Etc.

Sampung bigatin ng 2007

PW Reportorial Team

MARAMING rekord ang nabasag ngayong taon. Nariyan ang rekord ng ibayong kahirapan at kagutuman ng mga mamamayang Pilipino. Kasama rin ang rekord ng sibilyang nagbakwit sa kanilang mga tahanan bunsod ng militarisasyon at ng sapilitang paglikas dahil sa demolisyon sa kalunsuran.

Samantala, 2007 rin ang taong nahirang si Pangulong Arroyo bilang “pinakakurakot na presidente” sa kasaysayan ng bansa, ayon sa Pulse Asia. Walang nagulat sa balitang ito, dahil sunud-sunod ang alegasyon laban sa kanya, mula pandaraya sa halalan hanggang panunuhol sa ZTE, maluluhong biyahe sa ibang bansa at kontrobersiya sa Transco.

Kaya naman, sa dami ng nangyari, nahirapan ang PINOY WEEKLY na mamili ng sampu na kaganapang gumulantang sa bansa ngayong taon. Matapos lamang ang matagal na talakayan at paghihinuhang nabuo ang “sampung bigating” ito na masasabing mnaglalarawan sa 2007.

10. Pagpapatawad kay Erap
Sari-sari ang reaksiyon ng mga mamamayan nang pagkalooban ni Arroyo ng executive clemency si dating Presidente Joseph Estrada matapos itong mahatulang maysala sa kasong pandarambong.

Ayon sa mga kritiko, ginawa ni Arroyo ang desisyon hindi lamang para kabigin ang kampo ng pinatalsik na presidente, kundi para rin magbigay ng ehemplong legal sakaling kasuhan siya matapos ang kanyang termino.

Kung nagawang bigyan ng executive clemency si Estrada kahit na nandambong ito sa bayan, magagawa rin ng iba ito kay Arroyo, sakali ngang makasuhan siya matapos ang kanyang termino sa 2010. Noel Sales Barcelona


9. Pagpugot sa 10 Marines at giyera sa Mindanaw
Tinutugis daw ng Marines ang Abu Sayyaf na dumukot kay Fr. Giancarlo Bossi nang tambangan sila ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) noong Hulyo 10 sa Albarka, Basilan. Umabot sa 14 na Marines ang patay, 10 ang natagpuang pugot ang ulo.

Pero ayon sa MILF, lehitimong engkuwentro ang naganap at hindi raw nila pinugutan ng ulo ang 10 Marines. Gayunpaman, naglunsad ang Marines ng malalakihang opensiba laban sa mga kuta ng MILF para “arestuhin” ang mga pumatay at pumugot sa mga kasamahan nila.

Nanlaban ang mga MILF. Mahigit isang buwang tumagal ang sagupaan, hanggang libu-libong sibilyan ang napilitang lumikas. Ayon sa ilang kritiko, pinatindi ng gobyerno ang giyera para mailihis daw sa akusasyon mula sa pandaraya nito noong halalang 2007. KR Guda

8. Tagumpay ang laban vs OPH
Tagumpay ang pinakahuling protesta noong Disyembre 13 laban sa taas-presyo ng mga produktong petrolyo. Dahil sa protesta, sinabi ni Kal. Angelo Reyes ng Department of Energy na wala nang anumang magaganap na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo hanggang katapusan ng taon.

Nagsilbing ultimatum ang protesta kay Arroyo na gumawa ng hakbang para pigilan ang pagtaas ng presyo ng langis. Umabot na sa 550% ang itinaas ng presyo ng langis mula nang ipatupad ang Oil Deregulation Law noong 1996.

Dahil sa nasabing batas, biglang lumakas ang kartel sa langis. Sa kasalukuyan, hawak ng sinasabing “Big Three” – Shell, Caltex at Petron – ang siyam sa bawat 10 gasolinahan sa bansa. Soliman A. Santos

7. Walang habas na demolisyon
Ayon sa Cohre (Commission on Housing Rights and Eviction) ng Geneva, Switzerland, ang administrasyong Arroyo ang may pinakamatinding paglabag sa karapatan sa pabahay at paninirahan ng mga maralita.

Humigit-kumulang sa 42,929 na maralitang pamilya ang mawawalan ng tirahan dahil sa kanyang proyektong North and South Rail Development. Sinabi ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), na sa programang Quezon City Central Business District, mahigit 14,000 pamilya naman ang nakatakdang mawalan ng tirahan. Sa pagtitipon naman ng Association of Southeast Asian Nations noong Enero sa Cebu, daan-daang pamilyang maralita ang pinaalis ng tirahan.

Sa buong bansa, patuloy ang nagaganap na marahas na demolisyon sa ngalan na kaunlarang sinasabi ng administrasyon. Noel Sales Barcelona

6. Bigong upak sa Kaliwa
Tatlong beses na tinangkang supilin ng gobyerno ang kilalang mga lider-progresibo, mula sa kinatawan ng militanteng mga party-list hanggang sa mga rebolusyonaryong nakikipagnegosasyon sa ibang bansa. Pero tatlong beses ding nasupalpal ito sa mga korte.

Lumaya si Jose Maria Sison, punong konsultant na pampulitika ng National Democratic Front, mula sa kulungan sa The Netherlands noong Setyembre 13. Napahiya ang gobyernong Arroyo sa paglaya ni Sison dahil sinabi mismo ng pangulo na ang pagkakadakip kay Sison noong Agosto 26 ay “isang hakbang para sa kapayapaan.”

Samantala, ibinasura naman ng Korte Suprema noong Hulyo 10 ang apela ng gobyerno na irekonsidera ang hatol ng Korte na ibasura ang kasong rebelyon laban sa Batasan 5. Ipinag-utos din ng Korte na palayain si Anakpawis Rep. Crispin Beltran na mahigit 16 na buwang napiit nang arestuhin ng pulisya.

Dumanas uli ng panunupil noong Abril 3 si Bayan Muna Rep. Ocampo, na inaresto noong Marso 16, 2007 dahil umano sa pagkakasangkot niya sa “purgahan” sa Kaliwa noong dekada ’80. Pero agad namang ibinasura ito ng Korte Suprema. Soliman A. Santos

5. Pagsabog sa Glorietta at Batasang Pambansa
Dalawang malakas na pagsabog ang yumanig sa Kamaynilaan, na hindi pa kapani-paniwalang nareresolba ng gobyernong Arroyo.

Kasunod ng pagkakalantad ng anomalya sa kontratang NBN sa ZTE at ng diumano’y suhulan sa Malakanyang, noong hapon ng Oktubre 19, niyanig ng pagsabog ang Glorietta Mall sa Makati. Namatay ang 12 at nasaktan ang mahigit 100.

Ayon sa pulisya, naipong methane gas sa poso negro ang dahilan – na imposible, ayon sa ibang eksperto. Sa pinangyarihan, may natagpuang kemikal na eksklusibong ginagamit ng militar. May nahuling dalawang sundalong nagtangkang mag-iwan ng pekeng ebidensiya.

Noong Nobyembre 14, niyanig ng pagsabog ang Batasang Pambansa. Apat ang namatay – kasama si Kong. Wahab Akbar ng Basilan at si Marcial Taldo, drayber ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan – at nasugatan ang 13 pa.

Idinidiin ng imbestigayson ang dalawang pulitikong karibal diumano ni Akbar. Nitong Disyembre, binawi ng mga tumestigo ang nauna nilang pahayag at sinabing tinortyur sila para umamin. Roberto Andres

4. Tagumpay ng Oposisyon sa Senado at ng militanteng mga party-list
Sa kabila ng diumano’y malawakang dayaan, nilampaso ng Genuine Opposition ang TU (Team Unity) sa halalang pang-senador noong Mayo. Sa 12 puwesto, apat lamang ang nakapasok mula sa administrasyon.

Napunta ang unang tatlong puwesto sa oposisyon. Kahit mahina ang makinarya, pang-11 si Antonio Trillanes IV, tinaguriang “ boto ng protesta” laban kay Arroyo. Pinakamarumi ang halalan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao.

Sa Maguindanao, “nawala” ni Lintang Bedol, supervisor ng Comelec, ang mga election return. Nangako si Gob. Andal Ampatuan ng tig-P1 Milyon sa mga alkaldeng makakapagbigay ng 12-0 boto panalo ng TU—at nangyari ito sa ilang bayan. Pinatay ang guro na saksi sa mga iregularidad sa bilangan.

Nanalo rin ng anim na puwesto sa Kamara ang progresibong mga party-list na Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis, kahit hinaras ang mga miyembro, dinaya, at siniraan ng militar. Ilang-Ilang Quijano

3. Pagbubunyag sa mundo ng masahol na rekord paggalang sa karapatang antao ng gobyernong Arroyo
Anim na taong dinanas ng progresibong mga grupo ang pandarahas ng estado, kabilang na ang pamamaslang sa pulitika, pagdukot, at militarisasyon sa kanayunan.

Nitong Pebrero 2007, dahil pangangampanya ng Karapatan, grupong pang-karapatang pantao, tumungo sa Pilipinas si Prop. Philip Alston, special rapporteur ng United Nations. Sa kanyang pag-aaral, napag-alamang AFP (Armed Forces of the Philippines) ang may kagagawan ng lantarang mga paglabag sa karapatang pantao.

Ayon sa datos ng Karapatan, habang noong 2006, umabot sa 209 ang pinaslang dahil sa pampulitikang paniniwala nila, nitong 2007 (Enero hanggang Oktubre), aabot lamang sa 68 ang napapaslang.

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez ng Karapatan, ang malaking pagbaba ay dahil sa pandaigdigang presyur na dumulo sa paghatol ng Permanent People’s Tribunal sa The Hague, The Netherlands na maysala ng gobyernong Arroyo sa malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino. KR Guda

2. Pag-aalsa nina Sen. Antonio Trillanes IV
Nitong Nobyembre 29 – matapos ang ilang linggo ng muling pananawagan ng iba’t ibang grupo ng “Gloria, Resign!” at isang araw bago ang nakatakdang malaking kilos-protesta – ginulat ang lahat nina Sen. Antonio Trillanes IV, Brig. Hen. Danilo Lim at 16 na miyembro ng Magdalo.

Nag-walkout sila sa pagdinig ng korte sa kasong rebelyon. Kasama ang ilang personalidad, nagmartsa sila sa Makati, nagkuta sa Manila Peninsula Hotel, at nanawagan ng suporta para sa pagbibitiw ni Arroyo.

Noong di humungos ang espontanyong masa – at maging ang Bayan, pinakamalapad na pormasyong maka-Kaliwa – at walang paksiyon ng militar na kumalas sa rehimen, sumuko ang grupo sa harap ng todong pandarahas ng militar.

Nagpataw ang gobyerno ng curfew noong gabi. Dinakip ang mga taga-midya sa otel, na kagyat ding pinalaya. Dalawang linggo pagkatapos, napalaya nang lahat ang dinakip na 18 sibilyan. Nangako si Arroyo na parurusahan ang mga lider. Roberto Andres

1. Kontrobersiyang ZTE, panunuhol sa Malakanyang, at kasong impeachment laban kay Arroyo
Kasinglaki ng “Hello Garci” ang numero unong iskandalong kinasangkutan ni Pangulong Arroyo na muntikan na niyang ikatalsik sa puwesto ngayong taon.

Kung noo’y nailantad ang diumano’y pagnanakaw ng boto, sa proyektong NBN (National Broadband Network), lantarang suhulan ang bistado. Pinirmahan ng gobyerno ang $329.5 kontrata sa kompanyang ZTE ng Tsina para magtayo ng imprastrukturang pangtelekomunikasyon na ayon sa mga eksperto, hindi kailangan at overpriced.

Sa imbestigasyon ng Senado noong Setyembre, sinabi nina dating direktor Romulo Neri ng Neda at Joey de Venecia III ng natalong bidder na Amsterdam Holdings Inc., sinubukan silang suhulan ni Comelec chairman Benjamin Abalos. Si Unang Ginoo Mike Arroyo, diumano’y nakialam din at dinuro si de Venecia. Listo ang Malakanyang.

Para maiwasan ang malakas na kasong impeachment bunga ng iskandalo, diumano’y pakulo nito ang pekeng reklamo ni Atty. Roel Pulido. Suhulan muli ang eksena para mabilis na ipasa at ibasura ang reklamo ni Pulido. Mismo sa loob ng Palasyo, tig-P200,000 hanggang P500,000 ang ipinamigay sa mga kongresista at gobernador na kaalyado.

Umaming nakatanggap ng pera si Pampanga Gob. Ed Panlilio at iba pang gobernador at kongresista. Tila nagtagumpay ang taktika—ibinasura ng Kamara ang reklamong impeachment kay Arroyo noong Nobyembre. Ilang-Ilang Quijano

Standard

One thought on “Sampung bigatin ng 2007

  1. Pingback: It’s not the end of the world as we know it « Postcard Headlines

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s