Culture, Etc., Human Rights

Mamamahayag, mulat

Isa sa mga kuha ni Christian Poveda, palagay ko sa El Salvador. Mahusay at matalas (sa nilalaman) ang mga kuha niya. (Mula sa http://www.agencevu.com/photographers/photographer.php?id=70)

Isa sa mga kuha ni Christian Poveda, palagay ko sa El Salvador. Mahusay at matalas (sa nilalaman) ang mga kuha niya. (Mula sa Agence Vu)

Sa internet, natisod ko ang isang balita hinggil sa pagpatay noong nakaraang linggo sa isang French-Spanish na litratista at filmmaker, si Christian Poveda. Binasa ko ang ilang artikulo sa internet hinggil sa kanya. Nakakalungkot ang pagkamatay niya. Ang ganda ng trailer ng kanyang pinakabagong dokumentaryo, La Vida Loca (huwag ipagkamali sa pelikula ni Robin Padilla, o lalu sa kanta ni Ricky Martin). Hinggil sa mga gang sa San Salvador, El Salvador ang pelikula niya.

Mukhang sinubaybayan niya sa loob ng 16 buwan ang magkakalaban na mga gang sa lugar na iyon.  Sa isang panayam kay Poveda ng LA Times (panoorin ang bidyo rito, may mga larawan din niya sa Flickr), sinabi niyang maisisisi sa interbensiyon ng gobyernong US noong dekada ’80 ang paglaganap ng mga gang doon ngayon. Kung tama ang kuha ko sa sinabi niya, mukhang pinalaya ang marami sa mga kriminal ng US at napadpad sa San Salvador matapos magkaroon ng peace accord sa pagitan ng mga rebelde at rehimeng suportado ng gobyernong US. Simpatetiko si Poveda sa kabataang nasasangkot sa mga gang, at ipinakita niya ang kultura ng karahasang lumalamon sa kanilang maralitang mga kabataan ng San Salvador na tila kinalimutan na ng mga nagdaan at kasalukuyang gobyerno roon.

Sabi rin sa mga sulatin sa internet, litratista si Poveda na bumabad sa El Salvador noong dekada ’80 para ikober ang giyerang sibil doon, at ang malawakang panunupil sa kalayaang sibil ng mga mamamayan sa bansang iyon. (Tunghayan ang ilan sa mga larawan niya rito.) Sa El Salvador sumikat ang terminong “desaparecidos” na tumutukoy sa mga taong nadudukot ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado (karamiha’y dahil sa pampulitikang paninindigan nila) at hindi na nalalaman kung saan napunta. Ayon kay William Stanley, sa librong The Protection Racket State (1996), may naitalang 42,171 pampulitikang pamamaslang ng estado sa mga sibilyan at binabansagang kritiko nito, sa loob lamang ng anim-na-taong peak ng pasistang rehimen doon mula 1978 hanggang 1983. (“Mani-mani” pa lang pala ang mahigit 1,000 pampulitikang pamamaslang na isinagawa ng mga ahente diumano ng gobyernong Arroyo sa loob ng walong taon. Pero pareho pa rin pasista.) Aabot daw sa isang porsiyento ng populasyon ng El Salvador ang nasawi sa pasistang atake ng estado roon sa panahong ito.

Madaling makuha ang punto ni Poveda hinggil sa sadyang pagpapalaganap ng dekadente at anti-sosyal na kultura sa kabataan sa isang lugar na matindi ang panunupil. Sa lipunang may matinding kawalan ng oportunidad na makaahon sa kahirapan, naghahanap ang kabataan ng kahulugan at pangkat na mapag-aalayan nila ng enerhiya at talino. Sa mga lugar na walang progresibong kilusang gigiya sa kanilang enerhiya para sa makabuluhang panlipunang pagbabago, maaaring lumalakas ang kultura ng gangsterismo. Estado lamang ang lumalakas sa dekadente at mapangwasak na kulturang ito, kaya hinahayaan lamang nila ang paglaganap nito. Panoorin, halimbawa, ang City of God nina Fernando Mereilles at Katie Lund noong 2002, hinggil sa kulturang ganito rin sa Brazil. Sa Pilipinas, magandang mapanood ang Batch ’81 ni Mike de Leon (1982) (Maaaring mapanood ang pelikula sa YouTube), bagamat mas tungkol ito sa mga fraternity sa hanay ng kabataang petiburges (kalalakihang estudyante ng isang malaking unibersidad ang mga karakter sa pelikula). Nandiyan din ang pelikula ni Jim Libiran noong 2007 (panoorin ang trailer dito). Maganda ring panoorin ang progresibong silip ng Sine Patriyotiko (Sipat) sa mga tribu-tribu sa Caloocan noong 2004, ang Mula sa Third Ave Hanggang Dulo (basahin ang “pagpapakilala” ni Roland Tolentino sa dokumentaryo). Hindi dokumentaryo ang Tribu, at nagkamal ng maraming papuri at award (Kahit rin pala ang Mula sa Third Ave ng Sipat, nagawaran ng CCP). Maganda ang pagkakagawa nito, pero ang problema ko lang sa Tribu ay parang nabitin ito sa simpleng pagkukuwento ng espisipikong naratibo ng bangayan sa pagitan ng dalawang tribu. Marahas siyempre ang bangayan, pero ang dating sa akin, parang sinasabi nito na ang problema lang sa mga tribu ay kawalan ng gabay ng mga magulang sa pariwang mga anak nila na nalululong sa droga,  seks, hiphop, barkada,  tribu. Tulad nga ng sinabi ni Poveda, hindi ganun kasimple iyun.

* * *

Si James Woods bilang litratistang "namulat" sa matinding panunupil ng estado, sa pelikulang "Salvador."

Si James Woods bilang litratistang "namulat" sa matinding panunupil ng estado, sa pelikulang "Salvador."

Katulad ni Poveda na photojournalist ang Amerikanong karakter ni James Woods na Richard Boyle sa pelikulang Salvador ni Oliver Stone noong 1986 (Mapapanood din sa YouTube). Kahit na may pagka-Hollywood ang pacing at kuwento ng pelikulang ito (parang andami-daming nangyayari sa iisang karakter), kapani-paniwala ang unti-unting debelopment sa karakter ni Woods habang lumalala ang pampulitikang sitwasyon at panunupil sa El Salvador noong 1979. Nasaksihan niya ang — at nabago siya ng — malawakang paglabag sa karapatang pantao, pati na ang pagpatay kay Arsobispo Oscar Romero at paggahasa at pagpaslang sa apat na Amerikanong madre na tumutulong sa mga biktima din ng represyon ng estado. Nahikayat ang karakter ni Woods tungo sa pagkamuhi sa estado sa El Salvador at pagpanig pa nga sa mga nakikipaglaban para sa hustisya sosyal tulad ng mga rebolusyonaryong gerilya ng FMLN. Siguro marami pang ibang mamamahayag ang tulad ni Boyle (na isa palang tunay na tao) at Poveda na ganoon din ang naging transpormasyon habang nagkokober sila sa El Salvador noong panahong iyon.

[Salamat sa Google, natanto ko ring naging kandidato sa isang posisyon sa gobyerno sa US (sa pagbasa sa website, parang di malinaw sa akin kung anong posisyon) iyung Boyle na karakter ni Woods. Di ko alam kung nanalo siya. Pero kasabay niyang tumakbo ang isang Eufracia “Percy” Boyle, na ayon sa website na ito ay isang Pilipina na lumikas sa kanyang bayan sa Samar dahil sa pasistang diktadura ni Marcos:

In my native homeland, the Philippines, I knew dear friends that Ferdinand Marcos’ death squads dragged off in the night. Civil rights workers, labor leaders, even priests and nuns, all who opposed his cruel dictatorship were tortured and horribly mutilated. I fled my southern Samar village at age 13 and went north to go to school…

Maliit lang talaga ang mundo, at magkakatulad ang karanasan ng iba’t ibang mamamayan.]

May pelikula palang bago si Oliver Stone: South of the Border, hinggil kay Hugo Chavez, presidente ng Venezuela, at sa ilang mga lider sa South America na ngayo’y naninindigan laban sa pampulitika at pang-ekonomiyang dominasyon ng US sa rehiyon. Siyempre, hindi ko pa napapanood. Pero magandang abangan. Gayundin ang bagong dokumentaryo ni Michael Moore na Capitalism: A Love Story.

* * *

Humanga ako sa passion ni Alexis Tioseco para sa pelikulang Pilipino. Mababasa sa mga sulatin niya ang malalim na pagmamahal sa isang kultural na kasaysayan na tila walang interes ang mga nasa kapangyarihan na buhayin at pagyamanin. Nakakalungkot at nakakagalit ang nangyari sa kanya at sa kanyang kasintahan at kapwa kritiko sa pelikula na si Nika Bohinc.

* * *

Pakikidalamhati rin ito sa isa sa masisipag at mahusay na progresibong mamamahayag ng Pinoy Weekly na si Jeffrey Ocampo. Pumanaw kamakailan ang ina niya. Condolence, Jeff…

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s