ng kilalang mga kampo nito.

Gayunman, sinabi ni Fernandez na maaari pa ring imaksimisa ang writ of amparo. sa susunod na mga araw, masusubukan ito: rerespetuhin ba ng militar ang mga korte at ang batas? O patuloy lamang ito sa walang habas na pagsalaula sa karapatan ng mga mamamayan?

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s