Culture

Minsan, Eraserheads

Napanaginipan ko sila noong nakaraang linggo. Hindi ko alam kung bakit. Sa panaginip, pumasok ako sa isang lumang bahay na gawa sa kahoy. Kulay orange ang ilaw. Nadatnan ko sa unang palapag si Ely Buendia. Sa ikalawa, si Buddy Zabala. Sa panghuling palapag, nakatanguan si Raimund Marasigan. Hindi ko maintindihan – hindi naman ako excited sa papalapit noong konsiyerto nila. Hindi ko naisip na manood. Pero nasa panaginip ko sila – maliban na lamang kay Marcus Adoro, ewan ko kung bakit – na ibig sabihi’y nasa laylayan ng kamalayan ko ang Eraserheads.

Siyempre, napanood at nabasa ko ang hinggil sa mga nangyari sa konsiyerto. Nakita ko sa telebisyon ang fans. Nakakuwentuhan ang mga kakilalang nanood. Parang reunion, sabi ng isa, hindi lang ng banda kundi ng isang henerasyon. May mga trabaho na, ang iba may pamilya na (dalawang kuwento mula sa konsiyerto: ang isang kakilala, si E, kasama ang asawa at mga kaedad na magpipinsan; ang isa pang kakilala, si J, pinambili ng tiket nilang mag-asawa ang perang dapat gagamitin sa bakuna ng anak). Kaya nang bumili ng relatibong mamahaling tiket. Kung dati, nang mga estudyante pa lamang kami, nagkakasya na sa hiraman ng tapes at pagpuslit papasok sa UP Fair, ngayon, kahit papaano, napagbibigyan na ang hilig. Better late than never.

Reunion nga, at wala ako doon. Sayang. Binalikan ko sa mp3 ang musika ng Eraserheads. Mula sa ultraelectromagneticpop! hanggang sa Carbon Stereoxide. Nasa Circus pa lamang ako – pasakay ng MRT tatlong araw na ang nakararaan – nang bumulaga sa akin ang realisasyon: Oo nga pala, fan nga pala ako nila. Kinalimutan ko na. Naalala ko ang isang kaibigan noong 1995, galit na galit siya sa Eraserheads, nakokornihan, at naiinis sa mga freshmen na ang unang tanong sa kanya’y kung saan makikita ang pinakasikat na banda ng UP. Para mapanatili ang pagkakaibigan, hindi na namin pinag-uusapan ang Eraserheads. Mas gusto raw niya ang Yano. Noong tagal, nahumaling kay Cynthia Alexander.

Pero fan nga pala ako. Parang kinimkim na emosyong bumulwak mula sa akin ang realisasyong ito pagdating ko sa kantang Minsan. Nasa masikip na tren ng MRT ako. Naluha ako. At hindi lang dahil tulad ng persona sa kanta, minsan akong tumira sa Kalayaan Residence Hall. Naluha ako dahil naalala ko ang panahong ito, ang pagkabata, ang pagkamulat. Taong 1994-95, sariwang sariwa, mula sa probinsiya. Wide-eyed freshie na tuwang tuwa na nakatuntong ng UP. Mababaw ang kaligayahan. Sangkatutak ang insecurities. Tinatagyawat. Kahit noon, nagtataka na ako sa kantang ito: Para naman yata ambilis tumanda ng mga ito. Nagno-nostalgia trip, para namang dekada na mula nang umalis sila ng pamantasan.

Pero kinausap ako ng kantang ito. At ng iba pa nilang kanta. Wishing Wells, Alapaap, kahit Huling El Bimbo – panay pagbabalik sa nakaraan ng persona. Pinaalala ng mga ito kung paano ako mag-isip noong panahong iyon, kung paano ko dinamdam ang mga kaganapan sa buhay. Naluha ako dahil naramdaman ko ang paglipas ng panahon. Naramdaman kong tumanda na ako, at nagbago na ang pananaw ko sa mundo. Naging seryoso ang mga pinagkakaabalahan: pulitika, pagsusulat, sining, aktibismo. Nakalulungkot na kinailangang kalimutan ko ang payak at simplistikong mundo ng pagkabata para maging pulitikal na tao. Naluha ako sa paglipas ng panahon, sa henerasyon ko at sa trivial, maliit, makitid na mundo nito.

Tinitingnan ko ang mga footage sa TV ng konsiyerto at naisip ko: pareho pa rin ang hitsura nila, parang hindi tumanda. Si Ely lang, pumayat. Siguro dahil sa sakit niya noong nakaraang taon. O dahil siya ang pinakaunang tumanda sa grupo. Sa pagsulat niya ng mga kantang tulad ng Minsan, Huling El Bimbo, Para sa Masa, parang siya ang pinakaunang nakaramdam ng paglipas ng panahon, ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan at pag-aakalang mas maganda ang anumang nakaraan kaysa sa kasalukuyan. Masaya ang buhay-banda – epitomiya na siguro ito ng pagkabata. Naalala ko ang isang linya sa pelikula ni Cameron Crowe: sabi ng isang karakter, “Hindi ba pumasok tayo sa banda para iwasan ang responsibilidad?” Nasa banda raw ang karakter para pansamantalang ihinto ang orasan, at manatiling bata – juvenile, nakatira sa mundo ng “Rock n’ roll Neverland.

Pero si Ely – siya na siguro ang unang kumawala sa Neverland. Siya ang unang kumalas sa banda, habang ang naiwang tatlo sinubukan pang palitan siya ng babaing bokalista pero di nagtagumpay. Nagpalagay ng brace sa ngipin, nagpagupit, nagbihis-burgis (nakita ko sa YouTube ang bidyo na ito na panauhin si Ely sa talk show ni Martin Nievera matapos tumiwalag sa ’Heads). Di nagtagal, nagtatag ng bagong banda (Mongols, saka Pupil), pero di na bumalik sa moda ng ’Heads – tila mas seryoso na ang pagiging musikerong artist, hindi na pinangarap na maging popular o populista (Ikumpara, halimbawa, kay Raimund, na kinakantahan pa ang Betamax hanggang ngayon). Wala nang hihigit pang patunay ng napakaagang pagtanda ni Ely sa tila napaagang pagkakasakit niya sa isang karamdamang madalas na naiuugnay natin sa katandaan – sakit sa puso.

Usap-usapang mauulit daw ang reunion concert. Pero tingin ko, hindi na dapat. Sapat na ang isang gabing nostalgia trip – hindi lamang sa musika ng isang henerasyon, kundi sa naglipas na sensibilidad at angas ng henerasyong ito. Tumitindi na ang krisis. Sobrang mahal na ng mga bilihin sa tindahan ni Aling Nena, laluna sa CASAA. Nagmahal na pati ang isaw sa tapat ng Ilang-Ilang. Nag-abroad na si Shirley (sana hindi siya mapabilang sa mga OFW na bumabalik sa bansa sa kahon). Nagbenta ng katawan sa magasin ang dating crush ni Ely. Hindi lang bugbog — pinapatay pa — ang inaabot ng mga bading na tulad ni Jay. Nasagasaan sa madilim na eskinita yung kamukha ni Paraluman.

Aktibista noon sa UP yung kaibigan kong galit na galit sa Eraserheads. Inisip ko noon, galit siya baka dahil wala siyang maaninag na pulitika sa musika ng banda. Maliban siguro sa pag-anyaya ni Raimund sa kalalakihang estudyante na tumiwalag, sumapi sa NPA at “palayain ang sarili,” at isang pagkakatong tumugtog sila sa isang rali kontra komersiyalisasyon sa UP noong 1996, iwas-pulitika at iwas-aktibismo ang Eraserheads. Sa isang pamantasang pinaniniwalaang may mayamang tradisyon ng aktibismo, hindi nila naiwasang makasalamuha at makaibigan ang mga aktibista (Dalawang ehemplo: si Bomen Guillermo ang pinakaunang kritikong nagpasikat sa banda, nang magsulat si Bomen ng rebyu ng demo tape nila para sa Philippine Collegian; at, noong 1998, naka-housemates ni Buddy sa Teachers’ Village ang ilang lider-estudyanteng aktibista. At, isa pa pala: Nag-opening act sa launch concert ng Cutterpillow ang bandang The Jerks, na sa kabila ng mga “boo” ay nag-alay ng kanta noong gabi para sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao). Pero liban doon, banda lang talaga ang Eraserheads. Bandang masaya, magaling, henyo pa nga. Pero banda lang talaga.

Ganyan din ang sinabi ni John Lennon nang tanungin siya kung ano ang tingin niya sa penomenon ng Beatles ilang taon matapos magkanya-kanya sila: “We were just a band…” Aktibista na noon si John Lennon. Nagmartsa siya kasama ang mga Amerikano para labanan ang giyera sa Vietnam. Nagpahayag siya ng pagpabor sa sosyalismo. Naging anthem ng kilusang kontra-giyera ang mga kanta niya. Tulad ni Ely sa ‘Heads, tila si Lennon din ang pinakaunang tumanda sa – at unang na-outgrow ang – Beatles. Pero siya ang pinakabatang namatay. Sabi ng isang interpretasyon sa pagkahumaling ng assassin niya sa librong Catcher in the Rye, pinatay daw ng assassin si Lennon para manatiling inosente’t bata, parang yung karakter na kapatid ni Holden Caulfield na “catcher in the rye.

Buhay pa naman si Ely, pero tumatanda na silang apat. At ang musika nila, nagiging instrumento ng gunita, ng pagbabalik-tanaw sa isang henerasyon, isang sensibilidad na naglaho na. Pero may panahon pa, para sa mga pahayag na “banda lang kami noon”, para sa mga martsa, mga pagpabor at pagtutol, pag-awit ng mga anthem, at pamumuhay sa mundo at realidad natin ngayon.

Standard

42 thoughts on “Minsan, Eraserheads

  1. Ayus! Sa lahat ng rebyu ng concert, ito ang kakaiba. Di gaya ng mga sosyal na nagmamayabang na nandun sila sa concert, ito, walang balak manood pero napanaginipan. Masaya sa reunion pero ayaw ng part 2. Nagrereminisce sa pagkabata at panahon ng Heads pero mas tinuunan ang pagtanda at ang pangangailangang “lubusin” pa nila ito.

    Ikaw ang tunay na fan.🙂

  2. guiller says:

    ako rin nalungkot. hindi dahil sa fan ako (dahil hindi naman talaga). para kasi siyang epilogue sa isang panahon na hindi naman ako part. basta, ang hirap mag-explain, pero napainom ako ng beer mag-isa sa kalungkutan, parang isang nightcap sa isang mahaba at nakakapagod na araw.

  3. krguda says:

    Venz, salamat. hindi ko naisip na magrebyu ng konsiyerto, kasi hindi ko nga napanood. pero fan talaga ako nila. baka dahil produkto nga ako ng 90s, o baka mahusay lang talaga sila na mga musikero.

    Guiller, ibig sabihin, nanood ka? mabuti ka pa. hehe. bawasan mo na lang ang pag-inom at matuto sa leksiyon ni ely. hehe.

  4. guiller says:

    nye, hindi naman ako manginginom. kelangan ko lang lunurin ang lungkot hahaha. uy, yung mga artikel natin (di pa ako nakakapagsulat pero, my malabo nang outline)! nanood ako pero di ako sosyal (syet, ansakit sa bulsa). hehehe. peace, venz!

  5. keneth, maganda ang review/article mo tungkol sa eheads. ako din nagsenti sa reunion concert. pinanood ko lang sa youtube. mahal kasi tiket at busy ako. tama ka kakaiba talaga ang eheads. kung matatandaan mo naglabas tayo ng piling taga-up na kakatawan sa dekada 90 at eheads ang isa sa mga ito.

    alam mo bang gumawa ako ng review dati sa eheads — ang thesis ko nun: tula ang mga kanta ng eheads kahit gumagamit lang ng mga simpleng salita pero malalim ang mensahe. plano kong ipost uli pero di ko na naintindi at naipost.

    anyway, congrats uli sa maganda mong article na ito.🙂

    -gappi

  6. krguda says:

    uy gappi!

    maganda siguro yang artikulo mo. tama, ipost mo! tula rin ang basa ko sa lyrics ng mga kanta nila. katunayan, sa humanidades 1 teksbuk, kasama pa ata ang “huling el bimbo” sa mga pinag-aaralan bilang tula. (wala na atang humanidades na sabdyek sa UP ngayon).

    salamat sa pagbisita!

  7. Ito ang pinaka-ok na nabasa ko tungkol sa (konsyerto ng) E-heads. Tulad mo, ilang araw na ring tumutugtog ang musika nila sa mp3 player ko. At sa pagkakabasa ko nito, tuloy ulit ang musika…
    🙂 Galeng!.. gleng gleng gleng!..

  8. pinoybackpacker says:

    sa lahat ng nabasa kong blog tungkol sa eraserheads, ito ang pinaka-maganda, pinaka-may nilalaman, at pinak-nakamumulat.

    nanood ako ng concert at tulad ng marami, unang tipa palang ng kwerdas ng “alapaap,” nagsimula nang bumaha ng luha ang mata ko. nang ibuka ko ang bibig ko para sabayan ang “may ‘sang umaga na tayo’y magsasama” di ko na nagawang pigilan pa ang luha ko. tumulo talaga ang mga ito at hindi pinansin ang nasasabi ng mga tao sa reaksyon ko (kung may nasabi man sila dahil malamang wala namang tumitingin sakin ng mga sandaling yun).

    pareho tayong fan. pinakasumang-ayon ako sa sinabi mo na ang naganap na concert ay hindi lamang reunion ng eraserheads kundi reunion ng isang henerasyon. ang ganda. at totoo. nakakapanikip ng dibdib (no pun intended) alalahanin na habang kumakanta ang banda ay sumasabay ang mahigit sa dalawampung libong tao.

    hindi ako kasing-lalim ni krguder magisip pero nakukuha ko ang gusto niyang sabihin. siguro ay panahon na para bumitaw sa mga nangyari noong nakaraang sabado. tama siya: may krisis ang bansa na kailangang harapin, may mga bibig na dapat pakainin, may mga trabaho na dapat gawin (tulad ko, sa opisina ako nagsusulat ng komentaryo ko dito sa blog niya). panahon na siguro para bumalik tayo sa mga nangyayari sa paligid.

    mahirap at masakit para sa akin at sa nakararami na tapos na ang konsiyerto. hindi rin naman makatarungan kung ipepetisyon pa ang pagkakaroon ng “second reunion” dahil humihina na ang katawan ng mga miyembro. kaya lang kasi, napatunayan ng eraserheads na isa sila sa pinakamagagaling na musikero ng panahong ito. sila lang ang kombo na naka-awit ng “buhay” nating kabataang pilipino noong dekada nubenta. palagay ko kailangan din ng panahon para tuluyang bumitaw dito.

  9. krguda says:

    salamat, pinoybackpacker. salamat din sa pagbabahagi mo ng karanasan sa concert. sabi ng isang nakapanood din, noong unang linya ng alapaap nang kinakanta na ni ely, parang natahimik at natigagal ang mga tao. sa ikalawang linya, biglang sigawan at palakpakan na. nakakapangilabot daw.

  10. JPaul says:

    Nakita ko ang anunsiyo ng artikulong ito sa mga egroups. Parang naulinigan ako ng sanaysay mo. Gustung-gusto ko rin ang mga kanta ng Eheads. Binalak at nag-aya ng mga kaibigan at kaklaseng manood pero hindi kinaya dahil may kanya-kanya nang buhay. Pagbubuklurin ng reunion concert pero maghihiwalay din pagkatapos para harapin na ang mga pinagkakaabalahan.

    Hindi ko malilimutan ang linya ng ‘Minsan’ na ‘dahil ngayon, tayo ay nilimot ng kahapon’

  11. krguda says:

    Jpaul, tama — kahenerasyon nga kita. medyo nauna lang ako ng kaunti (isa o dalawang taon?). yung kantang “minsan” talaga dapat ang maging anthem ng reunion nila. pagpapaalam sa ating pagkabata.

    (Naipasok ko na pala correction sa typo sa unang komento mo. Salamat!)

  12. Chef Ogos says:

    Panahon ay sadyang nagbabago ng di natin namamalayan na tayo’y tangay na na kung saan tutungo ay di natin mauusal! Salamay mo sa pagbigay ng halaga sa panahon! minsan tayong naging “Bata” .. sa isip sa salit at sa gawa.. ngunit panahon nga lng tlga ang makakapagsabi kung kelan at hanggang saan.. “Ereaserheads” ay isang simbolo ng Panahon! habang pinagninilayan ko ang artikulong nito! di ko maitatanging ramdam ko ang iyong salita! unti-unti lumiliwanag ang malawak na kaisipan mula sa pagiging isang bata.. nakakatuwang isipin na may mga taong katulad mo na marunong makaramdan ng panahon! marapat lang siguro na ika’y pasalamatan sa isang magandang artikulo na iyong ibinahagi mula sa iyong matatas na pag-iisip! ayon nga kay john maxwell “yesterday ended last night!” no matter how badly I maY have failed in the past, “Its DONE:” & TODAY is a new day! Isang pagbati kapatid!

  13. Pusongbughaw says:

    Kahit kelan, hindi ko kinalimutan na fan ako ng eraserheads… kahit ngayong anim na ang anak ko. hindi ako nakanuod ng concert, dahil.. gipit sa budget at panahon. pero ibig ko silang mag concert uli. sana libre.

    salamat sa maganda mong article, dahil habang binabasa ko ito ay saka ko naalala ang mga panahon ko sa casaa, sunken, finearts, smpf, krus na ligas, at lahat ng gig na pinuntahan ko sila, lalo na sa dredd.

    fan ako ng eraseheads, forever…

    naninimdim…

  14. Rey says:

    Mahusay na mala-rebyu (sori, tol, di ko masabi na full review e) at, kagaya ng subject, isa ring 3-panyong nostalgia trip para sa ating mga nagkamalay at namulat sa dekada nobenta.

    Totoo din na nung panahong yun maraming tibak ang ayaw sa eheads at mas pili ang yano, dahil nga sa mas “makabuluhan” sa buhay-panlipunan ang mga kanta nito. At wari’y sinusugan ito ng palagay din ni krguda dahl sa panawagang wag na magkaroon ng pangalawang reunion concert dahil sa mga suliranin sa ating kapaligiran. Pero hindi ba babalik lamang ito sa argumento na para kanino at para saan ba ang sining, at sa pagkakataong ito, ang musika ng eraseheads? Dapat ba na ang sining o musika ay magsalita lamang para sa sosyalista-realistikong karanasan ng isang lipunan?

    Ewan lang pero siguro ang henyo ng musika ng eheads ay dahil sa kakayanan nitong katawanin ang agam-agam ng bawat isa sa ating nakikinig at nakinig sa kanila ang tao sa gitna ng alimbukay ng lipunan at katotohanan.

  15. chriz says:

    Hindi ako avid fan ng eraserheads, ang kalahati ng klase namin nuong kolehiyo, oo. Pero hanggang ngayon, dala pa rin sa gunita ko ang ala-ala ng panahong ipinakikita sa artikulong ito? At ang mga awit nila na malinaw pa sa aking isipan dahil hanggang ngayon, naririnig ko pa rin sa radyo at sa iba pang medium na pang-musika.

    Hindi rin ako nanood ng concert, kahit may libreng tiket. Ang coverage sa TV lang ang nakita ko, at aaminin ko, katulad ng sumulat ng artikulong ito, bumalik lahat sa akin ang ala-ala ng panahong wala akong pakialam sa takbo ng bukas.

    Masarap ang magbalik-tanaw. Masarap alalahanin ng mga masasayang karanasan na lumipas na, pero sana, maalala rin
    at matutunan ang mga aral nito.

    Para sa bagong bukas…

  16. krguda says:

    Salamat sa mga komento!

    Jake: hindi kailangang tumira sa Kalayaan para maka-relate. hehe.

    Chef ogos: hindi naman siguro mataas ang pag-iisip ko. may pagka-sentimental pa nga e. hehe. salamat sa pagbabasa!

    Pusongbughaw: talaga, nag-SMPF ka? anong batch ka? siguro mas matanda ka sa akin, hehe.

    Rey: di ko talaga planong magrebyu. sanaysay lang ito ukol sa eheads at sa panahon ko sa kolehiyo at na-trigger ang alaala dahil sa reunion concert. hindi ko naman sinasabing hindi sinasalamin ng mga kanta ng eheads ang realidad. actually, more than most bands, medyo realist ang moda nila, noong unang mga album laluna. pero palagay ko, naging may pagkaabstrakto na sa huli, at parang masyadong sineryoso nila sarili nila (peace tayo, eheads fans ha, tingin ko lang ito🙂 ) siguro gusto lang talaga nilang (to paraphrase a line from “Para sa masa”) piliting iahon ang panlasa ng masa.

    Chriz: hindi ka avid fan, kahit “zabala” ang apelyido mo? hehe. maganda ang sinabi mong matuto tayo sa aral ng karanasan.😉

  17. ayuz to..

    best example ng nangyare sa’min ng barkada ko.
    di kami avid fan, although naging part talaga ng barkada namin ang mga kanta ng eraserheads.

    sa palagay ko ako lang ang nakanuod (salamat sa free tickets), mahirap magyaya dahil sa kanya-kanya na nga buhay, habang ang iba ay nasa ibang bansa. nagkasya nalang sila sa kwento ko at sa mahabang blog na sinulat ko para lang sa kanila.

    muntik na kong d makapunta, dahil sa buong katapatan, naisip ko, makatarungan bang pakawalan ko ang P1,300 ko gayun d ko naman gusto sa patron kundi sa SVIP?

    pero since libre, masaya na rin ako at nagkasya na sa free patron tickets. aaminin ko nung humudyat na ang unang kanta..para akong dinala sa ibang dimension..sa panahon na ang mga priority namin ay ang mag-aral lang at tumambay mgkakasama kapag linggo. magkwentuhan hanggang lumampas na kami minsan sa curfew namin. makinig sa tapes nila hanggang sabihin ng nanay namin na ….

    “tama na please, kabisado ko na kanta ng eraserheads”

    iba ung pakiramdam. tanda ko napamura lang ako. di naman ako nagmumura. (unless natutuwa ako o d ko alam ang tamang salitang dapat sabihin)

    masaya na malungkot. may takot. dahil panu kung may masamang nangyare kay ely. ayoko ng ganun bad experience.

    ayoko na ng part two..kuntento na ako.
    pero kung may pagkakataong maipon ung buong barkada ko para manuod, cge pupunta ako.

    kahit pa magbayad ako ng P1,300. kahit pa sa patron ako (o gen admin) basta kasama silang lahat.

    MINSAN lang naman eh.

  18. malayong lugar says:

    Sa lahat ng sinabi mo ang pinaka sapul ako eh yung part na Rock n Roll neverland…ako man kahit matanda na (30 pa lang naman hehe) tila ayaw bumitaw sa pagkabata at mga panahon ng 90’s…tambay magdamag, inuman hanggang umaga, kwentuhang walang katapusan napalitan ng trabaho, uwe, trabaho, uwe….At kaya siguro ang sarap makinig at magkisama sa any kind of eheads reunion…kasi ang daming masasarap na alaala na ibinabalik….

  19. Ang ganda nito. Namiss ko ang UP nung nabasa ko to. Gusto ko lang rin sabihin na hindi nagOFW si shirley(sa pagkakaalam ko ha) pero ako oo. Umuwi ako ng bansa para panoorin ang eraserheads. Ganun ko sila kamahal. Yun lang. Uulitin ko lang, ang ganda ng pagkakasulat mo. Salamat

  20. krguda says:

    Jhoie, malayong lugar, apol at leo: nakakatuwa ang mga komento ninyo! siguro patunay na maganda at tatagal ang musika (laluna kapag pop music) kapag kahit matagal na panahon na itong sumikat, natatandaan ng mga tao kung kailan nila ito unang narinig, nasaan sila, o ano ang naramdaman nila noong una itong narinig.

    nagiging panandang bato ng ating personal na kasaysayan ang popular na musika.

  21. niyebe says:

    Hindi ako nakapanood ng konsyerto bago pa lang ako umalis ng bansa nalaman ko nang magkakaroon ng ganitong pagtitipon. Gusto kong manghinayang pero kung nanaisin kong ako’y makapanood malamang wala sana ako sa kinalalagyan ko ngayon. Tama kayo maraming bagay na kailangang ipagsaalang-alang. Nung dumating ang araw ng Augusto 30 ito na lang ang nasambit ko sa sarili ko “Malamang itong mga oras na ito ay nagsasaya na ang mga tao sa konsyerto ng Eheads”.

    Magandang araw at mabuhay ka krguda!

  22. celit says:

    napakaganda ng article mo…

    oo nga, in-analyze pa namin dati ng klase ko sa Hum ang kantang Huling El Bimbo… bakit wala nang Hum classes sa UP? anong nangyari?

    a basta, kakaiba kang magsulat. iilan lang ang binabasa kong writers sa Filipino, isa ka dun! maalala ko yung sinulat mo tungkol ke angel locsin… galing!

  23. krguda says:

    niyebe: ingat lagi sa kinalalagyan mo at salamat sa pagbabasa!

    staggering: hindi ko naman inihalintulad si ely kay lennon. parang kabaliktaran nga ang naging landas nila, bagamat landas ito ng parehong “pagtanda.” salamat sa komento!

    louise: oks. lagyan mo lang ng hyperlink, please. salamat!

    celit: di ko sigurado na wala nang humanidades ngayong panahon ng rgep. magandang masagot ng mga nasa UP pa… salamat sa papuri. medyo nakakatakot lang, dahil di hamak na mas marami sa aking mahusay magsulat sa filipino. palagay ko pa nga, mas magaling ako sa ingles kaysa sa filipino. hehe. pero salamat pa rin! yung kay angel locsin, ingles ko sinulat. hmm…kumusta na kaya siya? balikan natin minsan. hehe.

  24. winklet says:

    ang ganda ng mga sinabi mo…ako sa totoo lang, di ako masyadong fan ng e-heads nun,nung mga panahon ksing sikat sila batang bata pa ko, nasa elementary lang ako..
    pero naalala ko na kinakanta ko din nun yung “huling el bimbo” ksi sikat na sikat nman tlga yun nung time na yun..

    hanggang nagdalaga na ko, ni di ko nga matandaan kung kelan na disband ang e-heads..wala akong ideya,,wala akong pakialam sa mga nangyari sa kanila..

    hanggang eto nga dumating na ang reunion concert nila..
    biglang nag flashback sakin lahat..yung mga kanta nila na hindi ko alam na kabisado ko pa pla until now,khit musmos pa ako nung kinanta nila yun..

    isa pala akong fan…hehehehe!!! nakakatawa,,kung kelan wala ng e-heads saka pa ako nahumaling sa mga kanta nila..

    pakiramdam ko naging bata ulit ako, habang kumakanta ako ng “huling el bimbo” hayy..alapaap tlga..

    sayang,wala na sila..at sa tingin ko kahit ilang beses silang mag reunion, parang mhirap na ibalik yung dati..
    masyado ng maraming nangyari para balikan pa ang lahat..

    pero ok lang ksi yung mga kanta nila di mamamatay yun..
    yung mga simpleng kanta nila na talagang ang daming nkakarelate…
    tlagang alapaap!! haha…
    ang sarap balikan..
    natikman ko tlga ang langit dahil sa mga kanta nila..

    salama sa mgandang musika eraserheads..

  25. ySaI says:

    ako’y cebuana at isa ring ehead fan tulad nyo…pero akoy nahihirapang magsalita sa filipino…napaka-sensible ng iyong paggunita, mr. writer…hindi ko inaasahang meron pang mga nagsusulat ng blogs na ganito ka may laman…naging proud naman ako na naging parte ako ng henerasyon natin…keep up the good work(:

  26. krguda says:

    winklet — salamat sa mahabang komento/blog entry. hehe. may malawak na appeal nga ang “huling el bimbo.” kahit mga kakilala kong medyo may edad na (definitely, hindi 90s generation), nagugustuhan ito.

    ysal — okey lang naman ang tagalog mo. kahit ako, di naman native tagalog speaker dahil lumaki ako sa bikol.

    rebyuwer — naku, sayang. ang alam ko eheads fan ka rin e, at maraming maibabahagi hinggil sa mga panahon mong nakakadaupang-palad sila. isulat mo.😉

  27. Pingback: Ibon at Ibang Impluwensya « Kapirasong Kritika

  28. Pingback: » Minsan, Eraserheads Ang Darma’s Blog.

  29. krguda says:

    Postscript: Ipinapalabas sa mga sinehan ngayon ang reunion concert ng Eraserheads. Hindi ako nakatiis, pinanood ko. Maganda nga ang konsiyerto – ramdam ko ang enerhiya ng madla kahit na pinapanood lang sa sinehan. Nagtataka lang ako kung bakit inakala ng mga prodyuser na magagatasan pa ng kita ang konsiyerto sa pagpapalabas nito sa mga sinehan…

  30. Pusongbughaw says:

    A dream came true. Nag concert uli ang eraserheads at nakanuod ako ng libre!, of course with the help of Director Tikoy Aguiluz. At sa VIP pa! Ilove you eraserheads!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

  31. Pingback: Minsan, Eraserheads « *Piyesa*

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s