Government misdeed, Political Crisis

Pag-aalsang middle class?

PATAPOS na ang misa. Naantig ang damdamin ng lahat sa talumpati ni Rodolfo “Jun” Lozada Jr. Namumugto ang mga mata ng asawa niya habang ikinukuwento ni Lozada ang tanong sa kanya ng anak: “Kung may mabuti tayong ginawa, bakit tayo nagtatago?” Nakabibingi ang palakpak ng mga tao sa loob at labas ng gym ng De La Salle Greenhills.

Pagkatapos, pinatugtog ang “Bayan Ko.” Maliban kay Cory Aquino na nagwasiwas ng kanyang simbolong “L”, itinaas ng lahat ang kanilang mga kamao. Mula kay Jose de Venecia hanggang kay Jose Cuisia (dating gobernador ng Bangko Sentral), mula kay Alfredo Lim hanggang kay Alberto Lim (ng Makati Business Club o MBC) – lahat ay taimtim na kumanta ng tanyag na kantang pangprotesta, sabay suntok ng kanilang kamao sa kalangitan.

Mahigit 5,000 ang nagtipon sa gym. Katunayan, hindi na kinaya ng lugar ang dami ng tao. Mahigit 1,000 ang nanatili sa labas, pinapanood ang misa sa videowall at mga telebisyon. “Tomasians support Lozada,” sabi ng karatulang hawak ng isang grupo mula sa University of Sto. Tomas. Ang mga taga-La Salle naman, lahat nakaberdeng damit. Inanunsiyo naman sa mikropono na may nakaiskedyul pang misa para kay Lozada sa Ateneo de Manila University sa Lunes.

Malinaw na pagtitipon ito ng tinatawag na middle class, o mga miyembro ng panggitnang uri sa lipunan. Kaiba sa naunang mga pagkilos kontra kay Pangulong Arroyo, marami-rami silang nagtipon sa Greenhills. Kaya hindi maiwasang maitanong: Ito na ba ang hudyat ng paglahok ng middle class sa malawak nang “kilusan para sa pagpapatalsik kay Arroyo”?

Pagkakaisa
“Bago ang pangyayaring ito,” sabi sa Pinoy Weekly ni Teresita “Ging” Quintos-Deles, dating Presidential Adviser on the Peace Process at miyembro ng tinaguriang “Hyatt 10” – dating mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Arroyo na nagbitiw noong kainitan ng kontrobersiyang “Hello Garci.”

Matapos ang misa, nagpatawang ng press conference sina Deles at 60 iba pang dating miyembro ng gabinete ng kasalukuyan at dating mga administrasyon. Sa mismong harap ng sinasabing surveillance camera na inilagay ng NCRPO o National Capital Region Police Office sa tarangkahan ng De La Salle Greenhills, binasa ni Albert del Rosario, dating embahador sa Amerika, ang pahayag nila — nananawagan ng pagbibitiw ng mga miyembro ng gabinete ni Arroyo.

“Wala pang nangyaring ganito, kahit noong panahon ni (dating diktador Ferdinand) Marcos,” sabi ni Deles.

Nakakagulat nga ang hanay ng dating mga miyembro ng gabinete na ngayo’y kontra-Arroyo: dating mga sekretaryo sa Pinansiya (Jesus Estanislao, Milwilda Guevarra, Ernest Leung, Cesar Purisima, Jose Pardo, atbp.); sa National Economic Development Authority (Benjamin Diokno, Cielito Habito, Felipe Medalla), sa Edukasyon (Florencio Abad, Jose Luis Gascon, atbp.) at marami pang iba. Pati dating mga hepe ng Presidential Management Staff tulad nina Elfren Cruz at Vicky Garchitorena ay sumama rin.

Lumantad ang dating mga miyembro ng gabinete matapos magpahayag ang malalaking negosyante sa ilalim ng MBC ng panawagang magbitiw ang mga miyembro ng gabinete na sangkot daw sa korupsiyon. Ngayon, unti-unting napapalahok kahit ang sinasabing apolitikal na mga pamantasang Katoliko.

Sinabi ni Deles na tuluy-tuloy ang mga pagpupulong nila. “Naging mitsa ang paglantad ni Lozada,” aniya. Nakuha ng pagtestigo ng dating pinuno ng Philippine National Forestry Corp. ang imahinasyon ng aniya’y nagtutulug-tulugang panggitnang uri.

Nawawasak na ‘demokrasya’
Paliwanag pa ni Deles, hindi na nila kakayaning maghintay pa ng 2010 para umalis sa Malakanyang si Arroyo. “Siguro kapag hinintay pa natin ang taong iyon, baka tuluyan nang masira ang ating mga institusyong demokratiko,” aniya.

Nasa peligrosong posisyon ngayon ang mga institusyon ng gobyerno. Mula sa paggamit diumano ni Arroyo sa pulisya at militar para supilin ang mga kalaban nito hanggang sa paggamit sa puwesto para magpayaman sa sarili, lalong niyayanig daw ng panunungkulan ni Arroyo ang sistema. Lalong mawawalan ng kumpiyansa ang sambayanan sa mga institusyon ng pamahalaan.

Sa kanilang pahayag, kinilala ng dating mga miyembro ng gabinete ang paggamit ng gobyernong Arroyo ng dahas para supilin ang oposisyon – laluna ang mga militante. Sa tangkang pagsupil diumano kay Lozada, nalantad daw ang “madilim na bahagi ng estado”: “[T]erorismo ng estado na nananalasa sa pamamagitan ng samu’t saring pagdukot at pagpaslang na ekstrahudisyal sa loob ng anim na taon,” anila.

Sinabi nilang “hindi na rin puwedeng maging pampalubag-loob ang paglakas ng piso, pagliit ng depisito at paglakas ng ekonomiya. Kahit ang kakarampot na mga tagumpay na ito ay di nakakapagdulot ng mabuting buhay para sa mayorya ng ating mga mamamayan, laluna sa mahihirap.”

Sa krisis pampulitikang ito na yumayanig sa relatibong maalwang buhay ng middle class, unti-unti nang nahihimok ang mga miyembro nito na lumahok sa mga protesta. “Di pa natin alam kung ano’ng uri ng pagkilos, pero tingnan natin,” sabi ni Deles.

Marahil, makakatulong ang talumpati ni Alvin Peters, lider-estudyante ng National Union of Students of the Philippines na nagsalita sa press conference bago basahin ni Del Rosario ang pahayag nila: “Kailangang makisanib tayo sa malawak na bilang ng mga mamamayan.”

Larawang kuha ni John Clemente

Unang nalathala sa Pinoy Weekly:

http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/02/pagaalsang-middle-class

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s