Human Rights, PW Editorials

Panahon na para maningil ng utang na dugo

justice-for-rebelyn1

Tinatanong pa ba kung sino ang unang dapat imbestigahang suspek sa pagdukot, pagtortyur, paggahasa at pagpatay sa 20-taong-gulang na si Rebelyn Pitao?

Hindi ito ang una, at sigurado’y hindi ito ang magiging huling kaso ng karumaldumal na krimen laban sa isang walang kalaban-labang sibilyan. Alam iyan ng sinumang sumubaybay sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa sa huling walong taon. Kaya naman hindi natin magagawang paniwalaan na magugulat pa si Maj. Randolph Cabangbang na tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na sinususpetsahan ng ordinaryong mga mamamayan sa Davao ang militar na siyang may kagagawan sa sinapit ni Rebelyn.

“Ipinag-aalala namin ito. At nababagabag kami,” sabi ni Cabangbang. Pero ano pa ba ang dapat ikagulat? Bakit ngayon lang mababagabag? Halos isanlibong aktibista at sibilyan na ang napapaslang. Halos dalawandaan naman ang nadukot, walang nakakaalam o umaaming nakakaalam sa kanilang kinahinatnan. Mayorya sa mga kasong ito, may malakas na patunay na mga elemento ng Armed Forces ni Cabangbang ang may pakana. At ngayon lang siya mag-aalala? Ngayon lang siya magpapaimbestiga?

Kaya naman hindi natin maaaring paniwalaan na lamang na lalabas pa ang katotohanan sa mga tulad ni Cabangbang. Hinding hindi niya ipagkakanulo ang sariling organisasyon na sa maraming pagkakatao’y napatunayang nagpapatupad ng organisadong kampanya para likidahin ang mga aktibista sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Wala pang ebidensiya na napangibabawan na ng militar ang tinawag ni UN Special Rapporteur Prop. Philip Alston na “state of denial” sa pagkakasangkot nito sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Katunayan, kabaligtaran pa nga ang nagaganap – patuloy na kinakanlong ng Punong Ehekutibo ang ilan sa itinuturong nangungunang lider-militar sa implementasyon ng mga pamamaslang at pagdukot: si Jovito Palparan, na sa kabila ng madugong rekord ay palaging pinaghahanapan ng puwesto sa sibilyang burukrasya; si Hermogenes Esperon, na – sa isang hakbang na mistulang pangungutya sa lahat ng biktima ng giyera kontra insurhensiya – tinalaga pa bilang tagapayo ng Pangulo sa prosesong pangkapayapaan; at si Delfin Bangit, ang “emperador” ng mga maninitktik ng militar na isa sa itinuturong nasa likod sa pagtago sa dinukot na aktibistang si Jonas Burgos, at sa diumano’y lider-rebelde na si Leo Velasco.

Pinaslang si Rebelyn, tiyak, dahil anak siya ni Leoncio “Kumander Parago” Pitao na lider ng New People’s Army sa Timog Mindanao na matagal nang pinanggigigilang mahuli ng AFP. Magmula nang mahuli ng yunit ng NPA na pinamumunuan ni Kumander Parago si Gen. Victor Obillo at si Capt. Eduardo Montealto noong Pebrero 1999, sunud-sunod nang kahihiyan ang natamo ng AFP. Nahuli ng militar si Parago noong Nobyembre 1999, ngunit kalauna’y napalaya sa korte. Sa loob ng halos isang dekada, pinalakas ni Parago ang NPA. Walang taong lumampas na hindi nakapaglunsad si Parago ng matagumpay na aksiyong militar laban sa AFP.

Noong Disyembre 2008, ipinagmalaki ni Maj. Gen. Jogy Leo Fojas ng 10th Infantry Division ng Army na “lumiliit ang espasyong” kinikilusan ni Parago – malapit na umano siyang mahuli ng mga yunit ng AFP doon. Kampante masyado si Fojas na mahuhuli si Parago; nagtakda pa siya ng dedlayn sa katapusan ng taon para mahuli ang kumander. Di na kailangang sabihing muling nabigo ang militar sa pangakong ito.

Kahihiyan ng militar ang nakataya sa mga operasyong militar laban kay Parago at sa NPA sa Timog Mindanao – kahihiyang malamang na nagtulak sa kanilang tugisin ang mga kaanak ng kumander para mahikayat si Parago na kusang sumuko. Noong Hunyo 2008, pinagbabaril ng armadong kalalakihan sa Tagum City si Danilo Pitao, kapatid ni Parago na nagtatrabaho bilang empleyado ng provincial capitol sa Davao del Norte. Nabalita ring namuntikan nang mapuruhan si Ryan Pitao, anak ni Parago, noong nakaraang taon. Isiniwalat din ni Rio Pitao, isa pang anak na babae ng kumander, na pansin niya ang pagmamanman sa kanya ng misteryosong kalalakihan.

Matagal nang nanganganib ang mga kaanak ni Parago sa AFP na gigil sa dugo ng kumander. Kung kaya kung mayroon mang unang iimbestigahan bilang suspek sa karumaldumal na krimeng ginawa kay Rebelyn, tiyak na militar dapat ito. Nakakagalit ang pagmamaang-maangan ni Cabangbang dahil ginagawa niya tayong tanga na walang sariling pag-iisip, walang kakayahang makonekta ang mga bagay-bagay at maiturol ito sa kanyang kinabibilangang pasistang organisasyon.

Pero may sariling isip ang taumbayan. May sarili rin itong kapasyahang igiit ang katarungan.

(Editoryal na sinulat ko sa isyu ngayong linggo ng Pinoy Weekly)

Standard

5 thoughts on “Panahon na para maningil ng utang na dugo

  1. kapirasongkritika says:

    Dahil hindi mahuli ang dapat hulihin, pinagdidiskitahan ang mga walang kalaban-laban. Hindi patas lumaban, marumi.

  2. krguda says:

    Teo, tama. Maruming marumi. Lamang na nga sila sa kalaban nila, nandadamay pa ng hindi kasama sa labanan (patunay ba ito na wala namang hindi kalahok sa digmaan?). Salamat sa pagkomento.

  3. Karen says:

    “Lamang na nga sila sa kalaban nila, nandadamay pa ng hindi kasama sa labanan (patunay ba ito na wala namang hindi kalahok sa digmaan?)”

    O pwede ring patunay na natatalo sila sa labanan. Di ba ganun yun? Ang natatalo ay napipikon?

  4. Pingback: Ulat sa mga Anak ng Hinaharap « Kapirasong Kritika

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s