Etc.

VJ

vj_rubio

Nakikinig ako ngayon sa kanta ni Rickie Lee Jones, pinamagatang Horses. At naalala ko, gusto kong marinig ito sa isang napakahalagang kaganapan sa buhay ko. Napakahalagang bagay na sa ngayon, hindi ko pa agad masasabi kung ano. Hindi ko alam, pero pansamantalang natigil ang pagpaplano namin, parang hindi muli napag-uusapan. Baka kasi isasama dapat sana namin sa plano si VJ Rubio. Siya ang punong abala sa isang bahagi ng programa.

Pero noong Marso 23, pinaslang si VJ ng mga di-kilalang lalaki, sa isang masukal na bahagi ng San Mateo, Rizal. Si VJ, na manunulat, kuwentista, matagal na naging patnugot ng Kule. Si VJ na binansagan naming “Sto. Niño” dahil noong bata pa siya, nang magsalita siya, akala ng nanay niya, nagsasalita ang Sto. Niño. Si VJ na maangas pero mabait, maraming “hyperreal” na mga kuwento, sabi nga ni K. Si VJ na masayahin, pero malungkutin din. Mahilig magpasakay sa kanyang kotse. Masipag, sobrang sipag, tatlu-tatlong trabaho/raket pinagsasabay-sabay, nakakapag-gimik pa. May mga mas malalapit kay VJ sa amin, pero ganun talaga siguro sa kanya, aakalain mo close na kayo dahil alam mo ang maraming kuwento sa buhay niya. Bukas naman kasi siya. Na-excite daw siya sa plano namin. Kinikilig. Ngayon, sa pagkamatay niya, parang masakit balikan ang plano. Paano pa kaya iyong mas malalapit sa kanya, ano ang pakiramdam nila sa mga iniwan niyang relasyon, pagkakaibigan, plano, pangarap?

Mahirap intindihin, napakahirap tanggapin. Pinatay sa isang masukal na bahagi ng San Mateo. Madaling araw. Maraming tinitingnang anggulo, pero wala pa ring kalinawan hanggang ngayon, sa pagkakaalam ko. Nagngangalit ang damdamin ko tuwing naaalala ko. Hindi lang pagkawala, galit pa. Nakakabuwang na galit, sa nangyari sa kanya. Malungkot daw si VJ noong mga panahong iyon. Baka may mga nakipagkaibigan. Masyadong mapagtiwala si VJ. At bakit naman hindi. Marami kasi sa atin, kasama na siguro ako doon, masyado nang jaded sa buhay. Ilang beses nang niloko, nilapastangan, tinarantado, para magtiwala pa. Pero hindi si VJ. Sa pagkakaalam ko, maraming beses na rin siyang nagago, nalapastangan, nagamit, pero mapagtiwala pa rin siya. Optimistiko pa rin, sa sarili, sa buhay, laluna sa iba. Tapos ganito. Pagsasamantalahan ang pagkamatiwalain ng dalawang taong may maitim na plano sa kanya, sa kanyang munting ari-arian na nasa kanya noong panahong iyon.

Napakahirap intindihin. At hindi pa ako ang pinaka-nawalan. Nakakapanghinayang, siyempre. Mahusay si VJ magsulat. As in, espontanyo, stream-of-consciousness, mabilis. Parang ordinaryong bagay ang pagluluwal ng sulatin. Sa mga hinahangaan kong manunulat, ito ang isa sa hinahanap kong katangian. Napakarami kasing maraming hangups sa pagsusulat. Nahihirapan, nara-writer’s block, hindi makapagsulat. Pero si VJ, kahit nahihirapan, may disiplinang harapin ang kompiyuter para magsulat…nang magsulat. Nakita ko sa kanya iyan sa Kule. Malamang, napagpatuloy niya ito – sa dami ba naman ng publikasyong ine-edit at pinagsusulatan niya. Prolipiko siya, kayang pagsabaysabayin ang mga raket, sulatin, at iba pang pinagkakakitaan at pinagkakaabalahan. Nakakabilib, dahil hindi ko kaya ang pace niya.

Nakakapanghinayang, kasi napakarami niyang plano. Sabi ng mga malapit sa kanya, marami siyang pinlano, matapos ang isang personal na krisis na dinaanan noong nakaraang taon lang. Gusto niyang bumalik sa pagsusulat ng kuwento, gusto niyang maglabas ng libro, gusto niyang magturo. Pinagsabay-sabay pa niya ang aplikasyon sa pagtuturo sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan. Tinatapos pa niya ang masteral niya. Bibong bata si VJ Sto. Niño.

May puso si VJ para sa masa, tiyak ko iyang masasabi. Progresibo siyang mag-isip. Minsan, nakabangga niya ang isang anak ng publisher ng isa sa mga pinamamatnugutan niyang magasin dahil tinanggal ang ilang mga artikulong “maka-aktibista.” Nagbitiw siya agad sa magasing iyon. Prinsipyado siya. Namamatnugot din siya sa isang lingguhang pahayagan na pagmamay-ari ng isang relihiyosong lider. Nang magsumite sa kanya ng isang artikulong maka-Malakanyang ang isang manunulat na alam naman niyang aktibista (para lamang malathala, dahil maka-Malakanyang din ang publisher), tinanggihan niya ang paglalathala nito. At nagsumbong sa akin. Minsan, itinutulak niya ang mga artikulong tumatalakay sa mga pampulitikang pamamaslang sa nasabing diyaryo, sinabihan siya ng isa pang editor na hindi dapat ilabas ang mga artikulong iyon dahil “sang-ayon naman (ang publisher)” sa pampulitikang pamamaslang. Galit na galit si VJ na nagsumbong.

Hindi naman nawala ang kontradiksiyon ng personal at pulitikal kay VJ. Katulad naman niya ang marami sa atin, kasama na siyempre ako. Sa pagkakaalala ko, sa maraming artikulo at kolum niya sa Kule, nagsisimula siya sa personal na anekdota o kuwento bago talakayin ang isang panlipunang isyu. Noon, parang naaasiwa ako sa ganoon. Pero ngayon, binalikan ko ang mga sulatin niya. Matalas at madamdamin. Epektibo. Alam niyang kilala niya ang sarili niya higit sa lahat. Madali niyang naiuugnay ang sarili sa lipunan at mga suliranin nito. Minsan, sa isang kolum, kinuwento niya na gusto niyang magpakasal sa rooftop ng Vinzons Hall, sa ibabaw mismo ng opisina ng Kule. Dinetalye niya ang plano niya – sino ang tutugtog, ano ang magiging programa. At sino ang magke-cater. Doon na niya naipasok si Aling Lina, ang kilalang tindera ng pagkain na malapit sa Vinzons na gustong palayasin sa kampus ng administrasyon ng UP. Galit na galit siya sa administrasyon, sa pagbabalewala sa mga karapatan ng mga tulad ni Aling Lina. Personal sa kanya ang pagpapalayas sa mga tulad ni Aling Lina dahil may personal na kahulugan sa kanya ang tao. Ganoon siya mag-isip. Matalas at madamdamin. Epektibo.

Nakakagalit ang nangyari sa kanya. Gusto kong pagsigawan sa mundo na sana makamit ng pamilya niya ang hustisya sa pagpaslang sa kanya. Lalong nandidilim ang paningin ko sa mundo, lalong nagiging pesimistiko, nawawalan ng tiwala sa iba. Nangingibabaw ang galit. Pero naaalala ko si VJ. Ang pagiging bukas, mapagtiwala, at optimistiko niya. Ang pagiging masiyahin. Ang puso niya. Puwede pa rin namang magalit at sumigaw para sa hustisya. Pero hinding hindi na ako mawawalan ng tiwala sa mundo at sa tao.

Standard

8 thoughts on “VJ

  1. iris says:

    tama ka, kenneth. andami nating cynical. pero si vj, bukas pa rin sa lahat, sa kahit sino. at inabuso pa ito. sana talaga umusad na ang kaso.

  2. Pingback: May BookSale pa sa Iyong Buhay « Kapirasong Kritika

  3. krguda says:

    Salamat, Isa, Iris, Edgar at Adarna. Ibig sabihin ba nito, Adarna, ikaw na ang kakanta? Hehe. Salamat din, Teo, sa link mo.

  4. He will always be remembered..masaya akong mabasa ang parangal niyo po para kay sir vince. Propesor ko siya sa La Salle College Antipolo, at nakakatuwang isipin na iisa lang ang mukha na ipinapakita niya sa ating lahat, masayahing tao, simple, palaban ngunit me mga pagkakataong malungkutin.

    Tama ka sa sinabi mong sa tingin mo ay malapit na kayong magkaibigan dahil parang alam mo na ang buong buhay niya dahil nga nakekwento niya sa inyo.

    mamimis namin yung pagsabay ko at ng isang kaklase sa kanyang sasakyan papuntang eastwood, isang buwan bago siya pumanaw.. iba siya, isang espesyal na tao na mahilig magmahal pero mukhang madalas nga ay sinasaktan lang siya..mahal namin siya at hindi namin siya makakalimutan!

    kaya sana mabigyang hustisya ang kanyang pagkamatay!

  5. Lyds78 says:

    Naging kaklase ko pa si VJ sa UP, naging staff kami nung yearbook para dun sa batch namin.

    Tagal kong nawala sa sirkulasyon kaya sobrang nabigla din ako sa balitang ito.

    Paalam VJ, buhay ka sa bawat isa sa amin

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s