PW Editorials

Trillanes at Taumbayan

HINDI simpleng pagsupil kundi lantarang pagdurog sa palabang diwa ng nagprotestang mga sundalo’t personalidad ang ginawang pagsalakay ng mga tropa ng Marines at elemento ng PNP sa Manila Peninsula Hotel noong Nobyembre 29. Nagmistulang pakawalang mga aso ang mga pulis, lalo na si Hen. Geary Barias, hepe ng NCRPO, na kumaladkad at nagtulak kay Senador Antonio Trillanes IV papasok sa bus na nagdala sa senador sa piitan. Iginapos pang parang ordinaryong mga kriminal maging ang mga mamamahayag na tumupad lamang sa sinumpaang tungkuling maghayag ng katotohanan.
Hindi maiwasang maihalintulad ang eksena sa Makati noong gabing iyon sa malawakang paglipol sa kilalang mga miyembro ng oposisyon noong ideklara ni Marcos ang batas militar. Kung noon, ikinalaboso ng diktador ang ilan sa makabayang mga pulitiko tulad nina Lorenzo Tañada at Jose W. Diokno, ngayon naman ay kawawang ikinulong ang matanda at nanghihina nang si dating Bise-Presidente Teofisto Guingona Jr. Kung noon, hindi inirespeto ng mga berdugo ni Marcos ang katungkulan ng mga kalaban niyang nahalal sa Kongreso, ayaw naman ngayong kilalanin ni Hen. Avelino Razon ang katungkulan ni Trillanes bilang senador at, sa halip, paulit-ulit lamang tinawag na “Tinyente Trillanes.”

Malinaw sa sinumang sumubaybay sa mga kaganapan sa Makati na walang kalaban-laban ang pangkat nina Trillanes. Iilan lamang ang armado sa kanila. Sa paggamit ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa “buong lakas ng Estado” para durugin ang rebelyon, lumalabas na walang pakay ang pagsalakay kundi ang brutal na ipamalas kung ano ang naghihintay sa sinumang nagpoprotesta laban sa kanya.

Lalong napapatunayan ang paggamit ni La Gloria ng “buong lakas ng Estado” sa ordinaryong mga mamamayang tumutuligsa’t lumalaban sa kanyang tiwaling liderato’t rehimen. Pinatotohanan kamakailan ni Prop. Philip Alston, Special Rapporteur ng UN, ang matagal nang idinadaing ng progresibong mga organisasyon na puntirya ng pagpatay, pagdukot, at pananakot ng mga elemento ng Estado. Sa huling bilang, halos 900 na ang biktima ng pagpatay na pampulitika buhat nang maupo sa poder si La Gloria. Itinurol ni Alston sa AFP ang responsabilidad sa pagpatay at pagdukot sa kabila ng walang-batayang bintang ng huli na pakana ito ng NPA.

Sa kanyang ulat, nagtataka si Alston kung bakit inuuna pa ng rehimen ang pagtugis sa legal na mga aktibista at militanteng mga kinatawan sa Kongreso sa halip na parusahan ang mga tulad ni Jovito Palparan at Hen. Hermogenes Esperon na nagpapakana diumano ng mga pagpatay. Ngunit hindi siya dapat magtaka, sapagkat katangian ng anumang rehimeng ginigiyagis ng krisis at naghihingalo ang gumamit ng kamay na bakal laban sa mga naghahangad ng makabuluhang pagbabago. Hindi nakakagulat ang pagkaladkad ni Barias kay Trillanes, pagkulong ng pulis sa mga sibilyang tagasuporta ng senador at paggapos sa mga mamamahayag. Gayundin, hindi dapat ikagulat – kahit na dapat na buong-tapang na kondenahin – ang pagmamalupit, pananakot at paggahasa pa nga sa mga aktibistang tulad nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.

Pinatunayan ng kasaysayan, gayunman, na hindi uubra ang paninindak at pagmamalupit para pahupain ang nag-aalab na damdamin ng mga mamamayan. Tatlong taong ikinulong ng rehimen si Trillanes, ngunit lalo lang siyang nag-alab. Anim na taon nang sinusukluban ng karimlan ni La Gloria ang kapuluan, ngunit tiyak na lalo lamang nagpupunyagi ang taumbayan para sa pambansang pagbabago. — KRG

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s