Human Rights

Sakada sa Asyenda Luisita

(Sinulat ko ang artikulong ito noong Disyembre 2004, ilang linggo matapos ang masaker sa mga nagwewelgang manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Matapos ang masaker, nasagap namin ang usap-usapan sa asyenda na may mga sakadang nakahimlay sa mga kubol na malapit sa piketlayn ang namatay din sa putukan. Isang bata umano na anak ng isa sa mga sakada ang namatay nang ma-suffocate ng tear gas na ipinasabog ng mga pulis at militar na nagdispers sa mga welgista. Nang makita umano ng sakadang ama ng bata ang kanyang anak, naghuramentado ito at tumakbo patungo sa mga sundalo, bitbit ang itak na pangtapyas sa tubo. Binaril umano siya ng mga sundalo. Ayon pa sa kuwento, upang itago ang katawan ng mga sakadang nasawi, sinunog ng mga guwardiya ng asukarera ang katawan ng mga ito sa isa sa mga incinerator na pansunog ng mga tuyong tubo sa loob ng asukarera.

Hindi nakukumpirma ang istoryang ito hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, napuntahan ko at ilang mga mamamahayag ang isang kubol na pinaghihimlayan ng mga sakada ilang linggo matapos ang masaker. Iniinterbyu namin ang mga sakada nang dumating ang diumano’y superbisor nila at pinagtabuyan kami. )

Sakada sa Hacienda Luisita (Kuha ni Boy Bagwis noong Nob. 2004)

Sakada sa Asyenda Luisita

Nagsisiksikan ang 50 katao sa kubol na mistulang kural ng hayop. Galing sila sa Bisaya at Mindanao na kinontratang magtrabaho sa 6,300 ektaryang tubuhan ng pamilya Cojuangco.

Sila ang mga sakada (mga manggagawang bukid mula sa ibang lugar na dumadayo tuwing anihan) na buhay alipin sa Asyenda Luisita para makapagkamal ng mas malaking kita ang mga Cojuangco.

Sa kasalukuyan, malaking bahagi na sila ng mga nagtatrabaho sa asyenda. Para makatipid sa gastos sa paggawa, unti-unting binawasan ng pamunuan ng Asyenda ang araw ng trabaho ng mga manggagawang bukid at kumuha ng mga sakada sa di hamak na mas murang halaga.

Dahil sa mala-aliping kondisyon ng mga sakada sa Asyenda, itinatago sila ng mga Cojuangco. Katunayan, itinanggi ni Tarlac Rep. Benigno “Noynoy” Aquino III na mayroong sakada sa asyenda.

Noong Nobyembre 16, 2004 nang madugong itaboy ng pulisya at militar ang nagwewelgang mga manggagawa at manggagawang bukid sa asyenda, isang sakada at anak nitong sanggol ang diumano’y napaslang.

Sinabi ni Noynoy na may mga nakapasok na rebeldeng NPA (New People’s Army) sa hanay ng mga welgista dahil marami sa mga dinampot ng pulis ay mga Bisaya.

Matapos ang masaker sa asyenda, hindi na halos matanto kung saan nakatira ang mga sakada. Inilipat-lipat kasi ang marami sa iba’t ibang lugar sa Tarlac at Pampanga.

Itinatago

Ngunit, kasama ang ibang mamamahayag, natagpuan at nakapanayam ng Pinoy Weekly ang isang grupo ng mga sakada sa asyenda. Galing Negros Oriental, nagsimulang magtrabaho ang mga sakadang Bisaya noong nakaraang Oktubre, simula ng paggapas ng tubo sa asyenda.

Tunay ngang alipin ang kalagayan ng mga asakada sa asyenda. Isang barung-barong na hindi liliit sa 50 metro ang haba, 50 katao ang nakatira. Dito, ang mga sakada ay gumawa ng kani-kanilang partisyon para magkaroon ng bahagyang privacy. Dito sila nagpapahinga, nagluluto, at natutulog –isang tirahan na mistulang piitan lalo na ngayong walang trabaho sa tubuhan dahil sa welga.

Mula sa siyudad ng Bais sa Negros Oriental nanggaling ang mga nakapanayam. Ang mga sakada ay nagtatrabaho din dati sa mga plantasyon ng asukal sa Negros, ng pinsan ni Cory Aquino na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

Kamakailan, ikinombert ni Danding ang kanyang lupain para magtanim ng samu’t saring pananim sa halip na tubo – para tugunan ang pangangailangan ng kanyang negosyo sa San Miguel Corp.

Dahil sa hirap ng buhay

Nawalan ng mga tubuhang pagtatrabahuan ang mga sakada sa Negros. Kaya naman sabi ni Melchor, 24 taong gulang na sakada sa asyenda, nang magkayayaan sa kanilang baryo na kagatin ang paunlak ng isang foreman na tumungo ng Tarlac para doon maggapas, hindi na nag-atubili si Melchor.

May asawa at apat na anak si Melchor na naiwan sa Bais, at dahil dito kaya siya napunta ng Asyenda Luisita. Nais man niyang makasama sa Tarlac ang kanyang pamilya, hindi niya ito nagawa. Dagdag-gastos lamang sa pamasahe kung isasama pa ang pamilya.

Ngunit ilan sa kasamahan ni Melchor sa barung-barong ay dala ang kanilang mga pamilya. Tiniis ng mga sakadang ito na mangutan sa kontraktor para lamang maisama ang pamilya, lalo na’t dadatnan sila ng Pasko sa Asyenda. Tinitiis din nila ang gutom dahil sa maliit na rasyon na ibinibigay ng kontraktor sa bawat sakada, may pamilya o wala.

Sahod ng mga sakada

Sa bawat toneladang maigagapas at mailalagay sa trak, binabayaran ng P90 ang sakada. Grupo-grupo sila tuwing gapasan – siyam hanggang 11 katao bawat grupo na magpupuno ng isang trak. At dahil 11 hanggang 15 tonelada lang ang kayang ilagay sa isang trak, madalas na hindi lalampas sa isang tonelada lamang ang nagagapas ng bawat sakada.

Naloloko pa sa komputasyon ang mga sakada. Ipinakita ni Melchor sa Pinoy Weekly ang sampol ng pay slip niya mula Oktubre 10 hanggang Oktubre 16. Nakasaad na 5.58 tonelada lamang ang naisakay sa trak na may-ari ng pay slip sa loob ng isang linggo. Ibig sabihin, dapat ay P502.20 ang bayad sa kanya. Ngunit nakasaad sa pay slip na P334.80 lamang ang kinita niya sa linggong iyon. Sabi ng mga sakada, pinapabayaan lang kasi nila sa kontraktor ang pagsusuma sa pay slip. Lumalabas na nauutakan sila ng kontraktor.

Sariling gastos nila ang pagkain. Isang kilong bigas na may halagang P27; isang itlog na limang piso; isang pakete ng instant noodles (P6); isang supot ng mantika (P5); isang supot ng asin (P2) at isang lata ng sardinas (P10) ang rasyon ng kontraktor sa kanila bawat araw. Binabawas ang kabuuan ng halagan ng rasyon sa makukuha nilang sahod pagkatapos ng anihan sa Marso.

Ngunit, sabi ni Melchor, ngayong walang trabaho sa Asyenda ay ibinibigay na lamang sa kanila ang bigas at hindi na raw ikakaltas. Samantalang nagwewelga pa ang mga manggagawang bukid, buong araw silang nananatili sa mga barung-barong. Walang magawa kundi maghintay, sabi ni Melchor.

“Sabi nga namin sa kontraktor, dapat pauwiin na kami ngayong walang trabaho rito,” sabi ni Melchor. Nangungulila na siya sa kanyang pamilya, wala pa siyang mapadalang pera dahil hindi sila kumikita.

Sa harap ng barung-barong, may isinabit ang mga sakada na maliit na paraol na gawa sa tubo. Para raw ipakita na ipinagdiriwang pa rin nila ang Pasko, sabi ng isang sakada. Ngunit dahil sa kalagayan nilang buhay-alipin sa asyenda, mababakas sa kanilang mga mata na walang maligayang Pasko ngayong Disyembre o ano mang araw sa malapit na  hinaharap.

Standard

3 thoughts on “Sakada sa Asyenda Luisita

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s