Etc.

Mabuting Tao

May nakapagsabi sa akin na para maging kapaki-pakinabang na nilalang ng mundo, dalawang bagay lang ang kailangan mo: matalas na isip at dalisay na puso. Palagay ko, masusuma ang lahat ng sinulat ni Mao Zedong hinggil sa pagiging rebolusyonaryong tao sa dalawang puntong ito. Madali lang maintindihan kung bakit. Pero napakahirap sundin.

Mas madaling maging matalino, sa totoo lang, kaysa maging mabuting tao. Si sir Nic Atienza, naging ehemplo sa akin kung papaano maging isang mabuting tao. Siyempre, hindi matatawaran ang talas ng isip niya. Matalino si sir Nic, kaya nga sa maagang yugto ng buhay niya natanto agad niya ang dapat na landas na tinatahak ng kabataan, at ito ay ang landas ng paglahok sa makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Sa kasamaang palad, hindi ko nakilala si sir Nic sa yugtong ito ng buhay niya. Nakilala ko man siya bilang dalubhasa sa wika at kulturang Pilipino nang maging estudyante niya sa isang semestre sa UP, hindi masyado tumimo sa akin ang mga lektyur niya. Pero sa pinagtagpi-tagping engkuwentro kay sir Nic, nabuo ang isang leksiyong hindi ko malilimutan, pinagsisikapan kong kamtin: maging isang mabuting tao.

Siyempre, lahat tayo may sikreto. Pero hangga’t maaari, dapat maging tapat ka. Si sir Nic, parang bukas na libro ang buhay. Hindi man niya palaging naikukuwento – minsan mas mabuti na lamang tumahimik kaysa magsinungaling – batid ng marami ang mga karanasan niya. Minsan, nagklase kami sa UP Lagoon. Nakaupo kami sa damuhan. Naka-iskuwat si sir Nic, lumalabas ang sugat sa kanyang binti. Sabi niya sa amin, ngayon nakita niyo na itong sugat ko, wala na akong maitatago sa inyo. Hanggang nang mamatay siya, nakabaon pa rin sa binti niya ang balang inilaan ng kaaway sa ulo niya. Bahagyang ikinahiya niya, pero nang makita na ang mga sugat, hindi na niya ito itinago sa amin.

Maging bukas at aboveboard – ito ang leksiyon sa akin ni sir Nic. Kaya siguro laging sinasabing mainitin ang ulo niya, kasi marami naman talagang dapat ikainit ang ulo sa mundo. Hindi niya magawang itago pa ang mga emosyon niya. Nang nakapanayam ko siya hinggil sa bakas ng batas militar sa kasalukuyang panahon, hindi niya naitago ang galak sa mga tagumpay na nakamit ng mga grupong pangkarapatang pantao sa internasyunal na arena: sa wakas, aniya, nailalabas na ang kabulukan! Tagumpay ito dahil lalong dadami ang papanig sa atin!

Sa propesyong pinasok ko, mas pinahahalagahan ang pagiging malihim. Sa peryodismo, dapat lagi kang may itinatagong baraha. Circumspect ka sa pananalita. Hangga’t maaari, huwag mong ilalabas ang emosyon mo sa mga sinusulat mo, kasi baka mapulaan kang biased. Pero ayokong mabuhay nang ganoon. Ayokong maging “propesyunal na peryodista” kung ang ibig sabihin nito ay pagiging malihim, pagtatago ng baraha, pagiging circumspect. Gusto ko lamang, maging mabuting tao, tulad ni sir Nic.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s