Armed conflict, Human Rights

Pahimakas ni Rambo

Rei Mon Guran (Larawan mula sa Facebook page para kay Rei Mon)

Kaarawan ni Rei Mon “Rambo” Guran ngayon. Araw ng pagkamatay niya bukas. Si Rambo ay isang lider-estudyante at mahal na anak. Isa rin siyang iskolar ng bayan. Naging aktibo siya sa League of Filipino Students. Noong Hulyo 31, 2006, walang awang pinagbabaril si Rambo, habang nakasakay sa bus, papuntang eskuwela. Isa siya sa mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang noong panahon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Hanggang ngayon, hustisya pa rin ang hangad ng mga kaanak ni Rambo, hindi lamang sa mismong kumalabit sa gatilyo ng baril na kumitil sa buhay niya, kundi sa mga arkitekto ng mapaniil na mga polisiyang kontra-insurhensiya na pinupuruha’y mga sibilyang tulad ni Rambo.

Narito ang kuwento ng pagpaslang kay Rambo, unang nailathala sa Pinoy Weekly noong Nobyembre 2006.

Pahimakas ni Rambo

Bakit pinapaslang ang kabataang tulad ni Rei Mon Guran?

Kenneth Roland A. Guda
Pinoy Weekly, Nobyembre 22-28, 2006

Kahit napuyat sa salu-salo noong nakaraang gabi, pinilit pa ni Rei Mon Guran – kilala rin bilang “Rambo” o “Ambo” — na gumising nang maaga para makapasok sa eskuwela noong umaga ng Hulyo 31. Tatlong oras ang biyahe mula sa Bulan, Sorsogon patungong Legazpi City.  Kaya alas singko pa lamang, nagpahatid na si Rambo sa amang si Mang Arnel sa terminal ng bus.

Noong nakaraang gabi, lubos ang saya ni Rambo sa pagdiriwang ng 21-taong kaarawan. Ilang buwan matapos mapaslang ang kaibigan at kasamahan sa LFS (League of Filipino Students) na si Cris Hugo sa Legazpi, maraming kaibigan at kamag-anak ang nagpayo sa kanya na maghinay-hinay na muna sa aktibismo.

Ito mismo ang payo ni Mang Arnel sa anak. Bilang lider ng LFS sa Aquinas University sa Legazpi, may kutob si Mang Arnel na isa ang anak niya sa maaaring sumunod na target. Alam ng ama kung paano mag-isip ang militar, dahil minsan na siyang naging sundalo.

“Pero naging matigas si nonoy (tawag sa anak na lalaki sa Bikol). Sabi niya sa text: ‘Kung pagkamatay ko ang ikaliligaya ng mga kaaway, bahala na sila sa akin.’ Sabi ko sa kanya, ‘Huwag naman ganyan, anak.’ Marami ka pang magagawa,” kuwento ni Mang Arnel.

Maraming plano sa buhay si Rambo, at handang isakripisyo ni Mang Arnel ang lahat para matupad ang mga iyon. “Gusto kong maging abogado,” wika minsan ni Rambo sa ama.

“Sige, anak. Pagretiro ko, may makukuha akong pera. Puwede mong gamitin.”

“Pero,” pahabol ni Rambo, “huwag niyong asahang yayaman tayo, dahil walang human rights lawyer na umaangat ang kabuhayan.”

Sa ika-21-taong kaarawan ni Rambo, ibinalato ni Mang Arnel ang traysikel sa anak. “Gamitin mo na ito. Kung wala kang masyadong ginagawa, puwede kang mamasada dito sa atin. Dagdag sa allowance mo,” sabi ng ama.

Si Rei Mon, mukhang pagtapos niya sa elementarya. (Larawan mula sa Facebook page alay kay Rei Mon)

Matalino at madiskarte si Rambo.  Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna, ngunit napilitang bumalik sa Bikol dahil nagkaproblema sa karelasyon. Pero kahit noong nasa UPLB, aktibista na siya. Mahilig din siyang magsulat. Katunayan, nang makialam ang administrasyon ng UPLB sa pagpapatakbo ng Perspective, publikasyon ng mga estudyante,  isa si Rambo sa mga nagtaguyod sa paglalabas ng alternatibong pahayagang Rebel Perspective.

Nang malipat sa Aquinas University sa Legazpi, ipinagpatuloy ni Rambo ang pagiging aktibo sa LFS. Kahit delingkuwente sa eskuwela, naging paborito siya ng mga propesor at kaklase dahil kenkoy at mapagkaibigan. Nitong unang semestre ng 2006, pinasok ulit ni Rambo ang peryodismo. Nag-aplay siyang correspondent ng pahayagang pangkampus, ang Pegasus. Madaling nakapasa si Rambo. Kahit bago pa lang, marami siyang naisulat  – kadalasa’y pampulitikang analisis sa mga isyung pambayan. Dahil dito at sa kanyang pagiging tagapagsalita ng LFS, tumanyag nang husto si Rambo.

Noong gabi ng kanyang kaarawan, bago siya bumalik patungong Aquinas, pansin na ng mga kaibigan ni Rambo ang matitikas na lalaking umaali-aligid sa labas ng bahay. Katunayan, nang dumaan sila pauwi, binati pa sila. “Naki-bertdey kayo kay Ambo?” Kumaripas sa takot ang mga kaibigan ni Rambo.

Kinaumagahan nga, nagpahatid si Rambo sa ama sa terminal. Naghihintay ang eskuwela, ang mga aralin, ang mga gawain sa LFS: Dapat na maagang masimulan ang linggo.

Sa pinakadulo ng bus, iniupo ni Mang Arnel ang anak. “Low profile ka lang sa biyahe,” tagubilin ng ama kay Rambo. Iniwan ni Mang Arnel si Rambo na nagbabasa ng librong Harry Potter at nakikinig ng musika sa kanyang I-Pod habang naghihintay na pag-alis ng bus.

Kararating pa lamang sa bahay ni Mang Arnel nang ibalita sa kanya ng mga kapitbahay: Pinagtatadtad ng bala si Rambo sa loob ng bus! Takbo siya pabalik ng terminal, kasama ang dalawa pang anak. Inabutan ni Mang Arnel ang duguang si Rambo, lupaypay sa upuan.

“Ano ang ginawa ninyo sa anak ko?” tanong niya sa isang pulis na nagbabantay. Gusto pa ng mga kapatid na itakbo si Rambo sa ospital, ngunit nang makita ni Mang Arnel ang dalawang tama sa dibdib, sa panga at sa likod, alam niyang wala na ang panganay na anak.

Sa pakikipag-usap sa mga saksi, napag-alaman ni Mang Arnel ang mga pangyayari: Isang matikas na lalaki ang umakyat sa bus, tumungo sa kinauupuan ni Rambo, tumango sa matikas ding lalaking katabi ng anak, at saka tinadtad ng bala ang aktibista. Pagkatapos, tahimik na bumaba ang lalaki, pati ang tinanguang lalaki, habang nagsisigawang pababa ang mga pasahero.

“Nakapanghihinayang ang buhay ni Rambo,” ani Mang Arnel. “Pero ipinagmamalaki naming nagkaroon kami ng anak na tulad niya. Masaya kaming nagkaroon ng anak na di namin ikinahihiya, na itinuturing ng marami na bayani at huwarang kabataan.”

Note: Matapos lumabas ang artikulong ito, lumabas din ang artikulo ko sa PW hinggil sa paggawad diumano ng “rebolusyonaryong hustisya” sa isang yunit ng Army na diumano’y may kinalaman sa pagpaslang kay Rambo.

Kuha ang mga larawan sa itaas mula sa Facebook page na alay kay Rei Mon.

Standard
Human Rights

Kung ano ang sinasabi ng mga puno ng Kananga sa pagpatay kina Leonardo Co

Nakatingala sila sa isang puno, pinagmamasdan ang mga dahon, tanghaling tapat ng Nobyembre 15.

Nasa isang masukal na gubat sa Kananga, Leyte ang field work team ni Leonardo Co. Isang tanyag na taxonomist – o siyentistang nagkaklasipika ng mga tanim at puno – si Leonard. Nangongolekta sila ng seedlings ng mga puno sa lugar. Pangkaraniwang gawain na ito ng mga siyentistang tulad niya.

Kasama niya ang kanyang mga guide at katuwang sa pananaliksik na sina Sofronio “Ponyong” Cortez, Julius “Oyong” Borromeo, Policarpio “Carping” Balute, at Ronino “Niño” Gibe. Nasa gitna sila ng munting palaisipan: Tanguile ba o isang specie ng Shorea ang punong tinitingala? Nalito sila, dahil may nakitang terminal bud ng Shorea sa ibaba ng puno. Pero mukha namang Tanguile, isang tanyag na hardwood, ang puno.

Nakatingala sila sa isang puno, pinagmamasdan ang mga dahon, nang magsimula ang pamamaril.

Interogasyon habang agaw-buhay

Nang matapos ang pamamaril, natagpuang patay ang tanyag na taxonomist na si Leonard. Gayundin sina Ponyong at Oyong. Nakatakas, pero may malalim na sugat sa kalooban, sina Carping at Niño.

Mula sa mga pahayag ni Carping sa midya, sinumpaang salaysay ni Niño na sinumite sa Commission on Human Rights, gayundin sa pag-aaral ng isang independiyenteng fact-finding team na pinamunuan ng grupong Agham (Science and Technology for the People), maaaring mabuo ang mga sirkumstansiya ng pamamaril.

Tatlong araw na silang nasa field work noong Nobyembre 15. Sakop ng operasyon ng isang geothermal plant ng Energy Development Corporation o EDC sa Kananga ang lugar ng pag-aaral nina Leonard. Dating pinatatakbo ng Philippine National Oil Company na pag-aari ng gobyerno, ngayo’y isang pribadong kompanyang pag-aari ng pamilyang Lopez ang EDC.

Tamang tama, konsultant ng EDC sa biodiversity si Leonard, kung kaya may akses siya sa kagubatang kinasasakupan ng operasyon ng planta. Nandoon siya para mangolekta ng seedlings ng mga matatayog na puno sa bahaging ito ng bansa.

Nakatingala sila sa isang puno, inaaral ang mga dahon, nang may magpaputok sa likod ng grupo. Agad na nakatago si Niño. Sa lumabas na mga pahayag niya sa midya, sinabi naman ni Policarpio na nakatakbo siya. Pero sina Leonard, Sofronio at Julius ang tinamaan. Mula sa mga pahayag nina Niño at Policarpio, mistulang pinaulanan sila ng bala. Parang umaangat ang lupa, anila, sa pagtalop ng bala sa lupa. Tumatalsik ang balat ng puno. Habang nakadapa, hindi maiangat ni Niño ang kanyang ulo sa takot na madaplisan ng bala.

Nang matapos ang pagpapaputok – 20 minutos iyon, bagamat ayon sa militar ay 10 hanggang 12 minuto lamang – lumapit ang mga sundalo. Kinuwestiyon si Niño: Nasaan na ang mga kasamahan n’yong armado? Bakit nandito kayo? Bakit may drowing kayo ng lugar? Bakit may GPS kayo? Lumalabas na tumagal mahigit isang oras ang pagtatanong.

Ibinaba sila, alas-dos na ng hapon. Binitbit sila ng mga sundalo, at ibinaba sa nalalapit na pad (isang sementadong clearing na dinebelop ng EDC), tinatawag na “Pad 403,” at doon naghihintay na ang mga tauhan at sasakyan ng EDC.

Pumanaw na sina Leonard noon. Patay na rin si Ponyong. Ngunit sugatan pa si Oyong, ayon mismo sa militar. Dumadaing pa umano si Oyong, matapos ang putukan. Posibleng dahil isang oras pa ang lumipas, isang oras pang nagsagawa ng interogasyon ang militar, pumanaw din malaon si Oyong.

Mula sa Pad 403, sa pagitan ng alas-dos at 4:30 ng hapon, dinala ng sasakyan ng EDC at ilang sundalo ang tatlong bangkay sa himpilan ng pulisya para ipa-blotter ang kaganapan. Mula sa himpilan, dinala sa ospital para ideklarang patay, at saka dinala sa punerarya.

Di agad nakapag-imbestiga ang pulis at Leyte SOCO sa lugar ng insidente. Ayon kay Senior Insp. Joel Camacho, hepe ng PNP sa Kananga, kinabukasan ng alas-11 ng umaga na unang naimbestigahan ang lugar at nakapagsagawa ng forensic examination sa lugar ang SOCO. Dahil umano ito sa “hot pursuit operations” na ginagawa pa ng militar noong hapon ng Nobyembre 15, matapos mabaril sina Leonard.

Continue reading

Standard
Human Rights

Tortyur sa Kampo Capinpin

The gate inside the main gate of the detention center in Camp Capinpin. This barbed wired gate leads to an inner gate where the visitors are frisked -- Sen. Pia Cayetano admitted to feeling a bit uncomfortable by the frisking, and she's not even a detainee. This gate leads to two doors: for male and female detainees.

(Unang inilathala sa Pinoy Weekly Online)

Sa tarangkahan ng detention center, makikita ang tila magkasalungat na mga karatula. Nandoon ang arkong “Welcome” na malugod na tumatanggap sa mga bisita. Sa kaliwa’t kanang bahagi ng tarangkahang ito, tila pahiyaw na nagtataboy sa sinumang gustong lumapit: “Restricted Area KEEP OUT!”

Gayunman, sa araw na iyon, Pebrero 11, nangahas ang grupo ng mga doktor at abogado na bumisita. Ikalimang araw ng pagkakakulong ng 43 manggagawang pangkalusugan na nagsasagawa ng pagsasanay-medikal sa Morong, Rizal noong Pebrero 6. Limang araw na noong nakapiit sila sa detention center na ito sa Camp Capinpin ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa Tanay, Rizal, ngunit di pa sila nakakakita ng abogado.

Limang araw na ring kumakatok sa tarangkahan ng kampo ang mga abogado, pero palaging itinataboy. Sa pagkakataong ito, kasabay nila sina Sen. Pia Cayetano at Chairperson Leila de Lima ng Commission on Human Rights (CHR), para marahil lumambot ang puso ng tigasing mga sundalo at papasukin na sila.

Actually, nung ine-interrogate sila, Sabado at Linggo (Peb. 6 at 7), nandun lang kami sa labas. Hindi kami pinapasok,” kuwento ni Atty. Julius Matibag, isa sa mga abogado ng 43. Isa lamang umano ito sa pinakabatayang karapatan ng mga detinidong nilabag ng militar: ang karapatang manahimik at mapayuhan ng independiyente at may-kakayahang abogado.

Sa tulong ng dalawang opisyal ng gobyernong kasama sa pagpasok, matagumpay na nabisita ng mga abogado ang 43 noong araw na iyon. At sa pakikipag-usap nila sa mga detinido, nalaman nilang hindi lang ang kawalan ng abogado ang karapatang nilabag ng mga sundalo. Marami pang nilabag. Maraming marami pa.

Bantay-sarado, bugbog-sarado

Mula sa tarangkahang tila magkasalungat na karatula, nakapasok ang mga bisita (kasama ang ilang mamamahayag at Pinoy Weekly) at pinadiretso sa isa pang gate, puno ng barbed wire at bantay na sundalo. Mula rito, isa pang tarangkahan papasok, bantay sarado ng mga sundalong nangangapkap. Ipinaiiwan ang mga telepono’t kamera. Mula rito, makikita ang magkahiwalay na pintuan ng kalalakihan at kababaihan.

“Hiwa-hiwalay sila. May ibang mag-isa lang sa kulungan. May kulungang may dalawa, may tatlo, may apat,” ani Matibag.

Nang makita sila ng mga detinido, ani Matibag, naiyak ang ilan. Matagal na raw nilang hinihiling ang abogado pero hindi nila sila nakakakita. Kabilang sa psywar ng mga sundalo ang pagsabing wala namang nakakaalam na nandoon sila, o wala namang pakialam ang kanilang mga organisasyon dahil hindi naman sila umaayuda at nagpapadala ng abogado. Sa pagbisita ng mga abogado’t doktor, napatunayang nagsisinungaling ang mga sundalo.

Sa presensiya ng mga sundalo, halos pabulong na naikuwento ng ilan sa 43 ang kanilang sinapit. “Pagod na pagod na kami,” sabi ng isang babaing detinido. “Kailangan namin ng kausap, dahil wala kaming ginagawa rito,” sabi naman ng isa.

Higit pa rito ang naranasan ng ilan. Mahihinuha sa mga kuwento ng mga detinido na sa unang dalawang araw, mula tanghali ng Pebrero 6 hanggang gabi ng Pebrero 7, hindi sila pinatulog. Tuluy-tuloy ang interogasyon, walang patid. Sa buong panahon, nakapiring ang kanilang mga mata, nakaposas na plastik (“Parang iyong mabibili mo sa hardware,” sabi ng isa) ang kanilang mga kamay. Walang kain-kain.

Sa buong panahong ito, walang alam ang 43 kung bakit sinalakay ng mga sundalo ang kanilang pagsasanay-medikal at inaresto sila. “Walang nagsasabi sa amin kung ano ang nangyayari,” sabi ng isa sa mga detinido.

Leila de Lima and Sen. Cayetano talk with an Army commander.

Interogasyon

“Paulit-ulit ang mga tanong,” kuwento ni Dr. Alexis Montes, isa sa mga dinukot sa Morong, sa pagdinig ng Court of Appeals sa petisyong writ of habeas corpus noong Pebrero 15. “Tinatanong kung kilala ko ba raw si Tirso Alcantara, si Ka Bart.” Kilalang lider ng New People’s Army sa Timog Katagalugan si Alcantara. Sa panahong ito, tila nabubuo na sa isip ni Montes. Inaakusahan sila ng mga sundalo na mga rebelde sila.

Siyempre, tinanggi niya ang mga paratang. “Ang huling hawak ko ng baril ay noong nag-ROTC (Reserved Officers Training Corps, isang required na sabdyek sa kolehiyo) pa ako. Matagal na panahon na iyon,” sabi ng 62-taong-gulang na surgeon at volunteer doctor ng Council for Health and Development (CHD).

Ayon kay Matibag, may ilang detinido na nakapagkuwento na sinuntok sila sa dibdib noong interogasyon. Karamihan sa mga pisikal na sinasaktan ay ang mga lalaki. Mayroong sinasapok, pinipilipit ang braso, pinaaamin na mga miyembro sila ng NPA. “Kung hindi kayo aamin, ibabaon namin kayo sa hukay,” kinuwento ng isang detinido  na sabi umano ng isang interrogator. “Yung pamilya niyo, baka may masama nang mangyari sa kanila.”

“Kapag napagod na sila dun, ang sinasabi naman nila, makipagtulungan na lang sa mga sundalo. Ang mga sundalo na raw ang bahala sa kanila, bibigyan daw sila ng pera,” kuwento ni Matibag.

Pero nanindigan ang mga detinido. Mga community health worker lang daw sila. Nagpatuloy ang interogasyon. Sa mga lalaki, patuloy ang pananakit. Mayroong nag-ulat na hinawakan ang kanilang mga bayag. Pinipitpit, pinitik-pitik. Sa kababaihan, may nakapag-ulat namang nahipuan sila. Nakapiring kasi, kaya hindi nila tiyak kung sadya, o kung lalaki o babae ang nanghihipo. Basta ang tiyak, nahaharas sila. Ramdam nilang wala silang kalaban-laban. Wala silang kapangyarihan.

Midwife and detainee Teresa Quinawayan, in a brief reunion with daughter during the hearing at Court of Appeals on February 15. (Photo courtesy of Dr. Geneve Rivera-Reyes of HEAD)

Kung may kailangang umihi, pinapayagan naman. Pero hindi inaalis ang piring at posas. Pinauupo sila – o pinatatayo, sa kaso ng mga lalaki. Ang sundalo na ang bahalang magbaba ng kanilang salawal at underwear. Ang ibang babae, nag-ulat pang ang mga sundalo pa raw ang nagpunas ng kanilang ari. Tumindi ang kanilang pakiramdam ng kawalang-kapangyarihan.

Si Dr. Montes, pinaupo sa isang upuan. “May nilagay sila sa ulo ko,” kuwento niya sa korte. “May mga nagbubulungan sa mga sundalo…May naamoy akong mabangong amoy…Pagkatapos, naramdaman ko na lamang na namanhid ang braso’t paa ko. Naantok na ako.”

Sinabi ni Montes sa mga abogado na pakiramdam niyang kinuryente na siya noon. Pagkatapos, hindi siya makatayo. Kinailangan pa siyang itayo ng mga sundalo.

Mahigit 24 oras silang walang kain. Pinainom siya ng tubig, sabi ni Montes. Pero may naramdaman siya sa kanyang labi na parang granules. “Palagay ko may nilagay na gamot.”

Mabilisang inquest

Nagpatuloy ang mga interogasyon hanggang hapon ng Linggo, Pebrero 7. Tantiya ni Montes, mga alas-sais na noon ng gabi nang tanggalin ang kanilang piring at posas, at iniharap silang lahat sa piskal. Nagsagawa ng roll call sa mga detinido. “Kinakasuhan kayo ng illegal possession of firearms and explosives,” sabi umano ng piskal. Saka sila ibinalik sa detensiyon.

Samantala, magmula pa noong Sabado’y nagbabantay na ang mga abogado, doktor at mga kaanak sa labas ng Camp Capinpin. Habang naghihintay sila sa labas, walang patid naman ang interogasyon sa 43 detinido. Walang patid ang pagpapahirap.

Kinabukasan, Pebrero 8, nagawang bisitahin ni De Lima ng CHR ang detention center at nakausap ang ilang mga detinido. Nakabisita na rin ang ilan sa mga kaanak at doktor. Pero hindi pa rin pinayagan ang mga abogado.

Noong Huwebes, Pebrero 11 pa lamang nakausap ng mga abogado ang mga detinido. Alas-siyete ng umaga, nasa labas na sila ng kampo. Lampas alas-nuwebe na nang papasukin. Pinahintay sa isang holding area. Mabait ang mga sundalo: aircon ang lugar at may libreng kape at tubig.

Magtatanghali na nang makapasok ang mga abogado. Sa unang pagkakataon, nakausap nila ang kanilang mga kliyente. Nakausap nila ang 42 detinido – kulang ng isa. “Binilang namin ang mga babae. Kumpleto, 26 sila. Binilang namin ang mga lalaki. 16, kulang ng isa,” kuwento ni Matibag. Tikom ang bibig ng warden sa kung nasaan ang isa.

Pero sa pagpupumilit ng mga abogado, napaamin ang warden: Isang oras bago pumasok ang mga abogado sa detention center, ipinuslit na ng isang Col. Zaragoza ang detinidong si Valentino Paulino. Iniharap sa midya sa isang lugar sa Rizal. Dito umamin diumano si Paulino na rebelde siya, at hinihikayat ang mga kasamahang umamin na rin. “Tiyak na tinortyur din siya,” sabi ni Matibag. Sa labis na pagpapahirap, sinasabing kayang umamin ninuman ng anumang krimen na pinaparatang sa kanya – kahit na wala siya roong kinalaman.

Pinuslit ng mga sundalo si Paulino mula sa detention center habang naghihintay ang mga abogado sa holding area, nagkakape.

“(Human rights) violation yun (pagpuslit kay Paulino),” paliwanag ni Matibag. “Kasi ang isang detainee ay hindi maaaring ilipat mula sa ilang lugar nang walang court order. At hindi pa pinaaalam sa mga abogado, samantalang mula umaga pa lang nandun na kami. In fact, kausap namin sila (Zaragoza) noong umaga pa lang.”

Sa kabila ng pagmamaniobra ng mga sundalo at mga public prosecutor ng Office of the Solicitor General, nagtagumpay ang mga abogado na pagsalitain si Montes sa harap ng Court of Appeals noong Pebrero 15. Sa unang pagkakataon, personal na isinalaysay ng isa sa tinaguriang “Morong 43” ang pagpapahirap na dinanas nila sa kamay ng mga sundalo. Tumanggi ang mga public prosecutor na magsagawa ng cross-examination kay Montes.

Sa korte, habang nagsasalaysay si Montes, halatang buhay ang diwa ng mga detinido. Taimtim silang nakikinig. Ang iba, nakapikit – marahil iniisip ang pagpapahirap din sa kanila. Sa wakas, napakinggan sila.

Sa huli, nang tanungin ni Atty. Romeo Capulong (pangunahing abogado ng mga detinido) si Montes kung ano pa ang masasabi niya, biglang natahimik si Montes. Nagsimula na sana siyang magsalita nang matigilan. Tinakpan niya ng panyo ang mukha, tila napapaluha. “Wala na po akong masabi…”

Pagkatapos ng pagdinig, isa-isang nilabas ang Morong 43. May isang bantay na sundalo bawat isa sa kanila. Nakaposas sa kamay ng sundalo ang isang kamay ng detinido. Pero libre ang isang kamay. Libreng ihubog para maging kamao.

Sa labas ng korte, nagpoprotesta ang mga tagasuporta ng mga detinido. Sa unang pagkakataon, nasilayan nila, kahit saglit, ang Morong 43. Malaking ngiti ang gumuhit sa mukha ng mga detinido, sabay bigwas ng kamao sa kalangitan.

Standard
Human Rights

Sakada sa Asyenda Luisita

(Sinulat ko ang artikulong ito noong Disyembre 2004, ilang linggo matapos ang masaker sa mga nagwewelgang manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Matapos ang masaker, nasagap namin ang usap-usapan sa asyenda na may mga sakadang nakahimlay sa mga kubol na malapit sa piketlayn ang namatay din sa putukan. Isang bata umano na anak ng isa sa mga sakada ang namatay nang ma-suffocate ng tear gas na ipinasabog ng mga pulis at militar na nagdispers sa mga welgista. Nang makita umano ng sakadang ama ng bata ang kanyang anak, naghuramentado ito at tumakbo patungo sa mga sundalo, bitbit ang itak na pangtapyas sa tubo. Binaril umano siya ng mga sundalo. Ayon pa sa kuwento, upang itago ang katawan ng mga sakadang nasawi, sinunog ng mga guwardiya ng asukarera ang katawan ng mga ito sa isa sa mga incinerator na pansunog ng mga tuyong tubo sa loob ng asukarera.

Hindi nakukumpirma ang istoryang ito hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, napuntahan ko at ilang mga mamamahayag ang isang kubol na pinaghihimlayan ng mga sakada ilang linggo matapos ang masaker. Iniinterbyu namin ang mga sakada nang dumating ang diumano’y superbisor nila at pinagtabuyan kami. )

Sakada sa Hacienda Luisita (Kuha ni Boy Bagwis noong Nob. 2004)

Continue reading

Standard
Human Rights

Pagbabalik ng Manobo sa Lianga (Part 1, Paghahanda)

Agosto 29, huling araw ng mga Manobo sa evacuation center sa Diocesan Pastoral Center sa Tandag, Surigao del Sur. Kumpirmadong napalikas na ang mga militar na nanirahan sa kanilang mga tahanan sa Lianga, Surigao del Sur. Nagsagawa ang pari ng misa ng pasasalamat. Iniligpit na ang mga gamit. Nagluto na ng mababaon. Maagang natulog. Handa na sila.

Ilan sa mga tolda sa Diocesan Pastoral Center sa Tandag, Surigao del Sur. Umaga bago ang pagbabalik ng mga Manobo sa kanilang mga tahanan at komunidad sa bulubunduking bahagi ng probinsiya sa Lianga.

Ilan sa mga tolda sa Diocesan Pastoral Center sa Tandag, Surigao del Sur. Umaga bago ang pagbabalik ng mga Manobo sa kanilang mga tahanan at komunidad sa bulubunduking bahagi ng probinsiya sa Lianga.

Continue reading

Standard
Human Rights, PW Editorials

Panahon na para maningil ng utang na dugo

justice-for-rebelyn1

Tinatanong pa ba kung sino ang unang dapat imbestigahang suspek sa pagdukot, pagtortyur, paggahasa at pagpatay sa 20-taong-gulang na si Rebelyn Pitao?

Hindi ito ang una, at sigurado’y hindi ito ang magiging huling kaso ng karumaldumal na krimen laban sa isang walang kalaban-labang sibilyan. Alam iyan ng sinumang sumubaybay sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa sa huling walong taon. Kaya naman hindi natin magagawang paniwalaan na magugulat pa si Maj. Randolph Cabangbang na tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na sinususpetsahan ng ordinaryong mga mamamayan sa Davao ang militar na siyang may kagagawan sa sinapit ni Rebelyn.

“Ipinag-aalala namin ito. At nababagabag kami,” sabi ni Cabangbang. Pero ano pa ba ang dapat ikagulat? Bakit ngayon lang mababagabag? Halos isanlibong aktibista at sibilyan na ang napapaslang. Halos dalawandaan naman ang nadukot, walang nakakaalam o umaaming nakakaalam sa kanilang kinahinatnan. Mayorya sa mga kasong ito, may malakas na patunay na mga elemento ng Armed Forces ni Cabangbang ang may pakana. At ngayon lang siya mag-aalala? Ngayon lang siya magpapaimbestiga?

Kaya naman hindi natin maaaring paniwalaan na lamang na lalabas pa ang katotohanan sa mga tulad ni Cabangbang. Hinding hindi niya ipagkakanulo ang sariling organisasyon na sa maraming pagkakatao’y napatunayang nagpapatupad ng organisadong kampanya para likidahin ang mga aktibista sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Wala pang ebidensiya na napangibabawan na ng militar ang tinawag ni UN Special Rapporteur Prop. Philip Alston na “state of denial” sa pagkakasangkot nito sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Katunayan, kabaligtaran pa nga ang nagaganap – patuloy na kinakanlong ng Punong Ehekutibo ang ilan sa itinuturong nangungunang lider-militar sa implementasyon ng mga pamamaslang at pagdukot: si Jovito Palparan, na sa kabila ng madugong rekord ay palaging pinaghahanapan ng puwesto sa sibilyang burukrasya; si Hermogenes Esperon, na – sa isang hakbang na mistulang pangungutya sa lahat ng biktima ng giyera kontra insurhensiya – tinalaga pa bilang tagapayo ng Pangulo sa prosesong pangkapayapaan; at si Delfin Bangit, ang “emperador” ng mga maninitktik ng militar na isa sa itinuturong nasa likod sa pagtago sa dinukot na aktibistang si Jonas Burgos, at sa diumano’y lider-rebelde na si Leo Velasco.

Pinaslang si Rebelyn, tiyak, dahil anak siya ni Leoncio “Kumander Parago” Pitao na lider ng New People’s Army sa Timog Mindanao na matagal nang pinanggigigilang mahuli ng AFP. Magmula nang mahuli ng yunit ng NPA na pinamumunuan ni Kumander Parago si Gen. Victor Obillo at si Capt. Eduardo Montealto noong Pebrero 1999, sunud-sunod nang kahihiyan ang natamo ng AFP. Nahuli ng militar si Parago noong Nobyembre 1999, ngunit kalauna’y napalaya sa korte. Sa loob ng halos isang dekada, pinalakas ni Parago ang NPA. Walang taong lumampas na hindi nakapaglunsad si Parago ng matagumpay na aksiyong militar laban sa AFP.

Noong Disyembre 2008, ipinagmalaki ni Maj. Gen. Jogy Leo Fojas ng 10th Infantry Division ng Army na “lumiliit ang espasyong” kinikilusan ni Parago – malapit na umano siyang mahuli ng mga yunit ng AFP doon. Kampante masyado si Fojas na mahuhuli si Parago; nagtakda pa siya ng dedlayn sa katapusan ng taon para mahuli ang kumander. Di na kailangang sabihing muling nabigo ang militar sa pangakong ito.

Kahihiyan ng militar ang nakataya sa mga operasyong militar laban kay Parago at sa NPA sa Timog Mindanao – kahihiyang malamang na nagtulak sa kanilang tugisin ang mga kaanak ng kumander para mahikayat si Parago na kusang sumuko. Noong Hunyo 2008, pinagbabaril ng armadong kalalakihan sa Tagum City si Danilo Pitao, kapatid ni Parago na nagtatrabaho bilang empleyado ng provincial capitol sa Davao del Norte. Nabalita ring namuntikan nang mapuruhan si Ryan Pitao, anak ni Parago, noong nakaraang taon. Isiniwalat din ni Rio Pitao, isa pang anak na babae ng kumander, na pansin niya ang pagmamanman sa kanya ng misteryosong kalalakihan.

Matagal nang nanganganib ang mga kaanak ni Parago sa AFP na gigil sa dugo ng kumander. Kung kaya kung mayroon mang unang iimbestigahan bilang suspek sa karumaldumal na krimeng ginawa kay Rebelyn, tiyak na militar dapat ito. Nakakagalit ang pagmamaang-maangan ni Cabangbang dahil ginagawa niya tayong tanga na walang sariling pag-iisip, walang kakayahang makonekta ang mga bagay-bagay at maiturol ito sa kanyang kinabibilangang pasistang organisasyon.

Pero may sariling isip ang taumbayan. May sarili rin itong kapasyahang igiit ang katarungan.

(Editoryal na sinulat ko sa isyu ngayong linggo ng Pinoy Weekly)

Standard