PW Editorials

Ramdam ang Kahangalan

KUNG anu-anong argumento ang ipinapangsanggalang ng gobyerno para depensahan ang VAT (value-added tax) sa kuryente at langis. Pero madaling mawawasak ito ng sinumang pobreng kumakalam ang sikmura sa gutom at namamanhid na ang mga paa sa kakalakad.

Hindi dapat balewalain ang argumento ng sikmura at paa: Ito, higit sa lahat, ang pinakaunang isasaalang-alang ng kahit anong pamahalaang matino. Patunay ang pag-aray ng pobreng gutom at pagal na palpak ang VAT. Hindi lang palpak – lantarang eskandaloso at imoral pa nga.

Sa kabila ng kumplikadong pagpapaliwanag at eleganteng pananalita – ng gobyerno, at kahit ng ilan sa midya – simple lang naman talaga ang argumento nila: Napupunta raw sa serbisyong panlipunan ang kinikita ng gobyerno sa pagkolekta ng VAT. Kung kaya hindi dapat ito galawin. Kesehodang maging kasintaas pa ng nakakalunod na baha sa Cotabato at Iloilo ang presyo ng langis. Kahit pa dumugo ang talampakan ng maralita sa kakalakad dahil di na makayanan ang pamasahe. Kahit pa makipagsapalaran sa MRT/LRT na nanganganib na yatang bumagsak dahil sa dami ng pasahero – pagpasensiyahan na lang daw natin dahil darating din ang grasya.

Simple lang ang argumento nila: Manalig sa gobyerno, magtiwala kay La Gloria. Na maaambunan din tayo ng nakokolektang pondo sa porma ng paglawak ng naaabot ng mga serbisyong panlipunan. Gaganda ang mga kalsada. Bubuti ang kalusugan. Makakapag-eskuwela na ang mga bata. Manalig lang sa neoliberal na mga polisiya, manalig sa pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon. Manalig sa malawakang tanggalan, sa pagtanggi sa makatarungang dagdag-umento. Manalig sa VAT.

Pananalig, pagpapasensiya, pagbibigay ng tiwala – napakalaki ng hinihingi nila sa masa. Hinihiling nila sa maralitang huwag paniwalaan ang karalitaang nararanasan, dahil ilusyon lamang ito. Sa kalakhang Maynila, dumarami ang pamilyang tumitira sa kalsada, sa mga kariton, sa munting lilim sa tabi ng malalaking gusali. Sa kabila nito, pilit pa tayong pinapaniwalang “ramdam ang kaunlaran.”

Pero hindi maitatanggi ng maralita ang karalitaan niya. Ang kalagayan niya mismo ang pinakamalakas na argumento laban sa VAT. Tumitindi ang kahirapan niya hindi dahil hindi pa nagkakabisa ang milagro ng VAT – 2004 pa ito naisabatas! – kundi dahil pinupuwersa siyang pasanin ito kasabay ng tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, kasama na ang di-puwedeng-maalis na kita ng kapitalista sa bawat bilihin at serbisyo.

Nasaan ang serbisyong panlipunan? Patuloy pa rin ang komersiyalisasyon ng edukasyon, ang pagtaas ng matrikula sa mga paaralan, at pagliit ng badyet ng gobyerno sa edukasyon. Pupugak-pugak nang parang sakitin ang sektor ng kalusugan dahil sa kawalan ng pondo. Libu-libo araw-araw ang kabahayan ng maralita na winawalis ng MMDA na parang dumi sa kalsada. Samantala, nananatili ang awtomatikong paglaan ng tumataginting na 87 porsiyento ng pampublikong pondo sa pagbabayad ng samu’t saring utang ng gobyerno.

Itinatadhana ng batas na ilaan ang 30 porsiyento ng koleksiyon ng VAT sa serbisyong panlipunan. Namomonitor ba ng gobyerno kung nagiging tapat sa probisyong ito ang kaukulang mga ahensiya nito? Bakit lumiliit pa rin ang taunang badyet para sa edukasyon, kalusugan at pabahay? Bakit ipinapanukala pa ng gobyerno na isapribado ang National Food Authority dahil nalulugi ito at di na kakayaning sustentuhan ang pag-aangkat ng bigas ngayong panahon ng krisis?

Sa pinakahuling pagtaas ng presyo ng langis, nakatakdang makakolekta ang gobyerno ng P118.29 Milyon araw-araw mula sa VAT sa diesel at P22.7-M mula sa LPG. Sabihin na nating ilalaan nga ng gobyerno ang 30 porsiyento nito sa serbisyong panlipunan (Katulad kaya ng “paglalaan” ng P728-M sa pekeng programang pang-agrikultura ni La Gloria, sa pagpapatupad ni Joc-joc Bolante?), makasisiguro na tayong may ibang plano ang gobyernong Arroyo sa 70 porsiyento, o P82.8-M kita sa diesel at P15.9-M kita sa LPG.

Pero ayaw iparinig ng gobyerno sa atin ang mga datos na ito. Sa kabila nito at ng nararamdaman nating ibayong paghihirap, iginigiit nitong kalimutan na natin ang pagbasura sa VAT. Tama ang mga karatula sa kalsada, sa isang banda. May nararamdaman at dinaramdam nga ang masa. Ramdam natin ang gutom at kahirapan. Ramdam natin ang kahangalan ni La Gloria at ng pamahalaan. (KRG)

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s