Elections

Say Chiz

chiz-escudero

Palagay ko, tagilid talaga ang tsansa ni Chiz Escudero, kung tatakbo pa rin siya bilang pangulo sa 2010. Pero dapat himukin natin siyang tumakbo, dahil mayayanig nito ang naghaharing sistema. (Larawang kuha ni Jeffrey Ocampo para sa Pinoy Weekly)

 

Isang kuwento bago ako pumalaot sa masalimuot na mundo ng haka-haka at pagpapalagay.

Noong estudyante pa lamang si Chiz Escudero ng abogasya sa UP at miyembro ng isang sikat na fraternity, sumali siya at ang fraternity niya sa isang sikat na paligsahan sa debate sa UP. Dahil nga mahusay si Chiz at ang mga kapwa law student sa debate, nagwagi sila hanggang makaabot ng finals. Sa finals, natalo sila ng isang debate team ng isang organisasyon ng mga Bikolano (naging miyembro ako ng parehong organisasyong ito, pero wala pa ako sa UP noong 1993).

(Ang trivia sa likod ng trivia’ng ito: Ang lider ng debate team na iyon ay isang Bikolano na miyembro ng UP Debate Club, na siyang organisasyon ni Pat Evangelista nang nasa UP siya – pero ibang istorya at blog entry na iyon. Later, pumasok sa law school ang mahusay na probinsiyanong debater at naging ka-brod pa ni Chiz. Muling na nagkahiwalay sila ng landas nang maging miyembro ang Bikolano ng isang mayor na partido pulitikal (kung saano miyembro ang kapatid ni Kris at asawa ni Korina) na nakakalaban sa pulitika ng partido ni Chiz. Naging (o kasalukuyan pa rin?) mataas na opisyal ang probinsiyano ng DepEd sa ilalim ni Gloria Arroyo, samantalang nanatiling oposisyon si Chiz.)

May kasaysayan ng pagiging talunan si Chiz. Bagama’t nagwagi ng tatlong termino sa Kamara, minsan na siyang napunta sa “talunang” panig noong Edsa Dos. Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, tatlong beses ring natalo ang pinamunuan niyang impeachment complaint. Sasabihin ng iba, mahilig lang siyang pumanig sa “talunang” mga proposisyon. Pero maaari ring sabihing naninindigan si Chiz kahit alam niyang talunan ang propisyon niya. Hindi siya populista.

Una ko siyang nakita “sa tunay na buhay” nang magkober ako ng isang congressional hearing ng House Committee on Human Rights sa Sorsogon City. 2002 noon at sunud-sunod ang patayan sa mga aktibista sa Sorsogon. Nag-break ang hearing, at pumunta si Chiz sa basement ng venue (para mag-CR siguro). Sinundan ko siya doon para sana ma-interbyu: Ano ang pananaw niya sa mga pamamaslang? Pero naunahan ako ng isang miyembro ng Karapatan na buong-giliw na nakipagtsikahan sa kanya, na parang magkaibigan silang matalik. Doon ko nahulaan ang magiging sagot niya sa tanong ko sana. Na-interbyu ko siya, pero iba na ang natanong, hinggil na sa daloy ng hearing.

Fast forward sa 2006, matapos ang sumiklab ang eskandalong Hello Garci, at wala akong masyadong nakitang punto na alalalahanin ang maikling engkuwentrong yun maliban sa patotohanan ang datos na mahilig talaga sa tight shirts si Chiz. Lider na siya ng oposisyon noon, at pinangasiwaan ang sunud-sunod na nabigong reklamong impeachment sa Kamara. Artikulante si Chiz, at mahusay sa mga debate sa plenaryo. Pero tulad ng debateng nilahukan niya sa UP noon, natalo sa mga debate si Chiz. Hindi nailitis sa impeachment court si Gloria Arroyo. Taong 2007 at naging senador na si Chiz. Sa entabladong ito, talunan pa rin siya sa mga debate — hinggil sa mga panganib ng globalisasyon, hinggil sa deregulasyon sa industriya ng langis, hinggil sa karapatang pantao. Sa pagkakataong ito, talunan siya at ang mga tulad niya dahil nangingibabaw pa rin ang boses ng reaksiyon sa Senado, ang boses ng dominanteng mga uri sa bansa at ang interes nila.

Noong nakaraang Miyerkules, Oktubre 28, muling tumuntong sa entablado si Chiz, ngayon nama’y para ihapag ang mga argumento, gaano man kanipis, ng kanyang pagbitiw sa sariling partido at sa pinakamalaking padrino nito na si Danding Cojuangco. Sa kanyang mga pahayag, lumalabas na muling natalo siya sa mga debate sa loob ng sariling partido. Kung tungkol man ito sa pera (malamang, malaking bahagi ito ng pinagtalunan) o sa prinsipyo lang, lumalabas na muling nadaig si Chiz. Gusto pa raw niyang maglingkod, pero paglilimian kung tatakbo pa bilang pangulo.

Madaling manghula sa dahilan ng kanyang pagbitiw sa NPC — natitsismis na nga ang desisyon daw ni Danding na maglaan ng P200 Milyon “lamang” para sa kandidatura ni Chiz, habang naghahandang tumaya ng mas malaking kapital sa pamangking si Noynoy — pero parang di agad nasasapol ng mga komentarista at analyst ang halaga ng pulitikal na development na ito. Mas makabubuti, palagay ko, para sa mga naghahangad ng progresibong pagbabago sa bansa na himukin si Chiz na tumakbo. Manalo o (mas malamang) matalo. Dahil kung paninindigan niya ang independensiya, habang tinatangan ang progresibong mga argumento at paninindigan — sa kontraktwalisasyon ng lakas-paggawa, sa deregulasyon ng langis, at iba pa — tiyak na mayayanig ang naghaharing kaayusan sa bansa. Sa pamamagitan ng isang kandidato sa pagkapangulo na nangangampanya sa buong bansa, nakakaabot sa mga mamamayang di pa naaabot ng mga argumentong ibinabato niya laban sa deregulasyon, kontraktwalisasyon, at iba pang mga polisiya sa gobyernong para sa ibang kandidato’y tila nakatatak na sa bato.

Sa huli, hindi naman talaga mga argumento ang mapagpasya sa kahihinatnan ng bansa, laluna ng eleksiyon. Sa huli, magwawagi ang tiraniya ng salapi, at magwawagi kung sinuman ang may malalim na bulsa. Muli, talunan sa debateng ito si Chiz Escudero. Pero may magbabago sa takbo ng pulitika sa bansa.

Standard

10 thoughts on “Say Chiz

  1. kapirasongkritika says:

    Talaga? You think wala siyang potensyal manalo? Ako, given the right combination, posible pa rin. Hehe. Iyun nga ang tingin kong dahilan bakit posible niyang “mayanig ang sistema” sa pagtakbo niya at paglalabas niya ng matatapang na pahayag. Kasi, kung hindi siya winnable, para lang siyang Eddie Gil with a progressive mode. Sa tingin ko, takot ang mga tagasuporta ni Noynoy sa kanya — at sa mga posibleng mangyari sa kandidatura niya — dahil malalantad ang idolo nila. Ang kailangan lang, balikan ang pamumuno ni Chiz sa paglaban kay Gloria sa Kongreso at Senado — limitado,oo, pero mas mainam na kaysa kay Noynoy. Grabe iyung iba, lahat ng malupit na pamantayan, ipinapataw kay Chiz, pero kay Noynoy, hayaan lang nilang walang nagawa, walang ginagawa, at kahit walang sinasabi!

  2. krguda says:

    Hi Teo. As it stands today, parang nalalabuan talaga ako sa kanyang manalo. Kung kapos nga siya sa rekurso, at kalaban pa ang isang Aquino — dalawang bagay ito na nagpapanalo sa mga eleksiyon sa Pilipinas: pera at name recall — baka mahirapan na. Ang maaasahan na lang niya at this point ay yung tindig niyang independente siya sa traditional politics, na may appeal din sa middle class, at siyang lamang niya kay Noynoy.

    Pero nagpapanalo rin naman ang ganitong tindig, tulad ng nagawa nito kay Trillanes, Panlilio sa Pampanga, atbp.Nakakapagpanalo rin ng eleksiyon ang grassroots organizing, tulad ng tagumpay ng progresibong mga party-list. Kung may ganitong component ang kampanya ni Chiz, baka may tsansa pa nga.

    Pero usapin ng taktika ang mga iyan. Ang punto ko lang, uphill battle ang laban ni Chiz. Malayo din naman na ikumpara kay Eddie Gil. Ang pinakamalapit na naiisip ko, iyung losing campaign ni Claro M. Recto. Totoo, malayo (pa) naman si Chiz kay Recto, pero iyun ang naiisip ko sa kanya.

    Tama, nakapagtataka ang mga todo-upak kay Chiz habang tahimik kay Noynoy. Nakakapagtaka — at nakakalungkot — iyung sinulat ni Pat Evangelista. Parang nawalan bigla ng lohika ang kolum niya. Nakakalungkot.

  3. diwa81 says:

    komento ko lang tungkol sa “mayanig ang sistema.” baka kasi makalimutan natin na reaksyunaryong eleksyon ang pinag-uusapan natin dito. at higit pa, isa pa ring trapo si chiz na galing sa naghaharing uri. kaya parang malayong mangyaring “mayanig ang sistema.”

    sa pinakamainam siguro, kung tutuloy pa rin siya sa pagtakbo, mapilitan ang ibang kandidato na sumagot ng matalino sa mga isyu ng bayan. pero kung may makabuluhang bang magbabago sa mga mananalo sa eleksyon dahil dito, mukhang malabo.

    ang totoong makakayanig sa sistema, kahit sa larangan man lang ng eleksyon, ay ang mga progresibo. alam naman na natin kung ano ang paninindigan nila. hindi ibig sabihin na mangyayari ang lahat ng programa nila ng pagbabago, may ilan lang siguro at mangyayari ang repormang iyon sa loob pa rin ng bulok na sistema. Pero ang tunay na pagyanig ay mararamdaman sa ibaba, sa hanay ng mamamayan.

    dahil sa mga progresibo, kahit sa isang bulok na eleksyon, naitataas ang pampulitikang kamulatan ng masang anakpawis, naoorganisa sila, at napapakilos. sa tingin ko, iyon lang ang tanging makabuluhang makakamit natin ng kongkreto sa eleksyon. iyong makapagpanalo ng mga progresibong kandidato, sekundaryo na lang iyon.

  4. krguda says:

    Diwa81, sa “pagyanig sa sistema” hindi ko naman ibig sabihin na wawasakin na ang sistema. Hindi naman rebolusyonaryo ang pagtakbo ni Escudero. Ang ibig ko lang sabihin, may potensiyal itong mapahina ang pundasyon ng namamayaning kaayusan — kung titindig at ipaglalaban niya ang mga sinasabi niyang pinaniniwalaan niyang mga prinsipyo, sa entablado ng isang halalan sa pagkapangulo.

    Tama ka namang kasalukuyang niyayanig ng mga progresibo ang sistema sa paglahok nila sa halalan. Pero kung konsistent na magiging progresibo ang mga tindig ni Escudero, hindi kaya mayayanig din niya ang sistema?

    Salamat sa komento.

    • diwa81 says:

      sa tingin ko, kahit ang pakahulugan mo ng pagyanig ay hindi pa rin angkop sabihin tungkol sa pagtakbo ni Chiz. may epekto siguro. malaki pa ang dapat niyang patunayan bago siguro masabi ito. totoo namang malaki ang nagawa niya sa anti-arroyo campaign, pero isang bagay lang iyon sa mga isyu ng bayan.

      • krguda says:

        Hypothetical ang diwa ng sinasabi ko: mayayanig ang sistema kung patuloy siyang titindig sa progresibong mga posisyon. Hindi pa nga sigurado ang pagtakbo, at nasa realm pa lang ito ng potentialities. Kahit naman sino, organisado o hindi, makakayanig sa sistema kung tangan niya ang progresibong mga posisyon. May kakaibang sitwasyon lang si Chiz dahil datihan na siyang politiko at may pambansang impluwensiya na at name recall.

        Hindi lang naman sa kampanyang kontra-arroyo tumindig nang progresibo si Chiz. Sa isang banda, hindi rin lang siya ang tumangan ng progresibong tindig at one point sa karera nila. Lahat halos ng nasa oposisyon, naging katuwang ng mga progresibo at one point. Pero sa mga inilulutang na mga pangalan bilang kandidato ngayon, siya ang may pinaka-progresibong mga tindig, mula sa pagiging kontra-Arroyo hanggang sa usapin ng dagdag-sahod sa mga manggagawa. Sa kanya iyung may nakayayanig na mga deklarasyon at paninindigan. (Maliban na lamang kung ituturing nating presidentiable pa rin si Sen. Jamby Madrigal.)

        Gayunman, muli, sa usapin pa lamang ito ng plataporma, at kaunting track record.

  5. diwa81 says:

    hindi ko lang talaga maintindihan sa ilang kaliwa ang excitement nila para kay Chiz. hindi ko lang kasi sa’yo nakita ito. pati sa ilang nakausap ko. sabagay, hindi naman ako gaano nakakasabay sa mga detalye ng pakikipag-alyansa sa mga ito. mas sa statements lang ako nakakakuha ng impormasyon.
    pero isang punto lang ang gusto kong ihabol, wag tayo masyadong ma-excite sa pagiging progresibo ni Chiz. Sa huli mangingibabaw pa rin ang uring pinagmulan niya. ito pa rin ang magtatakda kung paano tayo makikipag-alyansa sa kanya.

  6. krguda says:

    Diwa81, okey lang naman ang tindig mo, at tama naman ang mga tagubilin. Kung ma-e-excite, dapat may batayang ma-excite. Kung magdududa ang Kaliwa sa motibo ng pagiging “progresibo” ng mga tindig ng isang pulitiko, dapat may batayan ang pagdududa. Walang kasinglakas ang hatak ng uri, at kaunti pa lamang ang mga tulad ni Claro M. Recto na sa sarili nila’y mapagpasyang bumangga sa interes ng kanilang uri para tumindig sa makabayan at maka-mamamayang mga adhikain at prinsipyo. Pero posible ito. Baka doon na-e-excite ang ilan — sa mga posibilidad. Salamat sa komento.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s