Human Rights

Four years

Linda Cadapan

Linda Cadapan, ina ni Sherlyn, sa harap ng Oblation sa UP Los Banos, Laguna, 2007. (KR Guda)

I will comment later on why it took me more than two months to update this blog. This post is to commemorate the disappearance of two UP students and youth activists, Karen Empeno and Sherlyn Cadapan, on June 26, 2006.

I wrote this article for Pinoy Weekly a year after their disappearance.

“Mabilis pa sa sindi ng sigarilyo”

Hindi multo, kundi buhay na buhay na Sherlyn Cadapan ang bumulaga sa kanyang biyenan sa Calumpit, Bulacan – isang taon mula nang dukutin ng pinaghihinalaang mga militar. Bakit siya inilitaw?

Kenneth Roland A. Guda / may ulat si Soliman A. Santos

NGUMANGAWA ang telebisyon kung kaya di niya agad narinig ang katok. Abala sa panonood ng “Super Twins” ang kanyang mga apo. Sa sala, nakalatag na ang higaan. Nakapagtataka ang katok. Wala silang inaasahang bibisita sa oras na iyon, alas otso ng gabi, Abril 11, 2007.

Di pa man nakakahawak sa pinto, narinig na ni Aling Cora (di-tunay na pangalan) ang boses ng kumakatok. “Nay, pakibuksan, nandito si Ate!”

Dagling binuksan ni Aling Cora ang pinto. Kagulat-gulat pero masayang sorpresa! Ang “Ate” ay ang manugang niyang matagal na nilang hinahanap! Niyakap siya nito at pumasok. May badigard siyang dalawang bruskang babae at dalawa pang lalaki. Naghintay ang dalawang lalaki sa labas, samantalang hindi humihiwalay ang dalawang babae sa kanyang manugang.

Di pa rin makapaniwala si Aling Cora. “Naku anak, nandito ka! Ano’ng nangyari sa iyo? Saan ka nanggaling?”

Pero walang sagot ang manugang niyang kakaiba ang hitsura. Namumutla, parang matagal na hindi naarawan. Bumulong ito kay Aling Cora na “may kukunin lang po akong ilang damit,” sabay diretso sa kuwarto. Parang lintang nakadikit ang dalawang babae.

Inulit ni Aling Cora ang tanong. “Anak, ano’ng nangyari sa iyo?”

Tahimik ang anak na naghalungkat ng damit sa eskaparate. Kinabahan na si Aling Cora. “Wala na ang mga damit mo dito. Kinuha na ng magulang mo,” sabi niya. Hindi ito ang kanyang dating masayahin at makuwentong manugang. Tuloy ang paghahalungkat ni Sherlyn. Namili ng tatlo o apat na damit na hindi naman kanya. Ni hindi na nga ipinlastik. Diretsong nagpaalam. Hinabol pa ni Aling Cora si Sherlyn hanggang pinto. Pero pinigil siya ng bantay nito, sabay bulong ng “Huwag na po kayo makialam, ‘Nay. Baka mapahamak lang kayo.”

Huling bitiw ni Sherlyn: “Naiba na po ang destino ko.”

***

“Mabilis pa sa sindi ng sigarilyo” ang paglalarawan ni Aling Cora sa paglitaw at pag-alis ng kanyang manugang, na kilala ng publiko bilang Sherlyn Cadapan, ang nawawalang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Nang kapanayamin ng PINOY WEEKLY si Aling Cora, tiniyak niyang si Sherlyn nga ang nagpunta sa bahay nila, hindi siya namamalikmata. Hindi lamang nakita niya, nayakap pa niya.

Kinabukasan, dumating ang isang tropa ng mga unipormado at armadong sundalo. Kinompronta si Aling Cora. “Dumalaw dito si Sherlyn kagabi, ano? Nasaan siya? Saan nagpunta? Nasaan ang asawa niya?” Napanganga na lang si Aling Cora sa mga pangyayaring hindi niya maintindihan.

Ito ang pinakahuling kumpirmasyon na buhay pa si Sherlyn — isang taon matapos na siya ay dukutin, kasama ang kaibigan at kaeskuwelang si Karen Empeño at ang magsasakang si Manuel Meriño. Nasa Hagonoy, Bulacan ang tatlo noon, sa bahay ni Manuel. Volunteer sina Sherlyn at Karen sa pag-oorganisa ng mga pesante, samantalang miyembro naman ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Bulacan si Manuel.

Ang hinala, mga elemento ng 7th Infantry Division ng Philippine Army ang dumukot sa tatlo. Pero mapanganib kung magpapahayag ang mga saksi. Noong Nobyembre 2006, tumestigo sa Court of Appeals si Oscar Leuterio para patunayan na nakita niya ang tatlo sa kustodiya ng Army. Dinukot rin kasi ng militar si Leuterio, at apat na buwang pinahirapan. Pinalaya siya sa kondisyong mananahimik.

Ayon kay Nanay Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn, may ilan pang saksi na nakakita kay Sherlyn sa kampo ng 24th Infantry Brigade (nasa ilalim ng 7th ID) ng Army sa Balanga, Bataan, Disyembre 2006. Malaki na ang tiyan noon ni Sherlyn (dalawang buwang buntis siya nang dinukot). Muli siyang nasilayan sa kampo noong Enero 2007. Maliit na ang tiyan niya.

Natatakot si Aling Cora na lumantad sa publiko, kung kaya pumirma na lamang sa sinumpaang salaysay.

***

“Palagay ko, pain si Sherlyn, kaya inilantad. Gusto nilang hulihin rin ang asawa niya,” paliwanag ni Fr. Dionito Cabillas, IFI, opisyal ng Karapatan na tumutulong sa Pamilya Cadapan.

Nitong Hunyo 25, bisperas ng unang taong anibersaryo ng pagdukot, pumunta ang isang fact-finding team sa Balanga, Bataan para muling hanapin si Sherlyn sa 24th IB. Nakakagulat, pero pinapasok sila sa kampo. Isang Maj. Segundo Metran Jr. ang sumalubong sa team, kasama ang PINOY WEEKLY. Katuwang na kumander ng 24th IB si Metran. Sanay siya sa pakikipag-usap sa mga sibilyan, bilang beteranong lektyurer hinggil sa “kasamaan ng komunismo.”

“Ang totoo niyan, banned ang Karapatan sa mga kampo ng Army,” paliwanag ni Metran. “Lagi kasi nilang hinahanap sa amin iyong mga nawawala. Mga sibilyang lumalaban sa gobyerno.”

Nang tanungin ng PINOY WEEKLY kung nasa kustodiya ng kanilang yunit, o kung naging detinido nila si Sherlyn nitong huling taon, paiwas ang tugon ni Metran. “Hindi namin iyan masasagot kasi, hindi talaga namin alam…baka maipit ang mga kasamahan namin.” Hindi na makumpirma o hayagang maitanggi na nabihag nila sina Sherlyn, Karen at Manuel, gaya ng dati.

***

Para kay Nanay Erlinda, nakapagpapalakas-loob ang mga ulat na buhay pa si Sherlyn, pero hindi siya tuluyang mapapanatag hanggang hindi niya mismong nakikita ang anak. Mahirap ang paghahanap sa mga dinukot na mahal sa buhay. Ibayong hirap sa kaso nila, dahil sila mismo ay pinagbabantaan. “‘Pag pumunta ka sa mga kampo, kakasahan ka ng baril. Bakit ayaw nila kaming papasukin kung wala silang itinatago?” himutok ni Nanay Erlinda.

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, kailangang ipagpatuloy ang paghahanap, sa kabila ng paglipas ng panahon na di pa rin nasisilayan ang mga nawawala. Sa karanasan niya bilang human rights activist, walang dapat asahan ang mga kaanak kundi ang sarili nila.

“Tulad nung kaso nina Danilo Supeña at Marivel Tablang sa Nueva Ecija — naniwala ang mga magulang nila sa militar at pulitiko, kung kaya hindi na hinanap ang mga anak nila. Isang linggo pagkatapos, natagpuang patay ang dalawa,” kuwento ng lider ng Karapatan.

Dinukot sina Supeña at Tablang, mag-asawa at dating lider ng League of Filipino Students sa Gitnang Luzon, noong Oktubre 26, 2005. Isang linggo bago sila matagpuang patay noong Nobyembre 20, 2005, nakausap ng Karapatan ang mga kaanak nila. Pinangakuan na raw sila ni Gob. Eduardo Joson at ng mga opisyal ng militar sa lugar. Ilalabas na raw ang mga dinukot, kaya huwag nang makipag-ugnayan sa Karapatan. Huwag nang mag-ingay.

*******

May nabubuong tunguhin sa mga kaso ng decaparecidos ngayon: Kinakausap ang mga kaanak ng mga biktima para huwag makipag-ugnayan sa Karapatan at huwag nang maghanap, dahil “buhay naman sa pag-iingat ng militar” ang mga hinahanap.

Pero ang mahirap dito, ani Hilao-Enriquez, nagagamit lamang ang mga kaanak sa lalong pag-ipit sa mga taong dinukot para “makipagtulungan” sa militar. Halimbawa nito si Sherlyn, na malamang ay lalong napepresyur ngayon dahil alam niyang madadamay ang mga kaanak niya kung hindi siya makikipagtulungan sa militar.

Samantala, batid ni Nanay Erlinda na hindi siya nag-iisa. Katunayan, sa mga nakaraang paghahanap sa mga kampo, kasama niya ang mga kaanak ng iba pang decaparecido. “Hindi lamang sina Sherlyn at Karen (ang hinahanap ko ngayon) kundi pati na rin ang iba pang biktima. Habang naghahanap kami, naiintindihan ko ang ipinaglalaban ng mga aktibista. Totoo ang kanilang sinasabi at sila ang gumagampan ng hindi magawa ng gobyerno sa kanayunan.”

Patuloy mang nawawala si Sherlyn, hindi pa rin siya naglalaho, kinakatawan siya ng kanyang ina. Malakas na kumakatok sa ating puso. Hanggang ang kanilang simulain ay pagbuksan natin at tuluyang tanggapin.

(You may also want to read the  followup story on alleged surfacing of Sherlyn, written November 2007.)

Standard

4 thoughts on “Four years

  1. Pingback: Four years (via Reportage, etc.) « The Heidi Effect

  2. Pingback: Pagsabog ng Impormasyon « Kapirasong Kritika

  3. Pingback: Apat na Taon nang Nawawala « Kapirasong Kritika

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s