Armed conflict, Human Rights

Pahimakas ni Rambo

Rei Mon Guran (Larawan mula sa Facebook page para kay Rei Mon)

Kaarawan ni Rei Mon “Rambo” Guran ngayon. Araw ng pagkamatay niya bukas. Si Rambo ay isang lider-estudyante at mahal na anak. Isa rin siyang iskolar ng bayan. Naging aktibo siya sa League of Filipino Students. Noong Hulyo 31, 2006, walang awang pinagbabaril si Rambo, habang nakasakay sa bus, papuntang eskuwela. Isa siya sa mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang noong panahon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Hanggang ngayon, hustisya pa rin ang hangad ng mga kaanak ni Rambo, hindi lamang sa mismong kumalabit sa gatilyo ng baril na kumitil sa buhay niya, kundi sa mga arkitekto ng mapaniil na mga polisiyang kontra-insurhensiya na pinupuruha’y mga sibilyang tulad ni Rambo.

Narito ang kuwento ng pagpaslang kay Rambo, unang nailathala sa Pinoy Weekly noong Nobyembre 2006.

Pahimakas ni Rambo

Bakit pinapaslang ang kabataang tulad ni Rei Mon Guran?

Kenneth Roland A. Guda
Pinoy Weekly, Nobyembre 22-28, 2006

Kahit napuyat sa salu-salo noong nakaraang gabi, pinilit pa ni Rei Mon Guran – kilala rin bilang “Rambo” o “Ambo” — na gumising nang maaga para makapasok sa eskuwela noong umaga ng Hulyo 31. Tatlong oras ang biyahe mula sa Bulan, Sorsogon patungong Legazpi City.  Kaya alas singko pa lamang, nagpahatid na si Rambo sa amang si Mang Arnel sa terminal ng bus.

Noong nakaraang gabi, lubos ang saya ni Rambo sa pagdiriwang ng 21-taong kaarawan. Ilang buwan matapos mapaslang ang kaibigan at kasamahan sa LFS (League of Filipino Students) na si Cris Hugo sa Legazpi, maraming kaibigan at kamag-anak ang nagpayo sa kanya na maghinay-hinay na muna sa aktibismo.

Ito mismo ang payo ni Mang Arnel sa anak. Bilang lider ng LFS sa Aquinas University sa Legazpi, may kutob si Mang Arnel na isa ang anak niya sa maaaring sumunod na target. Alam ng ama kung paano mag-isip ang militar, dahil minsan na siyang naging sundalo.

“Pero naging matigas si nonoy (tawag sa anak na lalaki sa Bikol). Sabi niya sa text: ‘Kung pagkamatay ko ang ikaliligaya ng mga kaaway, bahala na sila sa akin.’ Sabi ko sa kanya, ‘Huwag naman ganyan, anak.’ Marami ka pang magagawa,” kuwento ni Mang Arnel.

Maraming plano sa buhay si Rambo, at handang isakripisyo ni Mang Arnel ang lahat para matupad ang mga iyon. “Gusto kong maging abogado,” wika minsan ni Rambo sa ama.

“Sige, anak. Pagretiro ko, may makukuha akong pera. Puwede mong gamitin.”

“Pero,” pahabol ni Rambo, “huwag niyong asahang yayaman tayo, dahil walang human rights lawyer na umaangat ang kabuhayan.”

Sa ika-21-taong kaarawan ni Rambo, ibinalato ni Mang Arnel ang traysikel sa anak. “Gamitin mo na ito. Kung wala kang masyadong ginagawa, puwede kang mamasada dito sa atin. Dagdag sa allowance mo,” sabi ng ama.

Si Rei Mon, mukhang pagtapos niya sa elementarya. (Larawan mula sa Facebook page alay kay Rei Mon)

Matalino at madiskarte si Rambo.  Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna, ngunit napilitang bumalik sa Bikol dahil nagkaproblema sa karelasyon. Pero kahit noong nasa UPLB, aktibista na siya. Mahilig din siyang magsulat. Katunayan, nang makialam ang administrasyon ng UPLB sa pagpapatakbo ng Perspective, publikasyon ng mga estudyante,  isa si Rambo sa mga nagtaguyod sa paglalabas ng alternatibong pahayagang Rebel Perspective.

Nang malipat sa Aquinas University sa Legazpi, ipinagpatuloy ni Rambo ang pagiging aktibo sa LFS. Kahit delingkuwente sa eskuwela, naging paborito siya ng mga propesor at kaklase dahil kenkoy at mapagkaibigan. Nitong unang semestre ng 2006, pinasok ulit ni Rambo ang peryodismo. Nag-aplay siyang correspondent ng pahayagang pangkampus, ang Pegasus. Madaling nakapasa si Rambo. Kahit bago pa lang, marami siyang naisulat  – kadalasa’y pampulitikang analisis sa mga isyung pambayan. Dahil dito at sa kanyang pagiging tagapagsalita ng LFS, tumanyag nang husto si Rambo.

Noong gabi ng kanyang kaarawan, bago siya bumalik patungong Aquinas, pansin na ng mga kaibigan ni Rambo ang matitikas na lalaking umaali-aligid sa labas ng bahay. Katunayan, nang dumaan sila pauwi, binati pa sila. “Naki-bertdey kayo kay Ambo?” Kumaripas sa takot ang mga kaibigan ni Rambo.

Kinaumagahan nga, nagpahatid si Rambo sa ama sa terminal. Naghihintay ang eskuwela, ang mga aralin, ang mga gawain sa LFS: Dapat na maagang masimulan ang linggo.

Sa pinakadulo ng bus, iniupo ni Mang Arnel ang anak. “Low profile ka lang sa biyahe,” tagubilin ng ama kay Rambo. Iniwan ni Mang Arnel si Rambo na nagbabasa ng librong Harry Potter at nakikinig ng musika sa kanyang I-Pod habang naghihintay na pag-alis ng bus.

Kararating pa lamang sa bahay ni Mang Arnel nang ibalita sa kanya ng mga kapitbahay: Pinagtatadtad ng bala si Rambo sa loob ng bus! Takbo siya pabalik ng terminal, kasama ang dalawa pang anak. Inabutan ni Mang Arnel ang duguang si Rambo, lupaypay sa upuan.

“Ano ang ginawa ninyo sa anak ko?” tanong niya sa isang pulis na nagbabantay. Gusto pa ng mga kapatid na itakbo si Rambo sa ospital, ngunit nang makita ni Mang Arnel ang dalawang tama sa dibdib, sa panga at sa likod, alam niyang wala na ang panganay na anak.

Sa pakikipag-usap sa mga saksi, napag-alaman ni Mang Arnel ang mga pangyayari: Isang matikas na lalaki ang umakyat sa bus, tumungo sa kinauupuan ni Rambo, tumango sa matikas ding lalaking katabi ng anak, at saka tinadtad ng bala ang aktibista. Pagkatapos, tahimik na bumaba ang lalaki, pati ang tinanguang lalaki, habang nagsisigawang pababa ang mga pasahero.

“Nakapanghihinayang ang buhay ni Rambo,” ani Mang Arnel. “Pero ipinagmamalaki naming nagkaroon kami ng anak na tulad niya. Masaya kaming nagkaroon ng anak na di namin ikinahihiya, na itinuturing ng marami na bayani at huwarang kabataan.”

Note: Matapos lumabas ang artikulong ito, lumabas din ang artikulo ko sa PW hinggil sa paggawad diumano ng “rebolusyonaryong hustisya” sa isang yunit ng Army na diumano’y may kinalaman sa pagpaslang kay Rambo.

Kuha ang mga larawan sa itaas mula sa Facebook page na alay kay Rei Mon.

Advertisements
Standard
Human Rights

NUJP, Philippine Human Rights Reporting Project Training on Reporting Extra-judicial Killings

Standard
Human Rights, PW Editorials

Panahon na para maningil ng utang na dugo

justice-for-rebelyn1

Tinatanong pa ba kung sino ang unang dapat imbestigahang suspek sa pagdukot, pagtortyur, paggahasa at pagpatay sa 20-taong-gulang na si Rebelyn Pitao?

Hindi ito ang una, at sigurado’y hindi ito ang magiging huling kaso ng karumaldumal na krimen laban sa isang walang kalaban-labang sibilyan. Alam iyan ng sinumang sumubaybay sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa sa huling walong taon. Kaya naman hindi natin magagawang paniwalaan na magugulat pa si Maj. Randolph Cabangbang na tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na sinususpetsahan ng ordinaryong mga mamamayan sa Davao ang militar na siyang may kagagawan sa sinapit ni Rebelyn.

“Ipinag-aalala namin ito. At nababagabag kami,” sabi ni Cabangbang. Pero ano pa ba ang dapat ikagulat? Bakit ngayon lang mababagabag? Halos isanlibong aktibista at sibilyan na ang napapaslang. Halos dalawandaan naman ang nadukot, walang nakakaalam o umaaming nakakaalam sa kanilang kinahinatnan. Mayorya sa mga kasong ito, may malakas na patunay na mga elemento ng Armed Forces ni Cabangbang ang may pakana. At ngayon lang siya mag-aalala? Ngayon lang siya magpapaimbestiga?

Kaya naman hindi natin maaaring paniwalaan na lamang na lalabas pa ang katotohanan sa mga tulad ni Cabangbang. Hinding hindi niya ipagkakanulo ang sariling organisasyon na sa maraming pagkakatao’y napatunayang nagpapatupad ng organisadong kampanya para likidahin ang mga aktibista sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Wala pang ebidensiya na napangibabawan na ng militar ang tinawag ni UN Special Rapporteur Prop. Philip Alston na “state of denial” sa pagkakasangkot nito sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Katunayan, kabaligtaran pa nga ang nagaganap – patuloy na kinakanlong ng Punong Ehekutibo ang ilan sa itinuturong nangungunang lider-militar sa implementasyon ng mga pamamaslang at pagdukot: si Jovito Palparan, na sa kabila ng madugong rekord ay palaging pinaghahanapan ng puwesto sa sibilyang burukrasya; si Hermogenes Esperon, na – sa isang hakbang na mistulang pangungutya sa lahat ng biktima ng giyera kontra insurhensiya – tinalaga pa bilang tagapayo ng Pangulo sa prosesong pangkapayapaan; at si Delfin Bangit, ang “emperador” ng mga maninitktik ng militar na isa sa itinuturong nasa likod sa pagtago sa dinukot na aktibistang si Jonas Burgos, at sa diumano’y lider-rebelde na si Leo Velasco.

Pinaslang si Rebelyn, tiyak, dahil anak siya ni Leoncio “Kumander Parago” Pitao na lider ng New People’s Army sa Timog Mindanao na matagal nang pinanggigigilang mahuli ng AFP. Magmula nang mahuli ng yunit ng NPA na pinamumunuan ni Kumander Parago si Gen. Victor Obillo at si Capt. Eduardo Montealto noong Pebrero 1999, sunud-sunod nang kahihiyan ang natamo ng AFP. Nahuli ng militar si Parago noong Nobyembre 1999, ngunit kalauna’y napalaya sa korte. Sa loob ng halos isang dekada, pinalakas ni Parago ang NPA. Walang taong lumampas na hindi nakapaglunsad si Parago ng matagumpay na aksiyong militar laban sa AFP.

Noong Disyembre 2008, ipinagmalaki ni Maj. Gen. Jogy Leo Fojas ng 10th Infantry Division ng Army na “lumiliit ang espasyong” kinikilusan ni Parago – malapit na umano siyang mahuli ng mga yunit ng AFP doon. Kampante masyado si Fojas na mahuhuli si Parago; nagtakda pa siya ng dedlayn sa katapusan ng taon para mahuli ang kumander. Di na kailangang sabihing muling nabigo ang militar sa pangakong ito.

Kahihiyan ng militar ang nakataya sa mga operasyong militar laban kay Parago at sa NPA sa Timog Mindanao – kahihiyang malamang na nagtulak sa kanilang tugisin ang mga kaanak ng kumander para mahikayat si Parago na kusang sumuko. Noong Hunyo 2008, pinagbabaril ng armadong kalalakihan sa Tagum City si Danilo Pitao, kapatid ni Parago na nagtatrabaho bilang empleyado ng provincial capitol sa Davao del Norte. Nabalita ring namuntikan nang mapuruhan si Ryan Pitao, anak ni Parago, noong nakaraang taon. Isiniwalat din ni Rio Pitao, isa pang anak na babae ng kumander, na pansin niya ang pagmamanman sa kanya ng misteryosong kalalakihan.

Matagal nang nanganganib ang mga kaanak ni Parago sa AFP na gigil sa dugo ng kumander. Kung kaya kung mayroon mang unang iimbestigahan bilang suspek sa karumaldumal na krimeng ginawa kay Rebelyn, tiyak na militar dapat ito. Nakakagalit ang pagmamaang-maangan ni Cabangbang dahil ginagawa niya tayong tanga na walang sariling pag-iisip, walang kakayahang makonekta ang mga bagay-bagay at maiturol ito sa kanyang kinabibilangang pasistang organisasyon.

Pero may sariling isip ang taumbayan. May sarili rin itong kapasyahang igiit ang katarungan.

(Editoryal na sinulat ko sa isyu ngayong linggo ng Pinoy Weekly)

Standard
Human Rights

A right worth fighting for

In celebration of the 60th anniversary of the Universal Declaration of Human Rights, an official from the Commission on Human Rights has recently declared his intention to fight for the inclusion of an even more basic right among human beings than the right to life, liberty, free expression, etc.: the basic right to a soft, beautiful, mala-sutla, skin. The CHR official, Commissioner Wilhelm Soriano, is passionate about this cause. So passionate that he has decided to use a soap as a platform for his advocacy. He, along with fellow human rights activist, the fiery and ever-articulate Alyssa Alano, grace the box of a soap, out in groceries all over the country.

wilhem-soriano

Standard
Culture, Etc.

Obama-rama

I heard from some people that a lot of Filipino-Americans supported John McCain over Barack Obama. The reason for this, Luis Teodoro says, is our deep-seated colonial mentality and identification for the White Man far more than fellow peoples of color. The pervading racism of whites on blacks in the US extends to how we view blacks here in the country: with scorn, fear or derision (hence the popularity of whitening soaps and gluta/metathione). If anything at all, an Obama presidency may help change that.

But despite the rethoric of “change” not much else is expected in Obama. Here is the Pinoy Weekly article about that:

http://pinoyweekly.org/cms/2008/11/pagbati-babala-kay-obama

Teo Marasigan also has something to say:

http://kapirasongkritika.wordpress.com/2008/11/11/obama-sa-kaitaasan/

From the PW article are some of the things world leaders and progressives hope for in Obama (translated in FIlipino):

‘Wish list’ kay Obama

NAGHIHINTAY ang buong mundo sa “pagbabagong” ipinapangako ng bagong halal na presidente ng US na si Barack Obama. Ilan sa inaasahan ng ilang mga personalidad mula sa iba’t ibang lahi:

Hugo Chavez, presidente (Venezuela): “Hindi naman natin hinihiling na maging rebolusyonaryo siya, hindi nating hinihiling na maging sosyalista siya; sana lang, bilang taong itim na magiging presidente ng US, lumugar siya sa kasaysayan…Sana ititigil ng susunod na gobyernong US ang embargo at agresyon laban sa Cuba.”

Nelson Mandela, dating presidente (South Africa): “Nawa’y magkalakas at tanaw ka (Obama) sa mahihirap na mga araw at taon sa hinaharap…Sigurado kaming makakamit mo ang pangarap na gawing buong kabahagi ang US ng komunidad ng mga bansang may komitment sa kapayapaan at kaunlaran para sa lahat.”

Peter Maurer, embahador sa UN (Switzerland): “Makakatanaw ng oportunidad ang bagong administrasyon para tingnan at pakinggan ang bagong mga boses dahil sa napakalakas na goodwill [kay Obama] sa UN…”

Mahmoud Ahmadinejad, presidente (Iran): “[Umaasa kami na gagamitin ni Obama] ang oportunidad para paglingkuran ang mga mamamayang Amerikano at mag-iwan ng magandang pangalan sa kasaysayan.”

Irene Khan, tagapangulo ng Amnesty International (US): “Kailangang magpokus ang bagong administrasyon sa pagtatama sa mga kamalian ng administrasyong Bush at ibalik ang US sa pagiging kampeon ng karapatang pantao loob at labas ng bansa.”

Eduardo Galeano, manunulat (Uruguay): “Gusto kong makita si Obama – na may napakalaking historikal na opportunidad – na hindi niya makalimutan na papasok siya ngayon sa White House. Magiging tahanan niya sa hinaharap ang White House, pero mga aliping itim ang nagtatag sa White House. Gusto ko, umaasa ako, na hinding hindi niya makalilimutan ito.”

Standard
PW Editorials

What we should be saying back to Gloria and her ilk at the United Nations

Here is the editorial for Pinoy Weekly that I wrote for this week’s issue:

Ang dapat managot sa krisis

SINISIGURO raw ni Pangulong Arroyo: Hindi tayo maaapektuhan ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Pero kapani-paniwala pa ba ito?

Kalimutan na nating ito ang presidenteng nagsabing hindi na siya tatakbo noong 2004, na gaganda ang buhay ng mga maralita dahil sa EVAT (Expanded Value-Added Tax), na iginagalang ng militar ang karapatang pantao sa kabila ng iniuulat ng mga eksperto sa United Nations. Hindi pa rin tayo mapapaniwala ni Arroyo.

Basahin ang buo:

http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/09/ang-dapat-managot-sa-krisis

Standard