Culture

Optimismo ni FrancisM

francis_magalona

Inaamin ko, minemorya ko ang buong lyrics ng “Mga Kababayan” ni Francis Magalona noong first year high school. Bago ang tunog ng kanyang iyon sa pandinig ko noong 1990 (o 91?). Hindi lang dahil rap ito. Seryosong rap ito, o nagpapakaseryoso. Anu’t anuman, swak na swak sa pandinig ang tunog. Pero hindi masyado ang lyrics, dahil kailan ba “cool” maging makabayan? O tawagin ang kapwa na “kababayan”? O mabilib sa kulay ng balat natin?

Hindi ko alam kung bakit ko tinanggap ang kantang ito, pero mayroong kakaiba at nakakaakit dito noon. Hindi naman radikal, kakaiba lang. Sa kanyang karera sa musika, itinulak ni FrancisM ang isang uri ng pagkamakabayan na masasabing “safe”, dahil abstrakto sa pagtataguyod ng pagka-Pilipino. May pagka-“United Colors of Benetton” din ang mensahe niya ng pagkakaisa sa mga kantang “Kaleidoscope World” at “Mga Kababayan” — isang panawagan sa pagkakapit-bisig at pagkakaisa, rekonsilyasyon at kapayapaan na kahanga-hanga pero alam naman nating “naive“.

Gayunman, positibo pa rin. Matapos buksan ni FrancisM ang pinto ng FM at OPM sa Pinoy na brand ng rap, samu’t saring bersiyon nito ang nagsipasukan. Nauna nang sumalakay sa kamalayan natin ang serye ng mga “dirty rap” ni Andrew E, gayundin ang mga patawang rap ng mga tulad ni Lady Diane (“Sa-sasadami ng problema natin…”) at, siyempre, ni Michael V. Nitong nakaraang mga taon, muling nabibigyan ng puwang ang mga Pinoy na rapper. Pero karamihan ng nakakalusot sa ere sa radyo ay iyong rap na milya ang layo sa ginawa ni FrancisM. Karamiha’y rap na love song — tungkol sa sawing pag-ibig (Bakit kaya sikat ang emosyong ito — sawing pag-ibig — sa mga maralita? Ganito rin kasi ang kadalasang tema ng mga kantang emo) na may korong kinakanta ng babaing may matinis na boses. Kadalasa’y lumang pop song hinggil sa pag-ibig (i.e. Evergreen ni Barbra Streisand, na ginamit sa koro ng Stupid Love ng Salbakuta). Bago sa pandinig, sa una. Pero kapag paulit-ulit, nakakasawa na.

Patunay lamang, tingin ko ng penomenon ng patawa at may temang pag-ibig na rap na hindi na-gets ng mga tao ang ginawa ni Francis M sa “Mga Kababayan”: sineryoso niya ang sarili niya bilang musikero. Sineryoso niya ang rap. Natuwa ang mga tulad ko noon sa kanta dahil bago sa pandinig, at siyempre, pinauulit-ulit sa radyo (may kakayahan ang radyo na gawing kaakit-akit ang isang musika sa pamamagitan ng pagpapatugtog nito bawat oras). Pero tila niyakap niya ang responsabilidad ng pag-angat ng kamalayan ng tagapakinig, kahit na para mahimok lang siya na mahalin ang isang abstraktong ideya ng Pilipinas.

Para sa akin, kahanga-hanga na ito. Pinatunayan ni FrancisM na totoo siya sa hangaring ito, sa pamamagitan ng mga kanta niya ilang dekada matapos ang penomenon ng “Mga Kababayan.” Pinatunayan ito ng kanyang shirt line na “three stars and a sun.” Pinatunayan ito ng pamimili niyang makihalubilo sa mga batang rapper, at pagsama sa Eat Bulaga na sikat sa masa.

Noong kolehiyo, may kakilala akong idolong idolo si FrancisM. Nino ang pangalan niya (Nino, kung nababasa mo ito, magparamdam ka!). Rapper si Nino sa org namin, bukod pa sa mahilig magmadyik. Asar kami sa kanya noon dahil pinupuno niya ang logbook ng org namin ng mga lyrics ng kanta ni FrancisM. Naisip ko ngayon si Nino. Marahil, abstrakto rin kay Nino ang konsepto ng pagiging makabayan. Mas pinahahalagahan niya ang pagkamakabayan ni FrancisM kaysa ng iba pang musikerong paborito namin noon na itinuturing naming makabayan. Naisip ko siya ngayon, at nanghihinayang. Makabayan din si FrancisM. Kahit na abstrakto ang ideya ng ating bansa, kahit hindi niya marahil lubos na naiintindihan ang pagiging Pilipino, kahit hindi siya malay sa buong spectrum ng karanasan ng sambayanang Pilipino, mahal niya ito.

Noong araw na mabalitang patay na si Francis Magalona, niyaya ko si Joms na mag-videoke. Siyempre, di naiwasan naming magpugay sa nasawing “Man from Manila” — ang kantang “”Cold Summer Nights” at Kaleidoscope World”, na may linyang maaaring kumatawan sa legacy niya sa atin, ekspresyon ng kalituhan at kaliwanagan, pagkalungkot at pag-asa:

Some are great and some are few
Others lie while some tell the truth


Some are hurt and start to cry
Don’t ask me how don’t ask me why
Some are friends and some are foes
Some have some while some have most.”

Larawan mula sa http://happybattle.multiply.com/

Standard

2 thoughts on “Optimismo ni FrancisM

  1. paalam n s u idol ko….. @ mraming slmat dhil nging parte k ng buhay nming mga pilipino,taas nuo nming iccgaw n kmi ay PILIPINO………….

  2. Pingback: Nandito na si Kiko « Kapirasong Kritika

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s