Sa nakaraan, may mapagpipilian

Bakit mo gustong umalis? Tanong ng mga kaklase niya kay Na Young, 12. Dahil gusto ko, aniya. Gusto niyang maging tanyag na manunulat. Hindi niya makakamit ito sa Korea. Dinig ito ng kaklase at kaibigan niyang si Hae Sung. Matapos ang klase, tulad ng nakaraan, sabay silang uuwi. Pero tahimik ang dalawa sa mahabang lakad. Sa sangandaan papauwi sa kani-kanilang tahanan, magpapaalam si Hae Sung. Dalawampu’t limang taon silang hindi magkikita.

Pero hindi mapapatid ang koneksiyon, ang in-yeon, na nandoon na kahit—sa kanilang paniniwala—noong nakaraang mga buhay nila. Sa ibang mundo, ibang panahon, ibang pagkakataon, magkakasama sina Na Young at Hae Sung. “Ikaw ang reyna at ako ang tauhan ng hari na nagkaroon ng relasyon,” biro ni Hae Sung kay Na Young (noo’y Nora na sa Amerika) noong magkita sila matapos ang 25 taon. Pero sa mundong iyun, sa mundo ni Hae Sung kung saan pasan niya ang tradisyon ng Koreanong pagkalalaki (“Dapat maging matagumpay ako para sa asawa ko…” “Ordinaryo lang ako…”), at sa mundo ng artistikong ambisyon ni Nora (“Gusto kong magwagi ng Nobel Prize…” “Gusto kong magwagi ng Pulitzer…”), hindi sila maaaring magsama. Walang batayan, walang materyal na kondisyon sa dispensasyong iyun.

Sa mundong iyun – mundong ito – na ang mahalaga’y paghangad ng indibidwal na tagumpay at kaligayahan, hindi makatwirang opisyon kay Nora ang bumalik sa bayang kanyang pinagmulan, balikan ang pag-ibig ng pagkabata. “Napagtanto kong kinailangan mong umalis dahil ganoon ka,” ani Hae Sung, “At ang dahilan kung bakit nagustuhan kita ay ganoon ka.” Mabigat ito para sa atin bilang mga manonood, dahil alam nating marami sa ati’y ganoon din. Hindi nag-iisa si Nora. Katulad niyang nabibihag tayo sa paniniwalang ang halaga ng buhay’y pagtugis sa personal na mga proyekto’t tunguhin. At sa mga pagkakataong muling maaantig tayo ng nakaraan, mapagtatanto natin kung gaano kahungkag at kawalang-kabuluhan ang ating mga ambisyong tinutugis. Si Hae Sung ang nagpapaalala nito kay Nora. Siya ang palaruan ng kanyang pagkabata, ang puro’t inosenteng pag-ibig, ang bayan na kanyang iniwan.

Nakadudurog-puso ang kuwento ni Na Young, dahil kuwento rin ito ng milyun-milyong migrante, milyun-milyong distiyero, natulak-natutulak papalayo nang papalayo sa nakaraan nilang mga buhay para maghangad ng akala nila’y mas maganda, mas mabuti, mas maalwan. Sa isang banda, totoo ang akalang ito. Sa kabilang banda, ilusyon lang ito. May mapagpipilian si Nora. Trahedya ang kanyang pag-aakala na wala.

#PastLives