Human Rights

Tortyur sa Kampo Capinpin

The gate inside the main gate of the detention center in Camp Capinpin. This barbed wired gate leads to an inner gate where the visitors are frisked -- Sen. Pia Cayetano admitted to feeling a bit uncomfortable by the frisking, and she's not even a detainee. This gate leads to two doors: for male and female detainees.

(Unang inilathala sa Pinoy Weekly Online)

Sa tarangkahan ng detention center, makikita ang tila magkasalungat na mga karatula. Nandoon ang arkong “Welcome” na malugod na tumatanggap sa mga bisita. Sa kaliwa’t kanang bahagi ng tarangkahang ito, tila pahiyaw na nagtataboy sa sinumang gustong lumapit: “Restricted Area KEEP OUT!”

Gayunman, sa araw na iyon, Pebrero 11, nangahas ang grupo ng mga doktor at abogado na bumisita. Ikalimang araw ng pagkakakulong ng 43 manggagawang pangkalusugan na nagsasagawa ng pagsasanay-medikal sa Morong, Rizal noong Pebrero 6. Limang araw na noong nakapiit sila sa detention center na ito sa Camp Capinpin ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa Tanay, Rizal, ngunit di pa sila nakakakita ng abogado.

Limang araw na ring kumakatok sa tarangkahan ng kampo ang mga abogado, pero palaging itinataboy. Sa pagkakataong ito, kasabay nila sina Sen. Pia Cayetano at Chairperson Leila de Lima ng Commission on Human Rights (CHR), para marahil lumambot ang puso ng tigasing mga sundalo at papasukin na sila.

Actually, nung ine-interrogate sila, Sabado at Linggo (Peb. 6 at 7), nandun lang kami sa labas. Hindi kami pinapasok,” kuwento ni Atty. Julius Matibag, isa sa mga abogado ng 43. Isa lamang umano ito sa pinakabatayang karapatan ng mga detinidong nilabag ng militar: ang karapatang manahimik at mapayuhan ng independiyente at may-kakayahang abogado.

Sa tulong ng dalawang opisyal ng gobyernong kasama sa pagpasok, matagumpay na nabisita ng mga abogado ang 43 noong araw na iyon. At sa pakikipag-usap nila sa mga detinido, nalaman nilang hindi lang ang kawalan ng abogado ang karapatang nilabag ng mga sundalo. Marami pang nilabag. Maraming marami pa.

Bantay-sarado, bugbog-sarado

Mula sa tarangkahang tila magkasalungat na karatula, nakapasok ang mga bisita (kasama ang ilang mamamahayag at Pinoy Weekly) at pinadiretso sa isa pang gate, puno ng barbed wire at bantay na sundalo. Mula rito, isa pang tarangkahan papasok, bantay sarado ng mga sundalong nangangapkap. Ipinaiiwan ang mga telepono’t kamera. Mula rito, makikita ang magkahiwalay na pintuan ng kalalakihan at kababaihan.

“Hiwa-hiwalay sila. May ibang mag-isa lang sa kulungan. May kulungang may dalawa, may tatlo, may apat,” ani Matibag.

Nang makita sila ng mga detinido, ani Matibag, naiyak ang ilan. Matagal na raw nilang hinihiling ang abogado pero hindi nila sila nakakakita. Kabilang sa psywar ng mga sundalo ang pagsabing wala namang nakakaalam na nandoon sila, o wala namang pakialam ang kanilang mga organisasyon dahil hindi naman sila umaayuda at nagpapadala ng abogado. Sa pagbisita ng mga abogado’t doktor, napatunayang nagsisinungaling ang mga sundalo.

Sa presensiya ng mga sundalo, halos pabulong na naikuwento ng ilan sa 43 ang kanilang sinapit. “Pagod na pagod na kami,” sabi ng isang babaing detinido. “Kailangan namin ng kausap, dahil wala kaming ginagawa rito,” sabi naman ng isa.

Higit pa rito ang naranasan ng ilan. Mahihinuha sa mga kuwento ng mga detinido na sa unang dalawang araw, mula tanghali ng Pebrero 6 hanggang gabi ng Pebrero 7, hindi sila pinatulog. Tuluy-tuloy ang interogasyon, walang patid. Sa buong panahon, nakapiring ang kanilang mga mata, nakaposas na plastik (“Parang iyong mabibili mo sa hardware,” sabi ng isa) ang kanilang mga kamay. Walang kain-kain.

Sa buong panahong ito, walang alam ang 43 kung bakit sinalakay ng mga sundalo ang kanilang pagsasanay-medikal at inaresto sila. “Walang nagsasabi sa amin kung ano ang nangyayari,” sabi ng isa sa mga detinido.

Leila de Lima and Sen. Cayetano talk with an Army commander.

Interogasyon

“Paulit-ulit ang mga tanong,” kuwento ni Dr. Alexis Montes, isa sa mga dinukot sa Morong, sa pagdinig ng Court of Appeals sa petisyong writ of habeas corpus noong Pebrero 15. “Tinatanong kung kilala ko ba raw si Tirso Alcantara, si Ka Bart.” Kilalang lider ng New People’s Army sa Timog Katagalugan si Alcantara. Sa panahong ito, tila nabubuo na sa isip ni Montes. Inaakusahan sila ng mga sundalo na mga rebelde sila.

Siyempre, tinanggi niya ang mga paratang. “Ang huling hawak ko ng baril ay noong nag-ROTC (Reserved Officers Training Corps, isang required na sabdyek sa kolehiyo) pa ako. Matagal na panahon na iyon,” sabi ng 62-taong-gulang na surgeon at volunteer doctor ng Council for Health and Development (CHD).

Ayon kay Matibag, may ilang detinido na nakapagkuwento na sinuntok sila sa dibdib noong interogasyon. Karamihan sa mga pisikal na sinasaktan ay ang mga lalaki. Mayroong sinasapok, pinipilipit ang braso, pinaaamin na mga miyembro sila ng NPA. “Kung hindi kayo aamin, ibabaon namin kayo sa hukay,” kinuwento ng isang detinido  na sabi umano ng isang interrogator. “Yung pamilya niyo, baka may masama nang mangyari sa kanila.”

“Kapag napagod na sila dun, ang sinasabi naman nila, makipagtulungan na lang sa mga sundalo. Ang mga sundalo na raw ang bahala sa kanila, bibigyan daw sila ng pera,” kuwento ni Matibag.

Pero nanindigan ang mga detinido. Mga community health worker lang daw sila. Nagpatuloy ang interogasyon. Sa mga lalaki, patuloy ang pananakit. Mayroong nag-ulat na hinawakan ang kanilang mga bayag. Pinipitpit, pinitik-pitik. Sa kababaihan, may nakapag-ulat namang nahipuan sila. Nakapiring kasi, kaya hindi nila tiyak kung sadya, o kung lalaki o babae ang nanghihipo. Basta ang tiyak, nahaharas sila. Ramdam nilang wala silang kalaban-laban. Wala silang kapangyarihan.

Midwife and detainee Teresa Quinawayan, in a brief reunion with daughter during the hearing at Court of Appeals on February 15. (Photo courtesy of Dr. Geneve Rivera-Reyes of HEAD)

Kung may kailangang umihi, pinapayagan naman. Pero hindi inaalis ang piring at posas. Pinauupo sila – o pinatatayo, sa kaso ng mga lalaki. Ang sundalo na ang bahalang magbaba ng kanilang salawal at underwear. Ang ibang babae, nag-ulat pang ang mga sundalo pa raw ang nagpunas ng kanilang ari. Tumindi ang kanilang pakiramdam ng kawalang-kapangyarihan.

Si Dr. Montes, pinaupo sa isang upuan. “May nilagay sila sa ulo ko,” kuwento niya sa korte. “May mga nagbubulungan sa mga sundalo…May naamoy akong mabangong amoy…Pagkatapos, naramdaman ko na lamang na namanhid ang braso’t paa ko. Naantok na ako.”

Sinabi ni Montes sa mga abogado na pakiramdam niyang kinuryente na siya noon. Pagkatapos, hindi siya makatayo. Kinailangan pa siyang itayo ng mga sundalo.

Mahigit 24 oras silang walang kain. Pinainom siya ng tubig, sabi ni Montes. Pero may naramdaman siya sa kanyang labi na parang granules. “Palagay ko may nilagay na gamot.”

Mabilisang inquest

Nagpatuloy ang mga interogasyon hanggang hapon ng Linggo, Pebrero 7. Tantiya ni Montes, mga alas-sais na noon ng gabi nang tanggalin ang kanilang piring at posas, at iniharap silang lahat sa piskal. Nagsagawa ng roll call sa mga detinido. “Kinakasuhan kayo ng illegal possession of firearms and explosives,” sabi umano ng piskal. Saka sila ibinalik sa detensiyon.

Samantala, magmula pa noong Sabado’y nagbabantay na ang mga abogado, doktor at mga kaanak sa labas ng Camp Capinpin. Habang naghihintay sila sa labas, walang patid naman ang interogasyon sa 43 detinido. Walang patid ang pagpapahirap.

Kinabukasan, Pebrero 8, nagawang bisitahin ni De Lima ng CHR ang detention center at nakausap ang ilang mga detinido. Nakabisita na rin ang ilan sa mga kaanak at doktor. Pero hindi pa rin pinayagan ang mga abogado.

Noong Huwebes, Pebrero 11 pa lamang nakausap ng mga abogado ang mga detinido. Alas-siyete ng umaga, nasa labas na sila ng kampo. Lampas alas-nuwebe na nang papasukin. Pinahintay sa isang holding area. Mabait ang mga sundalo: aircon ang lugar at may libreng kape at tubig.

Magtatanghali na nang makapasok ang mga abogado. Sa unang pagkakataon, nakausap nila ang kanilang mga kliyente. Nakausap nila ang 42 detinido – kulang ng isa. “Binilang namin ang mga babae. Kumpleto, 26 sila. Binilang namin ang mga lalaki. 16, kulang ng isa,” kuwento ni Matibag. Tikom ang bibig ng warden sa kung nasaan ang isa.

Pero sa pagpupumilit ng mga abogado, napaamin ang warden: Isang oras bago pumasok ang mga abogado sa detention center, ipinuslit na ng isang Col. Zaragoza ang detinidong si Valentino Paulino. Iniharap sa midya sa isang lugar sa Rizal. Dito umamin diumano si Paulino na rebelde siya, at hinihikayat ang mga kasamahang umamin na rin. “Tiyak na tinortyur din siya,” sabi ni Matibag. Sa labis na pagpapahirap, sinasabing kayang umamin ninuman ng anumang krimen na pinaparatang sa kanya – kahit na wala siya roong kinalaman.

Pinuslit ng mga sundalo si Paulino mula sa detention center habang naghihintay ang mga abogado sa holding area, nagkakape.

“(Human rights) violation yun (pagpuslit kay Paulino),” paliwanag ni Matibag. “Kasi ang isang detainee ay hindi maaaring ilipat mula sa ilang lugar nang walang court order. At hindi pa pinaaalam sa mga abogado, samantalang mula umaga pa lang nandun na kami. In fact, kausap namin sila (Zaragoza) noong umaga pa lang.”

Sa kabila ng pagmamaniobra ng mga sundalo at mga public prosecutor ng Office of the Solicitor General, nagtagumpay ang mga abogado na pagsalitain si Montes sa harap ng Court of Appeals noong Pebrero 15. Sa unang pagkakataon, personal na isinalaysay ng isa sa tinaguriang “Morong 43” ang pagpapahirap na dinanas nila sa kamay ng mga sundalo. Tumanggi ang mga public prosecutor na magsagawa ng cross-examination kay Montes.

Sa korte, habang nagsasalaysay si Montes, halatang buhay ang diwa ng mga detinido. Taimtim silang nakikinig. Ang iba, nakapikit – marahil iniisip ang pagpapahirap din sa kanila. Sa wakas, napakinggan sila.

Sa huli, nang tanungin ni Atty. Romeo Capulong (pangunahing abogado ng mga detinido) si Montes kung ano pa ang masasabi niya, biglang natahimik si Montes. Nagsimula na sana siyang magsalita nang matigilan. Tinakpan niya ng panyo ang mukha, tila napapaluha. “Wala na po akong masabi…”

Pagkatapos ng pagdinig, isa-isang nilabas ang Morong 43. May isang bantay na sundalo bawat isa sa kanila. Nakaposas sa kamay ng sundalo ang isang kamay ng detinido. Pero libre ang isang kamay. Libreng ihubog para maging kamao.

Sa labas ng korte, nagpoprotesta ang mga tagasuporta ng mga detinido. Sa unang pagkakataon, nasilayan nila, kahit saglit, ang Morong 43. Malaking ngiti ang gumuhit sa mukha ng mga detinido, sabay bigwas ng kamao sa kalangitan.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s