Etc., Human Rights, PW Editorials

Kahit manghina ang isa, magpapatuloy ang laksa-laksa

UMATRAS na sa laban ang biktima ng gahasa na si Nicole. Sinukuan na niya ang sistema ng hustisya at nagkasya na lamang sa areglong magbibigay sa kanya ng “bagong buhay” sa bansang dati nang nagtaksil sa kanyang tiwala: ang Estados Unidos.

Tulad ng nasabi ng mga grupong pangkababaihan, hindi natin masisisi si Nicole. Hindi natin siya masisising sinukuan na niya ang prosesong legal na inasahan sana niyang magbibigay sa kanya ng hustisya. Hindi natin siya masisising tanggapin ang anumang posibleng alok ng gobyernong US, lalupa’t nitong nakaraang mga linggo’y lalong lumilinaw sa kanya na hindi isusuko ng Kano ang maysalang si Daniel Smith. Hindi natin siya masisising mas gustuhin na lamang niyang lisanin ang bansa. Hindi natin siya masisisi.

Pero hindi rin maaaring paniwalaang walang katotohanan ang paggahasa kay Nicole. Saksi ang Pinoy Weekly sa mga pagdinig ng kaso sa korte ng Makati City. Saksi ito sa diretso at minsan pa nga’y madamdaming pagsasalaysay sa mga kaganapan ng mga saksi at mismong ni Nicole. Saksi ito sa minsang outburst ng galit ni Nicole kay Smith, nang magwala siya sa korte – ang kanyang mga hiyaw, punyal na tumusok sa ating mga kamalayan. Walang pagdududang nagmula sa pinakamadilim na sulok ng kanyang alaala – at alaala ng mga saksi – ang karumaldumal na mga detalye: Nakipagkita, nilasing, binitbit na “parang baboy,” isinakay, pinatungan, hinubaran (habang pinalakpakan), itinapon. Totoo ang kuwento, totoo ang karahasan. Sa lahat ng aspekto ito napatunayan.

Ginahasa si Nicole ni Smith, at ng tatlo pang sundalong Kano. Hindi inaasahan ng mga sundalong ito na papalag pa ang isang Pilipina, ang isang sa mata nila’y “puta.” Pero sa kabila ng lahat, sa kabila ng mga udyok na huwag nang umangal at makipag-ayos na lamang, lumaban si Nicole at ang kanyang pamilya. Bumuhos ang kondenasyon sa mga lansangan – ng Subic, ng Makati, ng Roxas Boulevard, ng Mendiola. Itinaya ng kababaihan at kalalakihang nagprotesta ang kanilang mga sarili, ininda ang mga bigwas ng mga pulis, para sa hustisya at laban sa kasunduang militar na nagdala ng karahasan ng armadong Kano sa bansa.

Napatunayan at patuloy na napapatunayan ang mga katotohanang ito.

Hindi natin masisisi si Nicole. Pero hindi lamang siya ang biktima noong madaling araw na iyon ng Nobyembre 2005. Hindi siya nag-iisang pinagsasamantalahan at dinadahas: laksa-laksa ang mga mamamayang kapwa niya biktima, ng samu’t saring karahasan at pagsasamantala. Silang mga pinagkakaitan ng kabuhayan, ng disenteng trabaho, ng boses, ng karapatan – kaisa sila sa pagpupunyagi ni Nicole para sa katarungan.

Isinuko na ni Nicole ang sariling laban. Ipagpatuloy nating kapwa niya biktima ang laban ng bayan.

http://pinoyweekly.org/cms/2009/03/kahit-manghina-ang-isa-magpapatuloy-ang-laksalaksa

Standard

2 thoughts on “Kahit manghina ang isa, magpapatuloy ang laksa-laksa

  1. Ina Leyos says:

    SUSME! Gumising ka nga. At naniniwala ka pang ginahasa talaga siya. Napakadali naman yata niyang sumuko. O baka naman nakonsensuya! nasusuka ako sa kanya. Kawawa naman yun nakakulong eh wala naman palang kasalanan.

    At sa mga katulad mo….ano pa ang itutuloy mo kung ang nagdemanda ay may pagaalinlangan na din?

    Kung….at eto ay kung….tunay man na nabayaran siya o nasuhulan, mas masahol pa iyon! Ang sakit pakinggan na sinungaling na nabibili pa! Pwe….

    • krguda says:

      Susme nga. Alam mo kung ano ang mas madali kaysa sa pagsuko? Ang paghusga.

      Nabiktima ka na ba? Naholdap? Nagulpi? Tinakot o napagbantaan? Ano ang ginawa mo? Nagsumbong ka ba sa pulis o sa tanod sa barangay n’yo? Naisip mo bang baka wala namang magagawa ang pagsumbong, dahil inutil naman ang pulis o tanod?

      Ngayon, isipin mong ang nangholdap, nambugbog, nanakot, o nagbanta, ay isang napaka-makapangyarihang tao. Katunayan bahagi siya ng pinaka-makapangyarihang armadong puwersa sa buong mundo. Ano ang gagawin mo?

      Sana sa hinaharap, hindi ka makaranas ng dinanas ng biktimang ito nitong huling tatlong taon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s