Etc., Human Rights

With trembling hands, I read

Photo courtesy of Jo Abaya-Santos

Isa sa pana-panahong pinoproblema ko sa sarili ang takot ko sa matataas na mga lugar. Siguro kaya takot ako sa public speaking at ang pagtuntong sa entablado.  Pero higit sa pisikal na takot na mahulog o malaglag, nakakatakot din para sa akin ang entablado dahil ibig sabihin, may sasabihin akong mahalaga, may alam ako na hindi alam ng mga makikinig sa akin. O baka takot lang ako sa mga espontanyong reaksiyon. Kasi sa pagsusulat, ganun din naman, kaharap mo rin sila, at kapag nagsusulat ka, may inaangkin kang awtoridad. Pero sa pagsusulat, hindi instant ang reaksiyon. Naisulat mo na ang sasabihin mo, maghihintay ka na lang ng mga magsusulat ng komento sa comment field ng blog mo o sa Facebook account mo.

Kaya sa mga nakasaksi sa aking pagkakalat noong Disyembre 9, paumanhin. Hehe. Sa kabila ng presyur ng pagsalita sa isang broad na programa (internasyunal pa nga), at ng banyagang mamamahayag na nagfa-flash ng malaking karatulang “2 Minutes”, “1 Minute” at “Times Up” (tatlong beses niya ito itinaas bago ako natapos, marami na nga akong nilaktawan na sentences), hindi na siguro nai-communicate nang taus-puso ng mensahe.

Kaya heto, dito sa blog na lang ulit:

Mensahe ng Pinoy Weekly sa Global Day of Action against Impunity

Disyembre 9, 2009

Sa ngalan ng Pinoy Weekly, ng progresibong mga mamamahayag, kaming tinaguriang bahagi ng independiyente o alternatibong midya, nakikiisa kami sa Global Day of Action against Impunity, sa pagkondena sa karahasang sinapit ng mga kapwa mamamahayag habang tumutupad sa tungkuling maging saksi at mag-ulat ng katotohanan.

Kung tutuusin, kaming mga independiyente o alternatibong mamamahayag ay katulad din ng mga mamamahayag sa mga komunidad, sa mga probinsiya. Tulad ng mga community journalists, pinasok namin ang pamamahayag pangunahin dahil sa komitment na maglingkod, dahil sa paniniwalang makapangyarihan ang inuulat namin sa aming piniling odyens. Higit pa sa anumang kakarampot na kita o benepisyo, nananatili kami sa pagsusulat, pagkuha ng litrato at bidyo at paglalathala dahil naniniwala kami sa kapangyarihan ng pag-uulat at pagbibigay sa aming odyens ng kaalaman at pagsusuri na magagamit nila sa pagpapasya at pagkilos. Tulad ng community journalists, maliliit ang aming mga organisasyon. Independiyente kami at walang malaking funding o advertisers. Marahil, dahil dito kaya kami matapang (o nagtatapang-tapangan): wala kaming ibang utang na loob kundi sa aming mga mambabasa, odyens o tagapakinig. Matapang kami dahil maliit kami, at alam naman nating lahat na walang malaking nakakapuwing.

Katulad ng maraming lugar sa bansa ang Maguindanao. Sa mga probinsiya, sa mga komunidad ng maralita sa lungsod, sa mga paaralan at kolehiyo, madaling nasasaksihan ang epekto sa masa ng pahayagang nagmumulat sa kanila. Naaarmasan sila ng kaalaman at pagsusuri, at batay dito mas naisasakonteksto nila ang kanilang kalagayan. Nalalaman nila kung bakit sila api, kung bakit sila naghihirap. Maaaring kikilos sila, maaaring hindi. Pero nasa kanila iyon. Sa Maguindanao, tiyak na natatakot sa mga mamamhayag ang mga makapangyarihan. Takot sila dahil kapag naarmasan ng kaalaman at pagsusuri ang mga dukha, baka maetsapuwera sila sa puwesto. Baka mapalayas sila sa kapangyarihan.

Sa kabila ng hirap, ng panganib, ng problema, sinuong ng mga mamamahayag sa Maguindanao at iba pang lugar sa bansa, ang komitment sa pamamahayag, ang komitment nila sa ordinaryong mga mamamayan. At kapag nagiging tapat sa kanyang tungkulin ang mamamhayag, kapag sineryoso niya ang kanyang bokasyon, tiyak na masasaktan ang mga nang-aapi. Tiyak na matatakot sila sa mamamahayag. Kaya kung maaari, tinatangka nilang suhulan o kunin ang loob natin. At kung hindi madaan sa bola, idinadaan sa bala.

Tatlumpu’t isang mamamahayag ang napaslang sa lupain ng Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre ngayong taon. Tatlumpu’t isa. Bakit ganoon karami? Tanong marahil ng marami sa ating mga kasamahan. Hindi agad natin maarok ang lohika sa tila walang-saysay na karahasan. Pero kung tutuusin, may dahilan ang karahasang ito. Dinadahas tayo dahil nagiging tapat tayo sa ating tungkulin! Dinadahas tayo dahil mas gugustuhin nating maglingkod sa maliliit, sa mga dukha, sa mga inaapi, kaysa makuha ang loob ng mga nasa kapangyarihan. Dinadahas tayo dahil ginagawa natin ang ating trabaho. Magtaka tayo at magduda sa ating trabaho kung hindi na natatakot sa atin ang mga nasa kapangyarihan. Magduda tayo sa sarili natin kung hindi na sila nasisindak. Baka mali na ang ginagawa natin.

Kung kaya, marapat lamang nating hirangin na bayani ang mga kapwa mamamahayag nating nagbuwis ng buhay sa isang malagim na araw sa Maguindanao.

Tiyak na hindi ito ang magiging huling karahasan sa ating hanay. Tiyak, na hindi iyon ang huling pagkakataong tutulo ang ating mga luha at babagsak ang ating mga puso. Pero sa kabila nito, sa kabila ng lahat, sa kabila ng hirap, ng pagod, at siyempre, ng panganib, magpapatuloy tayo. Magpapatuloy tayong maging tapat at makatotohanan at mapagkumbabang mamamahayag. Magpapatuloy tayong maglingkod sa ngalan ng katotohanan at sa ngalan ng sambayanan. Dahil sa ganitong paraan lamang natin mabibigyan ng katarungan ang ating napaslang na mga kasamahan. Sa ganitong paraan lamang natin mabibigyan sila ng pugay. Sa ganitong paraan lamang natin mapapatotohanan na hindi nasayang ang kanilang ibinuwis na buhay.

Mabuhay ang mga mamamahayag na lumalaban para sa katotohanan at katarungan!

Mabuhay ang kalayaan sa pamamahayag!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Standard

7 thoughts on “With trembling hands, I read

  1. kapirasongkritika says:

    Naks naman! With photo pa! Sabagay, nakita na nga ng marami! Hehe. Sayang, hindi ko nai-link sa huling entri. Hehe.

    Pero ang mahalaga ay ang sinasabi. At mabuhay kayo sa paglalabas ng pahayag na ito!

    “Magduda tayo sa sarili natin kung hindi na sila nasisindak. Baka mali na ang ginagawa natin.” Amen!

  2. krguda says:

    Teo, for some reason, pumapasok sa spam ang mga komento mo. Baka inaakalang porn ang blog mo? Hehe, biro lang. Salamat. Di ko alam kung anong litrato ang ilalagay e. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s