Political Crisis

Patayin sa sindak si Trillanes (at ang taumbayan)

NAKAKASINDAK ang itsura nila, sa unang tingin. Nakaumang ang baril, nasa pormasyon, matikas. Pero nang tinabihan namin, nakikipagkulitan pa. Relaks na relaks ang mga sundalo at pulis. Ang ilan, nagyoyosi, nakikipagtsikahan, nangangalikot ng cellphone. Walang kaproble-problema. Baka dahil wala naman kasi talagang banta.

Ito ang eksena sa labas ng Manila Peninsula Hotel noong Huwebes, Nobyembre 29. Parang eksena ng giyera sa pelikula: mga di mabilang na sundalong nasa combat position. Tatlong tangke ang kasabay na umaabante. Nasa unahan ang tropa ng Philippine Marines, kasunod ang mga SAF (Special Action Force) ng PNP (Philippine National Police). Sa dulo, grupo naman ng mga litratista at mamamahayag. Kasama kami roon.

Kung saan pumuwesto ang mga sundalo, doon din kami. Pawang mga nakayuko, nagkukubli sa mga pader at halaman. Sa bawat hakbang ng tropa paabante ng tarangkahan, umaabante rin kami.

Rebelyon ni Trillanes

Malamang, alam na ng marami ang dahilan kung bakit nagmistulang sonang giyera ang Makati noong Nob. 29: Nagkulong sa otel si Senador Antonio Trillanes IV at Hen. Danilo Lim, kasama ang mga sibilyang tagasuporta at iilang sundalong Magdalo. Nanawagan sila ng pag-aalsa ng mga mamamayan laban kay Pangulong Arroyo.

Bago nito, nilayasan nina Trillanes at Lim, at iba pang sundalong opisyal tulad nina Capt. Nicanor Faeldon at Capt. James Layug sa kanilang mga pagdinig sa kasong kudeta sa Makati Regional Trial Court. Malaya silang naglakad sa kalsada ng Makati, kabuntot ang midya, patungong Manila Peninsula Hotel. Sa otel, nabasag ang isang pintong salamin dahil sa nagsisiksikang mamamahayag at sibilyang tagasuporta.

Pasado ala-una ng hapon nang tinangkang makipagnegosasyon ni Hen. Geary Barias, hepe ng NCRPO (National Capitol Region Police Office) ng PNP (Philippine National Police), pero itinaboy lang ng mga Magdalo.Tinaningan ni Barias ang pananatili nina Trillanes. Alas-tres ang itinakdang dedlayn para sumuko. Pero deklara ni Lim, hindi nila ito susundin. Kung kaya halos-alas kuwatro ng hapon, sinimulan na ang assault.

Nagpaputok ang mga isnayper ng gobyerno, tumama sa isang balkonahe ng otel. “Putok panghikayat” daw iyon, sabi ng mga pulis. Pero kaming mga mamamahayag, lahat nagsihanapan ng puwestong matataguan. Hindi na ito tulad ng Oakwood noong 2003: Nagpaputok na ng baril.

Overkill?

Pumuwesto kami sa likod ng isang iskuwad ng assault team, sa bungad ng mismong otel. Dito pa lamang, kapansin-pansin na ang pagiging relaks ng mga sundalo.

Ang ilang tila opisyal, palakad-lakad lang sa tabi. Ang mga sundalo at pulis na nasa bandang likod na, nagtatawanan. Nakatsikahan namin ang isa, na nagsabing, “Ang ganda nito, diba? Parang pelikula!”Di nagtagal, nakarating ang unang iskuwad ng mga sundalo sa bungad ng otel. Kasabay nila ang isang tangke.

Samantala, kaming mga mamamahayag, nakasandig sa pader sa bandang kanan nito. Nang unang mga putok, kumaripas kami sa takbo. Akala namin, galing sa loob. Kung mangagagaling sa loob kasi, ibig sabihin, magkakapalitan ng putok. Ganap na bakbakan ang magaganap. Pero bumalik kami sa puwesto dahil napagtanto naming hindi galing sa loob ang putok. Pinauulanan ng bala ng nangungunang assault team ang tarangkahan ng otel. Walang kalaban-laban ang mga poste ng pinto, na mabilis na bumigay.

Ginamitan pa ng tangke. Nakabibingi ang tunog. Sandali lamang, rumagasa na ang tangke para tuluyang wasakin ang kawawang pinto. Sumunod na ang mga Marines at pulis. Hindi kami pinayagang makalapit, habang nagpasabog ng tear gas ang mga pulis sa loob. Mahigit isang oras pa bago magsimulang ilabas ang mga tao sa loob. Walang armado na nakipaglaban. Ni wala nga ang mga sundalong Magdalo.

Ang ilan, nakihalo sa isang grupo ng mga mamamahayag na nasa ibaba, samantalang nasa pangalawang palapag ang iba pang mamamahayag, sibilyan, Magdalo, at ang mga lider na sina Trillanes, Lim, dating Bise-Pres. Teofisto Guingona Jr., dating Pres. Fransisco Nemenzo Jr. ng Pamantasan ng Pilipinas, at iba pang personalidad.

Pulitikal na pahayag ni GMA

Tahimik na sumuko sina Trillanes. Ayon sa mga mamamahayag sa loob, bago ang pagsalakay ay sinabi na ni Trillanes sa kanila na handa na silang sumuko para wala nang madamay. Wala naman talaga siyang balak nakipagpalitan ng putok.

Isang pulitikal na pahayag ang pananatili nila sa otel. Nagbakasakaling ispontanyong dadagsain ng mga mamamayan para sumuporta sa kanila. Pero nang hindi ito nangyari, wala na umanong puntong manatili pa roon.Pero tila hindi kuntento rito ang kumander ng assault na si Barias.

Sa basbas ng Malakanyang, kinailangan din niyang gumawa ng pulitikal na pahayag. “Buong puwersa ng pamahalaan” ang itinapat niya sa kilos-protesta ni Trillanes. Si Barias mismo ang tumulak kay Trillanes papasok sa bus na magdadala sa kanila sa Kampo Bagong Diwa sa Bicutan. Siya rin ang umutos na iaresto ang mga mamamahayag na nanatili sa otel.

Noong hapong iyon, habang itinataboy siya ng Magdalo papalabas ng Manila Peninsula, nagpalakpakan ang ilang mamamahayag.

Pagkatapos ng salakay, mistulang nakaganti si Barias sa pagpapaaresto sa kanila. Para sa midya, nakakasindak ang eksena sa Manila Peninsula Hotel noong gabi. Parang sinasabi ng gobyerno na kaya nitong gamitin ang buong puwersa nito laban sa sino man. Maging senador ka man, heneral, dating bise-presidente, o miyembro ng midya.

Para sa mga larawang kuha ko sa insidente, tumunghay sa:

http://krguda.multiply.com/photos/album/17/Manila_Peninsula_Hotel_assault

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s