Human Rights, PW Editorials

Palayain si Atty. Remigio Saladero Jr.

Sa panahong itong hindi na kagulat-gulat ang ilegal na panloloob at pagnakaw sa bahay ng ordinaryong mga sibilyang pinagbibintangang kaaway ng Estado, nagulat pa rin kami sa Pinoy Weekly sa ginawa ng mga operatiba ng PNP (Philippine National Police) kay Atty. Remigio Saladero Jr., kolumnista ng Pinoy Weekly at beteranong abogadong pangkarapatang pantao nitong Oktubre 23.

Alas-4 ng hapon nang loobin ng pinaghihinalaang mga pulis (o militar kaya?) ang bahay ni Atty. Saladero sa Antipolo, Rizal. Hinalughog ang mga gamit, nawawala ang laptop at CPU ng kompiyuter niya. Hindi makontak ng mga kasamahan niya ang mga cellphone ni Atty. Saladero. Mag-a-alas-nuwebe na nang mabalitaan naming natagpuan na siya, nasa kamay nga ng PNP sa Kampo Vicente Lim sa Laguna. Kinabukasan, dinala siya sa Calapan, Mindoro Oriental para doon ipiit.

Ang kaso? Multiple murder at multiple frustrated murder na isinampa sa Regional Trial Court ng Calapan City. Ginawa raw niya ito dahil miyembro ng NPA (New People’s Army) si Atty. Saladero – isang akusasyong di namin malimi kung saan hinugot.

Maraming dahilan kung bakit napakalayo sa katotohanan. Unang una, sinisiguro ni Maricel Saladero, asawa niya, na hindi pa sila nakakatuntong ng Mindoro, at lalong hindi pa nakarating sa lugar sa panahong sinasabing pinamunuan ni Atty. Saladero ang panununog sa cellsite.

Pangalawa, hindi rebelde si Atty. Saladero. Alagad siya ng batas, kahit na sa maraming pagkakatao’y nagagalit siya tuwing ginagamit ng mga makapangyarihan at maimpluwensiya sa lipunan ang batas para sa sariling kapakanan.

Noong taong 2002 pa kolumnista ng Pinoy Weekly si Atty. Saladero, at linggu-linggo, walang patid niyang naisusumite sa pamamagitan ng fax at, nitong nakaraang dalawang taon, sa pamamagitan ng email, ang kanyang kolum na pinamagatang “Husgahan Natin.” Sa loob ng mahigit anim na taong pagiging kolumnista niya, mabibilang lang sa daliri ng isang kamay ang pagkakataong nahuli o lumiban sa pagsusumite si Atty. Saladero. Ganyang kapropesyunal siya. Paanong makakapagsumite siya ng kolum niya sa buong panahong ito kung abala siya sa pagiging rebelde sa kabundukan ng Mindoro o saanman?

Isa sa pinakapopular na bahagi ng pahayagan at website namin ang kolum ni Atty. Saladero. Sa hanay ng ordinaryong mga manggaggawa, nabalitaan naming masugid na inaabangan linggu-linggo ang kanyang mga kolum. Maraming unyon at organisasyon ng mga manggagawa ang nagpapaalam sa amin kung maaaring muling ilathala sa kanilang mga publikasyon ang kanyang mga sulatin. Nitong nakaraang mga buwan, dahil sa kahilingan ng mga manggagawa ay inihahanda na ang librong koleksiyon ng kanyang mga kolum. Ganyan kamahal at nirerespeto si Atty. Saladero.

Pero mas tanyag siya sa kanyang mga gawain sa labas ng Pinoy Weekly. Bukod sa pagiging punong konsultant pambatas ng Kilusang Mayo Uno, siya rin ang isa sa nangungunang mga abogado ng Pro-Labor Legal Assistance Center (Place) at National League of People’s Lawyers (NUPL). Noong panahon ng batas militar, miyembro si Atty. Saladero ng Free Legal Assistance Group (Flag), at isa sa mga tagadepenssa ng mga kliyenteng pinagkaitan ng kanilang mga karapatang pantao. Mapapatotoo ng mahihirap na mga kliyente niya na palaging pro-bono si Atty. Saladero.

Nitong taong 2006, naging tanyag si Atty. Saladero bilang isa sa lead lawyers na kumuwestiyon sa Presidential Decree No. 1017. Sa harap ng mismong Korte Suprema, dinurog niya ang bawat argumento ng gobyernong Arroyo para supilin ang karapatang pantao ng mga mamamayan kabilang ang karapatang malayang makapagpahayag at magtipon.

Sinumang nakakakakilala sa kanya ang makakapansin na walang ere si Atty. Saladero. Palibhasa’y sanay makisalamuha sa mga manggagawa, magsasaka at ordinaryong mga tao. Kung walang hearing, naka-t-shirt, maong, minsa’y nakatsinelas pa nga si Atty. Saladero. Hindi mo aakalaing minsan nang naging ika-16 siya sa mga kumuha ng bar exams. Hindi mo aakalaing maituturing isa siya sa pinakamahusay na eksperto sa batas sa karapatang pantao at paggawa sa bansa. Ikinararangal naming makasama siya sa Pinoy Weekly.

Hindi dapat ikinukulong ang mga tulad ni Atty. Saladero. Sa rekord ng gobyernong ito, tila pangkaraniwan na ang pagpipiit at paggamit ng brutal na mga pamamaraan para dukutin, takutin, minsa’y patayin ang mga nagsasalita laban dito. Bulok at bangkarote – at desperadong mangunyapit sa poder – ang isang rehimeng nagpapahirap at nagpipiit sa mga tulad niya. (KRG)

Standard

6 thoughts on “Palayain si Atty. Remigio Saladero Jr.

  1. Atty Remigio Saladero Jr.’s continued incarceration and illegal arrest bespeak of the inhumanity of the present administration. OFWs in Riyadh particulalry the Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS) are outraged of this human rights violation. We denounce this unlawful arrest and detention not only as an attack to the human rights workers but also to the exploited working class that this lawyer is fighting for. We condemn the practice of this inhuman conduct of arrest with looting and blatant practice of enforcing state terror.

    KGS joins all human rights workers and pro-labor and peace-loving workers in their call to free Atty Saladero.

    As one of the avid readers of Pinoy Weekly and Atty Saladero’s column, we are outraged and we will take on our beloved lawyer’s pen to continue to write and fight for the betterment of the human rights situation of our country.

    Husgahan na natin.

    Enough is enough. Down with Gloria Arroyo’s state terrorism!

    KGS-Riyadh
    Saudi Arabia

  2. Maricel Saladero says:

    October 29, 2008

    Tama napakahirap ng kalalagayan sa ating bayan, balot ng takot, sakal at inaalisan ng karapatan
    Pinipilit kong silipin ang nanlalabong ilaw sa aking isip
    Pinipilit kong gamitin ang lakas sa aking katawan upang mulit muli ay unawain ang paliwanag ng aking asawa.
    Na matatapos din ito, malalaman ng mundo ang tutuo
    pero kelan? at hanggang saan?
    Nakapiit na siya sa kulungan habang ako ay daig pa ang isang robot na walang pagtataguan.
    Para akong sine na pinanunuod at pinakikinggan.
    Para akong malaya sapagkat wala sa kulungan pero may mga mata at tengang laging ako ay nasusundan.
    Sabagay, ako ay isang pangkaraniwang tao lamang
    Kung abugado nga dinadakip kahit walang kasalanan, ako pa na isang simpleng kawani lamang….
    Sana bukas pagising ko, pagsikat ng araw
    Kapiling ko na ang aking si Remigio,
    Ang mahal ko sa buhay

  3. krguda says:

    Blagadag: Salamat sa suporta sa paglaban ni Atty. Saladero. Lalong mahalaga ito dahil nanggagaling ito sa hanay ng mga migranteng siyang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa ngayon.

    Maricel: Salamat sa pagbabasa. Sana makatulong na isiping marami ang nagmamahal at sumusuporta kay Atty. Meng. Gagawin namin ang lahat ng puwedeng gawin para makakalap ng suporta para sa pagpapalaya sa kanya. Hindi dapat ikinukulong ang mga tulad niya. Dapat ikinararangal!

  4. krguda says:

    Kevin,

    Maganda itong inisyatiba mo. Maraming salamat dito. May kailangan lang i-edit — technically, na-surface na si Atty. Saladero. Kaya ang panawagan natin, palayain siya. Mabuhay ka!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s